Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

Apo Island sa Negros Oriental, kilalang pugad ng mga pawikan


Kilalang endangered species ang mga sea turtle, o mas kilala sa tawag na pawikan. Sa kabila nito, tinatayang 100,000 pawikan ang hinuhuli at pinapatay sa Pilipinas taun-taon para ibenta sa ilegal na merkado.
 
In demand ang mga pawikan sa illegal wildlife trade, 'di lamang dito sa Pilipinas kundi sa ibang bansa rin. Ibinebenta ang kanilang balat para gawing souvenir items, samantalang inihahanda namang delicacy sa ilang restaurants ang kanilang laman at mga itlog.
 
Dahil dito, patuloy na bumababa ang bilang ng mga pawikan sa bansa. 
 
Ngunit sa isla ng Apo sa Dumaguete, Negros Oriental, namumugad at nanginginain ang ilang pawikan, at minsa'y nakikihalubilo pa ang mga ito sa mga residente roon. 
 
Pinuntahan ng Born to be Wild, kasama ng guest host na si Mariz Umali, ang Apo Island para pagmasdan ang pamumuhay ng mga pawikan doon.
 
 
Aabutin ng 20 minutong pagsakay sa bangka ang paglalakbay mula sa bayan ng Dauin sa Dumaguete hanggang sa isla ng Apo. Sa karagatan ng Apo Island, maaaring mag-snorkeling at mag-diving para mapagmasdan ang galaw at pamumuhay ng mga pawikan.
 
Noong taong 1994, idineklarang marine protected area ang Apo Island, kaya protektadong namumuhay sa lugar ang mga marine species gaya ng pawikan.  Sa katunayan, tila 'di natatakot ang mga pawikang sinabayang lumangoy nina Mariz at ng Born to be Wild team.  Sa kabila nito, siniguro ng Born to be Wild team na hindi hawakan at masyadong lapitan ang mga pawikan. "Kahit na lumalapit kami, merong certain distance that we are keeping para 'di natin maapektuhan ang mga turtle," sabi ni Mariz— Candice Montenegro/RSJ, GMA News
Born to be Wild airs every Wednesday, 11:30 PM on GMA-7. For news and updates on upcoming episodes, follow Born to be Wild on its official Facebook and Twitter account, or visit www.gmanetwork.com/borntobewild.