Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs
Staff ng ‘Elemento,’ minulto sa set?
By Gerald Vista
Alas-otso ng gabi nang biglang may maramdamang kakaiba si Marjorie.
Hirap siyang huminga. Tila raw may mga kamay na unti-unting humihigpit ang kapit sa kaniyang leeg. Sa hindi kalayuan, isang matandang babae ang nakatingin sa kaniya. Nanlilisik ang mga mata at galit na galit!
Galit na matandang babae
Ganito inilarawan ni Marjorie Lyn Ortega, 12 anyos, ang nangyari sa kaniya nang minsang mag-taping sila sa isang haunted house sa Vito Cruz, Manila. Si Marjorie o Ashlyn sa mga malalapit sa kaniya, ang isa sa mga bida sa episode na “Ang Apoy ni Bambolito” ng Halloween series ng GMA-7 na “Elemento.”
Noong umaga, wala naman daw naging aberya sa kanilang taping. Pero pagkagat ng dilim, iba na raw ang kuwento.
Ayon kay Ofelia, ina ni Marjorie, nagsimulang makaramdam ng kakaiba ang bata matapos nilang maghapunan ng production team.
Noong una, nakaramdam daw si Marjorie ng pagbigat ng katawan na nasundan ng pananakit ng tiyan. Hindi nag-alala noong umpisa si Ofelia sa pag-aakalang marami lang ang nakain ng anak.
“Tinitigan ko [siya] tapos pinaupo ko. Pagkuha ko ng bangko, sabi niya, ‘Ma, di na ako makahinga.’ Matapos ‘yung ilang minuto na iyon, ‘di na siya nakakapagsalita, pine-press na lang niya ‘yung kamay ko,” ani Ofelia.
Mahigpit ang kapit ni Marjorie sa braso ng kaniyang ina. Malamig ang kamay ng bata. Ilang ulit siyang tinanong ni Ofelia kung ano ang nararamdaman niya pero hindi raw ito sumasagot. Bahagyang nakatingala lang ang ulo ni Marjorie, animo’y sinasakal ang kaniyang leeg.
Nagdesisyon ang production team na dalhin muna sa van si Marjorie para malamigan ito. Nang mahimasmasan, tinanong si Marjorie ng kaniyang ina kung ano ba talaga ang nangyari.
“Ayoko na sa attic, Ma. Nandu’n yung matanda. Galit na galit siya,” kuwento ni Marjorie.
Tinanong ng ina ni Marjorie kung sino ang tinutukoy niyang matanda. Wala naman kasing matandang babae na kasama sa kanilang taping.
Pero pilit sinasabi ni Marjorie na mayroon daw matandang babae na nakatayo sa likuran ng isa nilang cameraman. Galit daw ito at nanlilisik ang mga tingin.
Nang tanungin ng grupo ang may-ari ng bahay, nalaman nilang maaaring isa raw ito sa kanilang kamag-anak na matagal nang pumanaw. Maaaring nagambala raw ito habang nagte-taping ang grupo.
Dahil sa pangyayari, nagdesisyon ang staff at crew ng programa na mag-alay ng isang panalangin. Hindi na rin nila tinapos ang mga nalalabing eksena para sa gabing iyon.
“Nag-meeting ang team at nag-decide na huwag na lang ituloy ang taping dahil hindi na raw kaya ng bata na pumasok sa bahay dahil sa takot. Noong nangyari ang eksena sa bata, nagpatawag kami ng psychic daw na taga-roon. Nag-offer siya ng dasal para raw huwag na kami gambalain. Nang mag-pack-up din ang team, nag-closing prayer din kami para sa safety ng lahat,” ani Kristian Julao, Executive Producer ng “Elemento.”
Tuluyan na kayang matatahimik ang matandang babae matapos siyang alayan ng panalangin? Ikaw, sino ang nasa likuran mo habang binabasa ang kuwentong ito?
Haunted House, Vito Cruz, Manila
Maliban sa nakakikilabot na karanasan ni Ashlyn at ng production team ng “Elemento” sa kanilang taping, mayroon pa raw silang kuwento ng kababalaghan sa parehong bahay.
![](http://images.gmanews.tv/v3/webpics/v3/2014/10/2014_10_17_12_17_46.jpg)
Kuha sa loob ng bahay sa Vito Cruz. Kapansin-pansin ang tila usok na hugis-tao sa tabi ng mesa sa sala.
