Banta ng coronavirus, tatalakayin sa 'Brigada'
January 28, 2020
8 pm sa GMA News TV
BANTA NG CORONAVIRUS
Ayon sa World Health Organization, hindi bababa sa 80 ang patay at 2000 katao ang tinamaan ng matinding karamdaman dahil sa pagkalat sa buong mundo ng novel coronavirus o 2019-nCoV. Hinihinalang nagmula ito sa lungsod ng Wuhan sa China kung saan tinatayang mayroong mahigit isandaang Pilipino. Bago magpatupad ng total lockdown sa siyudad, mapalad na nakalabas mula rito ang dalawang OFW na sina Bhie at Cindy at ngayo'y nakabalik na ng Pilipinas at sumasailalim sa self-quarantine base na rin sa rekomendasyon ng mga eksperto. Eksklusibo nilang ikinwento kay Anthony Esguerra ang kanilang karanasan sa pagtakas sa nakamamatay na epekto ng bagong virus sa Wuhan.
ALAALA NG MAMASAPANO
Limang taon na ang nakalilipas mula nang magimbal ang bansa dahil sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police Special Action Force o PNP-SAF sa gitna ng kanilang operasyon para mapatay ang international terrorist na si Marwan sa Mamasapano, Maguindanao. Dahil sa pangyayari, kinasuhan sina dating PNP Chief Alan Purisima at hepe ng SAF na si Getulio Napeñas ng graft at usurpation of authority. Ilang araw bago ang ikalimang anibersaryo ng madugong engkwentro, pinawalang-sala sina Purisima at Napeñas sa mga kasong ito, na siya namang tila nagbukas ng sugat ng nakaraan para sa pamilya ng SAF44. Inalam ni Marisol Abdurahman ang naging buhay ng mga pamilya ng ilan sa SAF44 sa paglipas ng panahon.
Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento't bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Martes, alas-otso ng gabi sa iisang Brigada.