Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang lumalalang mga kaso ng umano'y extrajudicial killings, tatalakayin sa 'Brigada'


Sa huling tala ng Philippine National Police, hindi bababa sa 700 na kaso ang mga napatay dahil nanlaban di-umano sa lehitimong operasyon ng pulisya.  Mahigit 1000 naman ang bilang ng mga napaslang sa pamamagitan ng summary killings na  ngayo’y “under investigation” na ng PNP. At sa patuloy na madugong giyera na ito kontra droga, inaasahang lolobo pa raw ang bilang na ito.

Dahil sa anti-drug campaign na ito, kaliwa't kanan din ngayon ang responde ng iba't ibang grupo ng Scene of the Crime Operatives o SOCO ng pulisya. Sa mga sinamahan ni Mav Gonzales na mga elemento ng Manila Police District, hindi bababa sa tatlong patay ang kanilang iprinoseso sa loob lang ng isang magdamag.


Dahil din sa mga tila dumaraming  mga patay na nakahandusay sa lansangan, marami ang nababahala.  Ang masklap pa nito, may ilang napapatay raw na wala naman palang kinalaman sa droga o hindi kaya mga napagkamalan lang. Inalam ni Bam Alegre kung ano ang kwento sa ilang mga napabalitang summary killings o yung mga natatagpuang mga patay na may karatula.

Kaya naman lahat ng mata ngayo'y nakatutok sa pulisya na siyang nasa sentro ng giyera kontra droga. Higit sa kanilang mga hakbang sa pagsugpo sa droga, nahaharap sila ngayon sa matinding pagsisiyasat ng madla dahil na rin sa isyu ng kung totoo nga bang nanlaban ang mga namatay sa operasyon. Bunsod nito, gumawa si JP Soriano ng isang pag-aaral kung ano nga ba ang pulso ng madla sa nagaganap na mga patayan kaugnay ng droga. Dito natuklasan niyang bagamat marami ang tutol sa mga nagaganap na pagpatay, marami rin ang tila kampante ngayon sa kanilang seguridad dahil na rin sa kampanya ng gobyerno kontra droga.