Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Elemento: Isang pagtuligsa sa panghuhusga


Hindi raw sila nakikita ng ating hubad na mga mata... maliban na lang kung gugustuhin nila.
 
Kung paniniwalaan natin ang mga sabi-sabi, masasabing isa ang mga duwende sa mga pinakakinatatakutang lamang-lupa dahil sa taglay nilang kapangyarihan. Madalas silang gamitin ng mga magulang at matatanda bilang panakot sa mga pasaway na paslit. At kahit maliit lang daw ang mga duwende, hindi raw sila dapat ismolin.
 

Ayon sa mga kuwento, mayroon daw dalawang uri ng mga duwende—ang mga mababait at mga masasama. Ang mga itim na duwende nga raw ang pinakamaliit ngunit pinakamasamang elemento sa daigdig. Dahil sa kanilang itim na kulay, binabansagan agad silang sinungaling at hindi mapagkakatiwalaan.
 
Ngunit sa huling pagtatanghal ng “Elemento,” tampok ang isang itim na duwendeng nagngangalang Bambolito. Naiiba raw siya sa kaniyang mga kauri dahil sa busilak niyang puso.


Iniiwasan si Bambolito ng ibang mga duwende dahil sa kaniyang kulay. Sa kabila nito, naniniwala siya na hindi kailanman makikita sa hitsura o pisikal na anyo ng isang nilalang ang kaniyang tunay na personalidad, mas importante pa rin ang ginagawa, iniisip at sinasabi nito.
 
Hindi rin daw nag-iisa si Bambolito sa kanyang sitwasyon. Tulad niya, nararanasan din ng ibang tao ang panlalait dahil sa kulay ng kanilang balat at hitsura. Isa sa mga ito si Anya, isang batang katutubong nagmula sa probinsya at kinukutya ng kaniyang mga kaklase sa siyudad.
 
Wari’y nakita ni Bambolito ang kaniyang sarili nang makita kung paano alipustahin ng ibang tao si Anya. Kinaibigan ng duwendeng itim si Anya at binigyan ito ng kapangyarihang gumawa ng apoy.
 

Pero dahil sa kaniyang bagong kapangyarihan, mas lalong kinatakutan at nilayuan si Anya ng mga kaklase. Ngunit nang masunog ang pinapasukang paaralan at nanganib ang buhay ng ilang mga kaklase, hindi nagdalawang-isip si Anya na iligtas ang mga ito mula sa nasusunog na gusali.
 
Sa huli, sinabi ni Bambolito na binigyan niya si Anya ng kapangyarihan upang matuto itong magtimpi at magpakita ng kabutihang-loob sa kabila ng lahat ng pangungutya. Ang karakter daw na ito ang tunay na “kapangyarihan.”
 
Pagtaliwas sa nakikita at nakasanayan
 
Sinasalamin ng kuwento nina Bambolito at Anya ang kabuuan ng mensaheng nais iparating ng “Elemento”—bawat nilalang, ano man ang hitsura, ay mayroong natatanging kabutihan. Kung minsan, mas nakakatakot pa nga raw ang tao kaysa sa mga multo o aswang na ating kinatatakutan dahil sa buktot nating mga gawi tulad ng panghuhusga sa kapwa.
 

Ayon sa program creator na si Ivy Magparangalan, hindi lang pagbabago sa ilang henerasyon nang napagpasa-pasahang mga alamat ang layunin ng programa. Nais din daw nilang iparating sa mga manonood na mayroong natatagong kuwento ng kagandahang-loob ang bawat nilalang.
 
Sa mga nakaraang episode, nasaksihan natin ang kuwento ng rebeldeng manananggal na ipinagtatanggol ang mga naaaping kabataan at kababaihan. Mayroon ding kapreng binabantayan ang kagubatan at diwata ng Ilog Wawa na pinoprotektahan ang katubigan.
 
“To localize the concept, I thought of using Philippine folklore creatures and trying to debunk pre-conceived notions about their existence,” ani Ivy.
 
Pagbabahagi pa ni Magparangalan, napili niya ang genre na horror-fantasy bilang isang Halloween special dahil bata pa lang siya ay paborito na niya ito. Kagaya ng kaniyang pagkahilig dito, nais din niyang makiliti ang imahinasyon ng mga manonood.
 
“I am a big fan on of movies like Underworld and Spiderwick. The mystery of the unknown fascinates me. As a mother, I often ask myself how to make storytelling fun and engaging for my daughter. So I mimic the sound and voices of dragons and fairies just to make her laugh,” pagbabahagi pa niya.
 
Matagumpay na naisakatuparan ng programa na busugin ang mata ng mga manonood dahil sa pakikipagtulungan ng GMA sa iba’t ibang post-production companies para magkaroon ng  dekalibreng special effects at 2D animation ang bawat episode. Mas naging kapana-panabik at makatotohanan ang mga tagpo dahil sa paggamit ng color grading at sound engineering. 
 
Hindi man natin nakikita ang mga elemento, kathang-isip man sila o hindi, isang bagay lang ang sigurado—napayaman nila hindi lamang ang ating imahinasyon kung hindi pati na rin ang ating kultura at tradisyon. 

Sundan ang Official Facebook page ng GMA Public Affairs para sa updates at exclusive web content ng mga paborito ninyong programa- Yuji Gonzales/BMS/ARP