Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Plant-himagas, Biyaheng Pinas at content creator na si “Ses”, bibida ngayong Sabado sa Brigada! 9:05 PM, May 1, 2021


BRIGADA
MAY 1, 2021


PLANT-HIMAGAS
Ngayong buwan ng Mayo, tuloy-tuloy pa rin ang panahon ng tag-init sa Pilipinas. At tayong mga Pilipino, takbuhan ang mga malalamig na pagkain “to beat the heat”! At sa cold desserts na nilalantakan natin, ice cream ang pinakamadaling bilhin! ‘yun nga lang, maaari kang madagdagan ng timbang kung mapapadalas ang kain mo nito. Kaya naman nagsulputan na rin ang iba’t ibang klaseng mga ice cream na hindi masyadong nakaka-guilty! Introducing….vegan ice cream na gawa sa plant-based na gatas gaya ng coconut milk, cashew milk, at oatmilk! Tinikman ng ating Ka-Brigadang si Saleema Refran ang vegan ice creams na ito at para sa kaniya, masarap at malinamnam din gaya ng regular ice cream na ating nakasanayang kainin.

 

 

BIYAHENG PINAS
Excited na ang karamihan sa atin na muling makapasyal pero dahil sa pandemya, napurnada o ‘di kaya’y nabago ang mga plano sana ngayong tag-init! Pero ‘wag mag-alala kung hindi pa muna tayo makalabas dahil sasamahan tayo ng ating ka-Brigadang si Lala Roque sa mga natatagong ganda ng Pilipinas mula Luzon, Visayas, hanggang Mindanao. Camping at snorkeling ang handog ng isang dagat sa Batangas; “beauty after a tragedy” naman ang kuwento sa isang dalampasigan sa Eastern Samar; at natatagong ganda ang taglay ng isang isla sa Mindanao. Hindi naman nawawala ang paalala ng mga lokal na pamahalaan na sumunod sa health and safety protocols para maging ligtas pa rin sa banta ng virus habang nag-e-enjoy sa ganda ng kalikasan.

 

 
 
ONLINE SKITS
Patok ang online skits ng content creator na si Christian Antolin na kilala bilang si “Ses”. Ang kaniyang skits ay base sa maiinit na topic at trending online. Minsan gumagawa rin siya ng parody ng mga sikat na movies at celebrity viral videos. 2018 nang magsimulang gumawa ng online content si Christian sa Tiktok hanggang sa dumami ang kaniyang followers at natuto na rin siyang mag-shoot at mag-edit ng sarili niyang content. Pero sa kanilang kuwentuhan ni Aubrey Carampel, naibahagi ni Christian na may matindi rin siyang pinagdaanan ngayong may pandemya at ang content creation ang isa sa nakatulong para maibsan ang kaniyang pinagdaanan.
 
 
Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento’t bagong karanasan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Sabado, 9:05 ng gabi, sa iisang Brigada.

 

Tags: brigada