Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kuwento ng mga Amerasian gaya ni Whitney Tyson sa 'Front Row'


Sa ikatlong bahagi ng unang anibersaryo ng Front Row: LAHI
Airing date: March 24, 2012
8:40 p.m. sa GMA News TV 
 
Namayagpag ang kanyang karera sa showbiz noong dekada nubenta bilang isang mahusay na komedyante. Naging regular siya sa mga sitcom kung saan ang papel niya ay kadalasang inaalaska ng mga bida. Sa mga teleserye at pelikula, katulong o sidekick naman siya. Siya si Whitney Tyson o Bonnie Fowler sa totoong buhay.
 
Aminado si Whitney na ang kulay ng kanyang balat ang naging puhunan at tiket niya para makapasok sa mundo ng showbiz. Nadiskubre raw siya ng kanyang unang manager habang hirap siyang nakikipagtalo sa isang Amerikano na iniingles siya sa pag-aakalang Amerikano din si Whitney. Bagamat ang kanyang kulay din daw ang karaniwang dahilan ng panlalait at pangungutya sa kanya, bata pa lang siya ay niyakap na niya ang kanyang kulay na naiiba sa karaniwang kayumangging kompleksyon ng mga Pilipino.
 
Isa si Whitney sa  mga Amerasian o anak ng mga sundalong Amerikano na naiwan sa Pilipinas matapos magsara ang mga base military sa Pilipinas noong 1992. Ayon sa Pearl S. Buck International Foundation, tinatayang may 52,000 na nakalat sa buong Pilipinas. 5,000 sa kanila ay naninirahan o ipinanganak sa Angeles City, Pampanga tulad ni Whitney at ng kanyang ina na isa ring Amerasian. Tulad ng marami sa mga Amerasian sa bansa, iniwan din siya ng kanyang ama.
 
Sa kasalukuyan, sa kabila ng kanyang tagumpay noong nakaraang dekada, matumal na ang kanyang karera. Wala na siyang proyekto sa telebisyon at pelikula. Ngayon, sa mga piyesta na lang sa mga probinsya siya bumebenta. Ang masaklap, ubos na ang ipon niya at ngayon ay nakatira na lang siya sa ilalim ng tulay.
 
Ang kuwento ng mga Amerasian, karaniwang nababalot ng kalungkutan at pagnanais na makilala ang kanilang tunay na pinagmulan. Hindi lang si Whitney ang nasa kalagayang ito. Marami pa sila.
 
Alamin ang kanilang buong kuwento sa "Lahi", ang ikatlong bahagi ng unang anibersaryong pagtatanghal ng Front Row, 840pm sa GMA News TV sa Marso 24, 2012. 
Tags: plug