Polio outbreak, tinutukan ng ‘Brigada’
BRIGADA
October 1, 2019
8 pm sa GMA News TV
POLIO OUTBREAK
Sa kasalukuyan, dalawang kaso ng polio ang muling naitala dito sa Pilipinas. Bagamat kakaunti pa lang, nagdeklara na ang Department of Health ng outbreak dahil sa pagbabalik ng sakit na minsan nang napagtagumpayan na mabura sa bansa sa loob ng 19 taon.
Madali sanang maiiwasan magkaroon ng lubhang nakahahawang sakit na ito sa pamamagitan ng bakuna at pagpapanatili ng kalinisan, subalit malaki ang panganib na kumalat ito dahil maraming mahihirap na komunidad ang may maruming kapaligiran, at marami rin ang tila nawalan ng tiwala sa mga libreng bakuna ng pamahalaan. Nilibot ni Saleema Refran ang mga komunidad na tinututukan ngayon ng mga awtoridad para mabigyan ng bakuna.
NAGLALAHONG UBE?
Isa ang ube sa mga paboritong panghimagas nating mga Pilipino. Bukod kasi sa maaari itong gawing sangkap sa iba’t ibang Pinoy desserts, masarap din itong papakin at solong kainin.
Pero kamakailan lang, isa sa mga pinakasikat na bilihan ng tanyag na ube jam sa Baguio ang nagkaroon ng pagbabago dahil imbes na traditional na kulay lila at naging kulay puti na ang ibinebenta nilang ube jam. Ayon sa mga madre na gumagawa nito, pahirapan na raw ang suplay ng kulay lilang ube, kaya gumamit na lang sila ng klase ng ube na kulay puti bilang pangunahing sangkap ng kanilang produkto. Inalam ni Katrina Son kung saan nag-ugat ang tila pamumutla ng tanyag na ube jam ng Baguio.
Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento’t bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Martes, alas-otso ng gabi sa iisang Brigada.