Palaboy na may ginintuang tinig, itatampok sa Brigada!
SA LIKOD NG HIMIG
Dahil sa kanyang ginintuang tinig, marami ang namangha sa isang palaboy sa Catarman, Northern Samar. Hindi kasi inakala ng marami na ang kagaya niyang marungis at tambay lang sa isang tindahan ay may ibubuga pala pagdating sa kantahan! Pero may malalim pala itong dahilan kung paano nauwi sa ganito ang kanyang sitwasyon. Nilisan niya ang kanilang tahanan sa Zambales matapos dumanas ng matinding pagsubok ang kanilang pamilya noong 2005. At ang atensyong bigla niyang nakuha ngayon online ang naging susi para muli silang magkaayos at magkita ng kanyang pamilya matapos ang mahabang panahon. Nakilala ni Kara David ang viral palaboy na may ginintuang tinig.
BIYAHENG VALENZUELA
Kilala bilang "Gateway to the North" ang lungsod ng Valenzuela dahil ito ang nagdudugtong sa Metro Manila at katabing probinsya ng Bulacan. At kahit pa naging maunlad na ang lungsod dahil sa pag-usbong dito ng iba't ibang industriya, nananatili pa rin ang probinsya feels nito dahil sa mayaman nitong kasaysayan at kultura. Pero kaya ding makipagsabayan ng Valenzuela kung pasyalan ang pag-uusapan, at katunayan ilan sa mga patok na attraction dito ang isang Santorini-inspired resort, pati na ang Tagalag Fishing Village kung saan mabubusog ka sa masasarap nilang fresh seafood! Kasama ang proud Valenzuelana na si Bb. Pilipinas 2021 2nd runner-up Meiji Cruz, pinasyalan ni Mav Gonzales ang iba't ibang lugar sa Valenzuela na tiyak gugustuhin mong balik-balikan.
LAPNOS
Marahil bawat isa sa atin ay naranasan nang mapaso matapos madampian ng mainit na bagay sa ating balat. Masakit ito, mahapdi, at hindi kaaya-aya ang pakiramdam. Paano na lang kung batang paslit ang maging biktima, at ang aksidenteng mabuhusan ng kumukulong tubig ang buong katawan? Ganito ang nangyari sa 4 taong gulang na si Sabel at magdadalawang taong gulang na si Ethan. Pareho silang naospital dahil sa pagkakalapnos ng buong katawan, at pawang halos hindi na makilala ang mukha dahil sa sakuna. Inalam ni Saleema Refran ang mga tamang hakbang at paunang lunas sakaling aksidenteng mabiktima ng pagkakalapnos ng balat.
Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento’t bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Sabado, 9:50 ng gabi, sa iisang Brigada sa GTV.