Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Brigada

Lalaking may apat na braso at tatlong binti, itatampok sa Brigada!


 

 

KARUGTONG NG BUHAY
Minsang dinarayo sa mga pagtatanghal sa circus ang tinaguriang si Octoman noong dekada sitenta. Marami rin kasi ang namangha sa pagtataglay niya ng apat na braso at tatlong binti. Ang taglay niyang pambihirang katangian, bunga pala ng pagkakaroon niya ng parasitic twin o kakambal na hindi lubusang nabuo ang katawan. Pagiging magkadikit na kambal o conjoined twins naman ang naging pagsubok ng magkapatid na Rebecca at Casandra. Mabuti na lang, nagawan pa rin ng paraan ng mga doktor na mapaghiwalay sila kahit pa nagsasalo lang ang kambal sa iisang bituka. Nasaksihan ni Kara David ang mga pinagdaraanang pagsubok ng mga conjoined twins.

 


 

BUHAY SA PATAY
Kahit pa tapos na ang undas, hindi pa rin ligtas sa makapanindig-balahibong karanasan ang ilan nating mga kababayang may kinalaman sa mga patay ang ikinabubuhay. Tulad na lang ng ginang na si Liezel na kumikita ng pera mula sa pangangalakal ng bahagi ng mga lumang kabaong na kanya namang nahahango mula sa sementeryo. Sakto naman daw ang perang kanyang kinikita sa ganitong trabaho, subalit kung minsan ay hindi rin daw maiwasang may maramdamang kakaiba. Ganito rin ang nararanasan ng trabahador sa punerarya na si Justin na nakaririnig daw ng mga bulong ng mga hindi matahimik na kaluluwa ng mga bangkay na kanilang nililinisan. Ibinahagi nila ang kanilang kuwento kay Saleema Refran.

 

 
 
PASYAL

Unti-unti nang bumababa ang bilang ng mga nagpopositibo sa Covid-19 sa bansa kada araw. Kaya naman masusi na ring pinag-aaralan ngayon ang pagpapababa sa mga umiiral ngayong alert level, partikular na dito sa Metro Manila. Para sa ilan, tila hudyat na rin ito ng pagkakataong makalabas kahit paano mula sa halos dalawang taong pananatili sa loob ng ating mga tahanan. Ilan sa mga binisita ni Darlene Cay ang tiangge sa lungsod ng San Juan kung saan nagsisimula nang mag-Christmas shopping ang karamihan, pati na ang ilang mga kainan sa Makati at Marikina na bukas na rin maging sa mga bata.

 


Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento’t bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Sabado, 9:50 ng gabi, sa iisang Brigada sa GTV.

 
Tags: brigada