Mga pagbabago sa ilalim ng administrasyong Duterte, susuriin sa 'Reporter's Notebook'
ANG HULING SONA
JULY 29, 2021
Sa loob ng limang taon, nasundan ng Reporter’s Notebook ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tinalakay namin ang iba’t-ibang isyu ng lipunan gaya ng kahirapan, problema sa healthcare system, edukasyon at transportasyon.
Tinutukan din ng Reporter’s Notebook ang ilang beses nang naging kontrobersyal na giyera kontra droga ng pamahalaan.
Sa gitna ng police operation, ilang menor de edad ang nadamay kabilang na ang tatlong taong gulang na si Myca Ulpina. Tatlong tama ng bala ang kumitil sa buhay ng paslit.
Sinundan din naming ang ilang Build Build Build Project ng gobyerno at inalam kung alin sa mga ito ang natapos na.
Sa natitirang mga buwan ng panunungkulan ng pangulo ano na nga ba ang natupad sa mga ipinangako at anu-ano na ang nagbago sa ating bansa?
Abangan ang buong kuwento ng “ANG HULING SONA” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, July 29, 2021 11:30pm sa GMA 7 pagkatapos ng Saksi.