ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Elemento: pagrerebelde sa nakasanayang kuwentuhan


Malaki at malapad ang kanilang mala-paniking mga pakpak. Bawat pagpagaspas at pagkaluskos, hudyat daw ng kanilang pagsalakay. Ang kanilang paboritong pagpiyestahan: lamang-loob ng mga sanggol. Kinatatakutan at kampon ng kadiliman—ito ang imahe ng manananggal sa ating mga Pilipino. 
 
Ngunit sa kabila ng nakakahon na nating paglalarawan sa nilalang na ito, sino nga ba ang mag-aakalang kaya nilang gumawa ng kabutihan? Ito raw ang pinagkaiba ni Esperanza sa kaniyang mga kauri.
 
Malakas at nakakatakot daw si Esperanza, ngunit hindi maitatangging kaakit-akit ang kaniyang hitsura. Pero higit pa sa taglay niyang ganda, mayroon siyang ginintuang puso. Pinili niyangmamuhay nang matiwasay sa mga tao kasama ang kaniyang mga anak-anakan. Ang kaniyang kabutihan, maituturing na pagrerebelde.
 
Tulad ng pagrerebelde ni Esperanza, isang pagtiwalag sa mga nakasanayan nating paniniwala tungkol sa mitolohiya ang alamat ng programang “Elemento.”
 
Ayon sa program creator na si Ivy Magparangalan, layunin ng “Elemento” na iparating sa mga manonood na may kani-kaniyang natatagong kuwento ng kabutihan ang bawat nilalang.
 
“Elementos or entities of the dark have long been perceived as evil doers, heartless and merciless villains who outwit their unwilling victims, the humans,” ani Magparangalan. “This show makes children take a look at the other side – that perhaps the elementals are also victims as we humans destroy their natural world.”
 
Tulad ng mga tao, may mga pinagdaraanan ding pagsubok sa buhay ang mga elemento—nagmamahal sila at nasasaktan.
 
“The elementals all fight for a certain cause – we have a manananggal fighting against child abuse, a kapre fighting illegal logging, a river fairy against water pollution and all that bring harm to their own kind, humans, and the environment,” aniya.
 
Imahinasyon at edukasyon
 
Higit pa sa pagbasag sa mga kinalakihan na nating mga haka-haka tungkol sa mga elemento, hangad ng programa na matuto ang mga manunuod nito. Hindi lang imahinasyon ang mapapayaman nito kung hindi pati na rin ang pag-uugali.
 
“I want kids to learn something from the show, I also made sure to inject good Filipino values for them to emulate,” sabi ni Magparangalan.
 
Dagdag pa niya, siguradong magugustuhan ng buong pamilya ang Halloween special na ito dahil sa kaengga-engganyong paraan nito ng pagkukuwento. Bata man o matanda, tiyak na may mapupulot na aral mula sa mga elemento.
 
“In search of program pitches for primetime, I thought of a genre that I’ve loved since childhood... horror fantasy. The mystery of the unknown fascinates me,” pagbabahagi pa niya: “As a mother, I often ask myself how to make storytelling fun and engaging for my daughter.”


Kalidad na pagkukuwento

Kung gagana ang isipan at lalambot ang puso ng mga susubaybay, tiyak namang mabubusog din daw ang kanilang mga mata dahil sa kakaiba at dekalibreng special effects. Nakipagtulungan ang GMA sa iba’t ibang post production companies para sa computer-generated imageries at 2D animation na ginamit sa bawat episode.
 
Naiiba ang “Elemento” sa mga ordinaryong serye ng GMA dahil gumamit ito ng color grading at sound engineering para mas gawing makatotohanan at kapana-panabik ang bawat tagpo. Kinuhanan din ang mga eksena gamit ang Canon C300S na ginagamit lamang sa mga pelikula.
 
Kasama rin sa mga bumubuo ng programa ang anyag at respetadong horror director na si Topel Lee at Urian awardee na manunulat na si Zig Dulay. Ilan din sa mga artistang gumanap bilang mga elemento ay sina Glaiza de Castro bilang manananggal, Bodjie Pascua sa “Ang Masayahing Kapre na si Itim” (October 17), Solenn Heusaff bilang ang “Diwata ng Wawa” na si Pandora (October 24) at Mike “Pekto” Nacua bilang ang itim na duwendeng si Bambolito (October 31). 
 
Dayuhin ang kakaibang mundo ng mga Elemento ngayong Oktubre, tuwing Biyernes, bago mag-24 Oras sa GMA-7.

Sundan ang Official Facebook page ng GMA Public Affairs para sa updates at exclusive web content ng programa. –Yuji Gonzales/ARP, BMS