Mga bagong adventure sa Bataan sa 'Biyahe Ni Drew!"
Galing lang sa bakasyon? Bakit hindi magbakasyon ulit? Sa Biyernes, samahan si Drew sa isa sa pinakamakasaysayang lugar sa Pilipinas… ang Bataan!
Bagama’t ang malagim na Death March ang unang pumapasok sa isip ng mga Pinoy kapag nababanggit ang Bataan, marami pang ipinagmamalaki ang probinsiya. At dahil malapit lang ito sa Maynila, hindi hassle ang pagpunta rito. Payo ni Drew, makipag-ugnayan sa tourism center para makakuha ng mga suhestiyon para sa inyong itinerary.
First stop pa lang, pasalubong-shopping agad ang aatupagin ni Drew. Sa Amanda’s, makikita niya kung paano ginagawa ang mga masasarap na pasalubong tulad ng tuyo, smoked fish flakes, bagoong, at ang pinakasikat nilang produkto, ang tinapa. Makikita rin ni Drew ang manu-manong paggawa ng walis tambo sa Abucay, pati na ang paggawa ng masarap na cashew butter.
Hindi kailangang gumastos nang malaki para mas makilala ang Bataan. Sa Plaza Mayor de Ciudad sa Balanga, makikita hanggang ngayon ang ilang historical landmarks tulad ng city hall at Balanga Cathedral. Sa Abucay, nakatayo pa rin ang Sto. Domingo de Guzman Church na isa sa pinakamahalagang simbahan. Dito kasi itinayo ang pinakalumang printing press sa bansa.
Sa kainan, hindi rin magpapahuli ang Bataan. Titikman ni Drew ang sumisikat na Spabok— o palabok na spaghetti imbes na bihon ang noodles na gamit. And what’s a BND trip kung walang food trip?
Para maging ‘one with nature’, bibisitahin ni Drew ang Pawikan Center sa Morong kung saan mararanasan niyang magpakawala ng mga baby pawikan sa dagat! Susuungin niya ang Balon Anito Hotspring na matatagpuan daw sa teritoryo ng isang natutulog na bulkan.
Hindi rin niya palalampasin ang cove-to-cove adventure sa tinatawag na Five Fingers sa Mariveles. At siyempre, mas masaya kapag may water activities tulad ng skimboarding, ‘di ba?
Bagong taon, bagong biyahe! Kaya sama na sa Biyahe ni Drew ngayong Biyernes, 8PM sa GMA News TV!