Brigada, magbabalik sa GMA News TV simula Setyembre 19!
BRIGADA
September 19, 2020
8:45 PM sa GMA News TV
Simula ngayong Sabado, mapapanood na muli ang mga bagong episode ng Brigada sa timeslot na 8:45 PM sa GMA News TV. Samahan ang pagbabalik ng premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento't bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag.
LIFEBLOOD
Araw-araw nangangailangan ng 1 bag ng platelets at 2-3 bag ng dugo ang 2 taong gulang na si Baby Cedrick na sa murang edad pa lang... pinahihirapan na ng kanyang sakit na aplastic anemia. Subalit ang kanyang paghihirap, mas lalo pang bumibigat dahil sa kakulangan ng supply ng dugo sa ating bansa. Ang kakulangang ito, ramdam din mismo ng Philippine Red Cross na nagsimulang manawagan para sa karagdagang blood donors noon pang Hulyo. Tinataya ring mas ninipis ang supply ng dugo dahil na rin sa hindi maiwasang pangamba ng mga tao sa pagpunta sa mga ospital dahil na rin sa banta ng COVID-19. Nasaksihan ni JP Soriano ang kalbaryo ng mga tulad ni Baby Cedrick na abot-langit ngayon ang desperasyon sa pagkakaroon ng dugo.
WORK FROM HOME WOES
Isang bagay ang hindi inaasahang nagbago sa trabaho ng mga Pilipino ngayong panahon ng pandemya -- ang tahanang dati ay lugar lamang para tulugan, tambayan, at tirhan… ngayo’y unti-unti na ring nagiging opisina para sa karamihan! Introducing ang new normal pagdating sa office work at productivity… ang work from home scheme! Ganito na ang naging takbo ng araw-araw na trabaho ng BPO employee na si ML. Pero dahil kapos sa espasyo at mahina ang signal ang mismong loob ng kanilang bahay, ipinuwesto niya ang kanyang workstation sa kanilang bubungan! Inalam ng work from home din na reporter na si Victoria Tulad ang mga hirap na pinagdaraanan ng mga empleyadong napilitan ngayong sa bahay magtrabaho.
FACT OR FAKE: DISTANCIA AMIGO!
Tila windang ngayon ang gobyerno dahil sa magkakaibang rekomendasyon ng iba’t ibang ahensyang bahagi ng IATF o Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases tungkol sa pagtatakda ng sukat para sa reduced physical distancing protocols na ipatutupad sa mga pampublikong sasakyan. Mula sa pamantayan ng WHO o World Health Organization na isang metro, ibinaba ang puwang sa pagitan ng mga pasahero sa 0.75 metro, na kalauna’y mas palalapitin pa sa 0.3 metro pagdating ng Oktubre. Inalam ni Joseph Morong ang fact at fake sa usapin ng physical distancing na yan at ang pagkalat ng virus na sanhi ng COVID-19.