Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

NHA, sasagutin ang mga sa isyu sa pabahay, sa 'Bawal ang Pasaway'


BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE: PABAHAY

LUNES, MAY 1, 2017
10:15 PM SA GMA NEWS TV

Libreng pabahay, kuryente, tubig at maayos na trabaho—ilan lamang ito sa mga naunang hinaing ng mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o KADAMAY. Ika-8 ng Marso, naokupa ang 3,500 unit na pabahay ng National Housing Authority nang sumugod ang Kadamay sa Pandi Residences 3 na para sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology and Metro Manila Informal Settler Families. Makalipas ang isang linggo, umabot na sa 5,278 units ang inokupahan na KADAMAY sa lugar. Mayroon hanggang June 15 ang mga Kadamay upang mapatunayan na karapat-dapat sila sa mga pabahay na ito.

Nakapanayam ni Mareng Winnie ang National Housing Authority Spokesperson na si Elsie Trinidad upang malaman kung ano na nga ba ang aksyon na nagawa ng ahensya ukol sa isyung ito. Ibinahagi ni Trinidad ang apat sa naging kasunduan ng Kadamay at NHA. Una, hindi maaaring maantala ang mga lilipat na galing Metro Manila na naninirahan sa waterways. Ikalawa, ang pagbibigay ng pangalan ng mga Kadamay members na umokupa sa mga pabahay upang mai-profile sila para sa validation. Ikatlo, bibigyan sila ng palugit hanggang June 15 upang makuha ang datos kung sino pa sa mga government housing awardees ang interesado pa sa pabahay para sa kanila. Ikaapat, ang usapin ng pagbabayad at responsibilidad ng mga Kadamay members na ito sa pagokupa sa pabahay.

Ang mga miyembro ng KADAMAY, ayaw magbayad para sa pabahay. Ayon kay Trinidad, hindi sila makapapayag dito at maaaring ma-evict ang mga hindi magbabayad. Nang tanungin ni Mareng Winnie si Trinidad kung ilan na ang pinaalis nila dahil sa hindi pagbabayad, aniya “Sa totoo lang ma’am, we are a very considerate agency.”

“Hindi libre, pero pinagaan,” ito ang nakikitang solusyon ng National Housing Authority sa usaping pabahay. Ani Elsie Trinidad ang unang taon ng paglipat sa mga pabahay ay wala munang bayad at magaan umano ang P200.00 kada buwan sa unang tatlong taon na kakayanin bayaran. Tatagal ang pagbabayad buwan buwan sa loob ng 30 taon at pinakamalaki na umano ang P1,330.00 para sa huling limang taon ng pagbabayad. Paliwanag ni Trinidad, ang hindi pagbabayad ay maiiwasan sa pagiimplementa ng Notice of Cancellation sa sunod sunod na hindi pagbabayad ng tatlong buwan.

Hanggang saan aabot ang laban ng KADAMAY para sa pabahay? Ano ang hakbang na ginagawa ng NHA? At ano na nga ba ang sitwasyon ng pabahay sa ating bansa? Alamin yan sa panayam ni Mareng Winnie kay National Housing Authority Spokesperson Elsie Trinidad sa Lunes sa "Bawal ang Pasaway."

Tags: plug