Mukbang Challenge with Nelson Canlas
BRIGADA
September 17, 2019
8 pm sa GMA News TV
MUKBANG
Patok na patok ngayon ang mukbang o 'yung mga video kung saan walang ibang ginagaqa ang uploader kundi lumantak ng sandamakmak na pagkaing nakahain sa harap ng camera. Nagsimula ito sa Korea kung saan kumakain ng solo ang nagvi-video habang kasalo ang kanyang mga manonood. At dahil likas na mahilig sa pagkain tayong mga Pilipino, agad itong pumatok sa atin. At ang isinamang Pinoy twist ng ilang uploader sa kanilang mukbang videos, ginawa na nila itong family bonding activity! Nakikain si Nelson Canlas sa ilang mga sikat ngayong Pinoy mukbang YouTubers.
UTANG PALIT DANGAL
Laking ginhawa ang hatid ng mga bago ngayong online lending apps. Sa pamamagitan lang kasi ng cellphone, walang kahirap-hirap kang makakapangutang ng pera sa mga pagkakataong biglaan at hindi inaasahan. Pero tila may kapalit ang kaginhawaang ito dahil ilan sa mga online lending apps ang gumagamit ng online shame campaign o pamamahiya sa internet sa mga hindi agad na makapagbayad. Ayon sa National Privacy Commission, bawal ito sa batas dahil nalalabag ang privacy ng mga indibidwal na gumagamit ng kanilang serbisyo. Inalam ni Marisol Abdurahman ang mga pasikut-sikot ng iba’t ibang mga lending schemes ngayon.
FACT OR FAKE: IDENTITY THEFT
Marami sa atin ang minsan nang nakapag-post sa social media ng mga importanteng personal na impormasyon tulad ng buong pangalan, birthday, address, at iba pang mga pagkakakilanlan. Ang hindi alam ng karamihan, ginagamit ng ilang mapagsamantala ang pagkakataong ito para nakawin ang mga mahahalagang impormasyon ito para sa identity theft kung saan ginagamit nila ito para makapanloko sa internet. Siniyasat ni Joseph Morong ang iba’t ibang pamamaraan para maiwasang maging biktima ng identity theft online.
Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento’t bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Martes, alas-otso ng gabi sa iisang Brigada.