Viral TikToker na si Totowaa, itatampok sa Brigada!
SABI NG MAMA MO
Ano raw??? Ito rin malamang ang maging reaksyon mo matapos mapanood ang viral Tiktok videos ng content creator na si Jero Cabiao o mas kilala bilang Totowaa ng kanyang libu-libong followers. Sa labo ng mga hirit niya sa kanyang patok na Tiktok videos, may mga mga pagkakataong siya mismo, hindi ma-gets ang kanyang sinasabi. Ang mga hirit daw niyang ito, para raw sana sa mama ng kanyang crush na gusto niyang ma-accept siya para hindi na tita ang itawag niya. Ang gulo, 'di ba? Pero kahit may kalabuan ang mensaheng gusto niyang maiparating, masaya si Totowaa dahil maraming napapasaya ang mga hugot niya online. Todo-kilig naman si Totowaa nang ipakilala siya ni Aubrey Carampel sa isa sa mga pinaka-crush niyang Kapuso actor ngayon.
SANIB?
Sa mismong araw ng anibersaryo ng pananalanta ng Bagyong Yolanda sa lungsod ng Tacloban, bigla na lang daw sinaniban diumano ang batang si "Rona" ng kaluluwa ng isa sa mga namatay sa sakuna. Ang nais nito, mahanap ang mga labi ng kanya raw kapatid na isa rin sa mga nasalanta at binawian din ng buhay. Tatantanan nga ba ng kaluluwa si "Rona" kapag naisakatuparan nito ang nais nitong gawing misyon? Inalam ni Kara David ang kasagutan.
PASAN NI SHERYL
Simula pagkabata, pasan-pasan na ni Sheryl ang karamdamang nagpapabigat sa kanyang buhay. Si Sheryl kasi ay mayroong plexiform neurofibromatosis, isang kondisyong naging ugat daw ng pagtubo ng mga bukol na tumubo sa kanyang leeg, hanggang sa tumubo ito't lumaki at kalauna'y naging makapal na balat na tumitimbang ng apat na kilo. Sa kabila nito, nananatili pa ring positibo ang pananaw sa buhay ni Sheryl. Sa katunayan, marami rin ang humahanga at humuhugot ng inspirasyon sa mga ipino-post ni Sheryl na online videos tungkol sa kanyang mga pinagdaraanan. Nasaksihan ni Mariz Umali ang tibay ng loob na taglay ni Sheryl.
Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento’t bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Sabado, 9:50 ng gabi, sa iisang Brigada sa GTV.