Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Inihahandog ng Front Row: Bully
Madalas tungkol sa mga kakulangan o kasalatan kung paksa ng edukasyon o eskuwelahan ang pag-uusapan. Pero taun-taon, wala mang nakatalang opisyal na bilang, nagiging kabaha-bahala ang isang pangyayaring nagaganap sa loob mismo ng mga silid ng paaralan.
Ang katorse anyos na si “Jay”, hindi niya tunay na pangalan, 3rd year high school sa darating na pasukan. Sa bawat pagbubukas ng klase, baon niya ang isang mapait na karanasan. Unang taon pa lang niya sa high school nang maging tampulan siya ng katatawanan. Mula sa simpleng masasakit na salita, humantong ito sa pambubugbog ng ilan niyang kaklase na naging dahilan ng kanyang pagkaka-ospital.
Hindi nalalayo ang bangungot na sinapit ni “Tonton”, katorse anyos. Ang para sa iba’y nakakatuwang kuwento ng pag-agaw sa kanyang baon ng mga kaklase, minsanng pinagdaanan ni “Tonton”. Kinaya pa niya ito hanggang naging pisikal ang mga ginawa sa kanya. Pinagtulungan siyang bugbugin ng mga kaklase, nag-iwan ito ng matinding trauma sa binatilyo, at naging dahilan ng pagtalikod niya upang pumasok sa eskuwela.
Hindi pa man itinuturing bilang krimen sa Pilipinas, isang seryosong usapin ang bullying na hindi dapat ipinagsasawalang-bahala, bagkus ay dapat pag-usapan at pagtuunan ng pansin. Dahil sa iba pang pagkakataon, mas malala pa ang kinahihinatnan nito.
Noong nakaraang taon, kinitil ni Lee Young Gunay ang sarili niyang buhay. Palaisipan noong una para sa kanyang mga kaanak ang dahilan ng kanyang pagkakamatay. Hanggang sa matuklasan nilang labis na nakaapekto sa second year high school student ang madalas na panunukso at pambu-bully sa kanya sa eskuwela.
'Wag palampasin ang dokumentaryong “Bully,” handog ng programang Front Row ngayong Sabado, June 1, 2013, 9:45 PM sa GMA News TV Channel 11.
More Videos
Most Popular