Nakunan ang larawang ito sa parehong bahay na pinangyarihan ng kuwento ni Marjorie. Ayon sa production designer ng programa na si Erwin Bayot, kinunan lang daw niya ang set para sa behind-the-scene footage.
![](http://images.gmanews.tv/v3/webpics/v3/2014/10/2014_10_17_12_14_23.jpg)
Mapapansin ang tila puting usok na hugis-tao sa tabi ng mesa. Ano o sino kaya ito? Ito rin kaya ang matandang babae na nagpakita kay Marjorie?
Ang lalaki sa attic
Kung ang batang si Ashlyn ay nakakita ng matandang babae sa kanilang set, iba naman ang kuwento ng katatakutan ni Hazel Ocampo, wardrobe staff ng programa.
Naganap daw ito sa attic ng bahay na katabi ng haunted house sa Vito Cruz.
“Gusto kong umakyat kasi gusto kong makita ‘yung background, kasi since wardrobe kami, ayaw naming maging kakulay ng [damit ng artista] ‘yung background. Pag-akyat ko, talagang amoy mabaho. Mabahong malansa,’ kuwento ni Hazel.
Hindi man kaaya-aya ang amoy na sumalubong kay Hazel, pumasok pa rin siya sa attic.
“Tapos kinilabutan na ‘ko. Nung pagbaba ko sa pangalawang baitang [ng hagdanan], may tumulak sa akin sa likod,” dagdag pa ni Hazel.
“Parang nanlalaki ‘yung ulo ko, parang may something talaga. Natakot na ‘ko. Ayaw ko nang umakyat kasi iba ‘yung pakiramdam ko. Pero ramdam ko talaga may tumulak sa akin. Malakas siya e, parang lalaki,” ani Hazel.
Matapos nito, hindi na ulit umakyat pa sa nasabing attic si Hazel. Iba nga ba ang diumano’y multo na ito sa nakita ni Ashlyn? Ilan kaya ang kaluluwang naninirahan sa ancestral house na iyon?
Safety precautions
Dahil sa magkakasunod na misteryong naranasan ng mga artista, staff at crew ng “Elemento,” mas naging maingat na sila sa pagpili ng set location. Nakaugalian na rin nilang magdasal, bago magsimula at pagkatapos ng kanilang taping.
“Sabi nga nila, to see is to believe dapat. Laging maging kritikal pero hindi rin naman dapat mawala ang respeto sa mga bagay na nakikita man o hindi.” sabi ni Kristian.
“Kalma lang dapat para makapag-isip at makapag-desisyon nang maayos,” dagdag pa niya.
Para sa batang si Marjorie, nagsagawa ng ilang pray-over sessions ang programa para siya ay ma-debrief.
Para naman sa attic na gagamitin nila sana sa mga hindi pa nakukunang eksena, gumawa na lang ng improvised set ang production team.
Sa mata ng isang eksperto
Kumonsulta kami sa isang eksperto sa larangan ng photography para suriin ang larawang nakunan ng staff ng “Elemento.”
Ayon kay Jay Javier, photography expert at propesor sa De La Salle University College of Saint Benilde, “The misty figure may well be just a reflection of the bright window, the chandelier or the drapes. The figure's shape corresponds to the window or the white drapes which surround it. The position of the camera is very receptive for flaring. Its lens is pointed directly into the light,” paliwanag ni Jay.
Ang flaring ay isang phenomenon na nagaganap kapag may isang maliwanag o matingkad na bagay ang tumama sa lente o sensor ng isang camera.
Dahil sa isang tablet lang din ginamit sa pagkuha ng mga litrato, mas malaki ang tsansa na magkaroon ng flare.
“A dirty or smudgy lens (as most tablet camera lenses would tend to become from the way these are handled) would likely create more 'ghostly' artifacts,” ani Javier.
Sa mga nangyari sa production team ng “Elemento,” hindi mapagkakailang maaaring mayroong ibang nilalang na naninirahan sa ating mundo. Ganunpaman, ipinapaubaya na namin sa inyo ang paghusga.
Totoo nga ba ito o bunga lang ng ating malikot na imahinasyon?
Totoo nga ba ito o bunga lang ng ating malikot na imahinasyon?
Mapapanood ang special Halloween series na Elemento tuwing Biyernes sa buong buwan ng Oktubre sa GMA-7. Sundan ang Official Facebook page ng GMA Public Affairs para sa updates at exclusive web content ng programa. - Gerald Vista/BMS/ARP
More Videos
Most Popular