Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

Kasag Boys handog ng 'Front Row'


FRONT ROW Kasag Boys  Airing Date: November 10, 2012   Tuwing hapon, sa maputik na taniman ng nipa sa bayan ng Guinsiliban sa Camiguin, nanghuhuli ang mga batang lalaki ng iba't ibang uri ng "kasag" o katang. Mula edad walo hanggang labing anim, ang mga grupo ay may kanya-kanyang pakay. Mula sa maliliit na kasag hanggang sa pinakamalaki, lahat hinuhuli.   Isa sa mga batang ito si Suzuki Napone, dose anyos. Siyam na taong gulang siya nag-umpisa sa ganitong trabaho. Ang pakay daw ng grupo nila ay ang mga kasag na ang tawag ay alikomo at alikuway. Mas malalaki raw kasi ang mga ito at mas malasa kaya masarap na pang-ulam at maaari pang ibenta. Sa malalalim at mapuputik na butas nila ito nahuhuli. Kamay na walang proteksyon at lakas ng loob lang ang kanyang sandata para hulihin ang mga kasag. Kaya madalas silang masipit ng mga ito. Pero bukod sa sipit ng mga kasag, mas delikado ang posibilidad na may ahas sa butas. Madalas kasing may nahuhuling cobra sa lugar nila. Pero para kay Suzuki at mga kasama niya, wala silang magagawa kundi iutuloy ang panghuhuli ng kasag. Hindi na lang daw nila iniisip ang peligro. Kung hindi kasi sila manghuhuli araw araw, gutom ang aabutin niya at ng kaniyang pamilya.   Sundan ang kuwento ng mga Kasag Boys sa Front Row, ika-10 ng Nobyembre, 8:45pm sa GMA News TV.