Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Lumalaking problema sa basura, paano nga ba masosolusyunan ngayong may pandemya?


 

 

TRASH DIVERS
SEPTEMBER 23, 2021

 

 

 


Sa ilalim ng maitim at maburak na tubig na ito sa isang pumping station sa Maynila, laging tanong sa isip ni Garry Makiling, 46 years old, kung ano ang dadatnan niya. Habang may mga tila walang pakundangan sa pagtatapon ng iba’t-ibang basura gaya ng plastic, gamit na diaper, basag na bote at dumi, may mga taong gaya ni Garry na araw-araw itong hinaharap. Sila ang mga tagatanggal ng bara at tagapigil ng baha.

 


Ang pakay niya noong araw na makilala namin siya, tanggalin ang bara sa tinatawag na trash rake na sumasala sa mga basura sa Vitas pumping station. Ito raw ang dahilan kaya natigil ang kanilang operasyon. Para makahinga sa ilalim ng tubig, gumagamit si Garry ng compressor machine.

 


Dahil sa dumi ng tubig, wala nang makita sa ilalim pero dinig ang bawat paghinga ni Garry. Hindi rin daw maiwasang pumasok ang maruming tubig sa bibig niya habang kagat-kagat ang hose ng compressor.

 


 


Mula nang magsimula ang pandemya, may pagkakataon daw na pagkaahon ni Garry sa tubig, may mga face mask na nakasabit sa kanya.

 


 


Hindi nagsisimula sa pumping station ang problema sa basura dahil bago pa man bumagsak doon ang dumi, manggagaling muna ito sa mga bahay, kalsada, kanal hanggang sa dumiretso sa mga estero. Sa Estero de Magdalena sa Maynila, makikita ang ilang plastic, styrofoam, bote, at mga gamit na face mask.

 


 


Ang humahakot ng mga basura: mga estero ranger gaya ni Mang Danilo dela Cruz, 55 years old at Leonardo Duran, 31 years old. Kung noon, mga plastic, diaper at styrofoam ang nakukuha nina Mang Danilo ngayon, may mga face mask at face shield na raw silang nakokolekta. Noong araw na iyon, umabot sa dalawampung sakong basura ang nakolekta nila.

 


 


Ngayong may pandemya, sinasabing mas lumala ang problema sa basura, nagkalat ang maraming PPE gaya ng face mask at face shield. Mas dumami rin ang mga single use plastic waste dahil na rin sa pagtangkilik ng marami sa deliveries at take-out. Ano nga ba ang dapat gawin lalo na’t bago pa man ang pandemya, malaki na ang problema natin sa basura?

 

Sa Cebu City, isang lalaki naman ang biglang lumusong at sumisid sa isang imburnal matapo lumubog sa baha ang lugar. Bakit nga ba niya ito ginawa?

Abangan ang buong kuwento ng “TRASH DIVERS” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, September 23, 2021 11:30pm sa GMA 7 pagkatapos ng Saksi.