Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Brigada

Mga pinagdaanan ni Jesi Corcuera sa kanyang pagiging transman, itatampok sa Brigada!


 


JESI'S JOURNEY

Unang nakilala sa telebisyon ang noo'y bahagi ng reality talent search na Starstruck na si Jesi Corcuera. Aminado siyang naging pigil ang kanyang pagpapakita ng talento noon dahil noong mga panahong iyon, hindi pa niya lubusang nailalantad ang tunay niyang pagkatao. Ilang taon ang makalipas, tuluyan na rin niyang nailantad na siya'y mayroong pusong lalaki, bagay na malugod namang tinanggap ng kanyang pamilya't mga kaibigan. At ngayon, ibinabahagi niya sa social media ang kanyang bawat hakbang at mga prosesong pinagdaraanan para maging isang ganap na lalaki. Ipinakita ni Jesi kay Kara David ang buhay at mga pagbabagong pinagdaanan niya bilang isang transman.

 


LIHI

Sa limang anak ng inang si Rosalinda, ang pang-apat niyang si Franklin ang bukod-tanging naiiba. Ipinanganak kasi si Franklin na walang mga kamay at paa. Suspetsa ni Rosalinda, marahil dahil daw ito sa pinaglihian niya noon na pata ng baboy noong ipinagbubuntis pa lang niya si Franklin. Sa kabila ng kanyang kapansanan, tuloy lang ang buhay para sa ngayo'y labing isang taong gulang na si Franklin. Sa katunayan, masipag ito sa pagtulong sa kanyang ina sa paggawa ng mga gawaing bahay, at balang araw ay nangangarap na maging isang sundalo para magkaroon ng pagkakataong maipagtanggol ang mga naaapi sa lipunan. Nasaksihan ni Lala Roque ang determinasyon ni Franklin sa kabila ng pasan-pasan niyang kondisyon.

 


FAKE BOOKING
Malaking tulong ang modernong teknolohiya sa ating mga pang-araw-araw na buhay lalo ngayong may pandemya. Sa katunayan, ni hindi mo na kailangan pang lumabas ng iyong tahanan para lang makabili ng pagkain at iba pang mga pangangailangan. Pero may ilang walang magawang mabuti, at ginagamit ito para mang-abala ng kapwa. Tulad na lang ng nangyari sa aktres na si Kris Bernal na ilang beses nang nabiktima ng fake booking kung saan maya't maya dinagsa ang kanilang bahay ng mga delivery rider para magdala sa kanya ng mga pagkaing hindi naman siya ang nag-order. Abala rin at bawas kita naman ang epekto ng fake booking sa mga delivery rider gaya ni Marvin dahil sa nasasayang nilang oras sa paghatid ng mga order na fake booking lang pala at walang tunay na customer na paghahatiran. Siniyasat ni Nelson Canlas ang mga paraan para maiwasan ang maging biktima ng fake booking.

 


Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento’t bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Sabado, 9:50 ng gabi, sa iisang Brigada sa GTV.

Tags: brigada