Biyaheng Totoo sa Kalinga: Edukasyon, ang pag-asa ng mga kabataan
Isa ang Kalinga sa mga lugar kung saan pinakamababa ang bilang ng mga kabataang nakapagtatapos ng high school.
Sa Biyaheng Totoo sa Kalinga, nakilala ni Chino Gaston si Jevvy Balutas, 16 taong gulang, ika-lima sa 10 magkakapatid. Siya ang bukod-tanging umabot ng 4th year high school sa pamilya.
Galing sa mahirap na pamilya si Jevvy kaya edukasyon daw ang isa sa mga pinakamabisang paraan para makamit ang kanyang pangarap.
Magtatapos bilang top 2 sa klase si Jevvy. “Gusto ko po maging guro [kasi] gusto ko po maging maayos ang buhay ng mga kapatid at pamilya ko,” dagdag niya.
At dahil sapat lang para sa pamilya ang kinikita ng magulang sa pagsasaka, nagtatrabaho rin si Jevvy.
Nagbubuhat ng kilu-kilong kalakal paakyat ng mga bulubundukin at naglalaba si Jevvy kasama ng mga kaklase.
P20 lang ang ibinabayad sa bawat batang nagbubuhat ng kalakal, ngunit kung hindi raw nila ito gagawin, wala silang baon at pambili ng gamit para sa eskwela.
Ang oras ng paglalaro, kailangang isakripisyo ng mga tulad ni Jevvy para makapagtrabaho.
Matapos ang klase, tuloy ang pagtatrabaho, at ang lahat ng kitang maisasantabi, diretso sa alkansya. “Gusto ko po gamitin [ang pera] sa pag-aaral ko, mag-college na po ako,” sabi ni Jevvy.
Para kay Jevvy, sana’y maalala ng mga boboto ngayong darating na eleksyon ang mga kabataang tulad niyang nagnanais lamang makakuha ng magandang edukasyon.
“[Gusto ko] makapagtapos ng pag-aaral, mahirap kasi yung pumupunta ng bukid, mabigat yung dinadala mo, naaapektuhan ang pag-aaral.”
— Ria Landingin/CM, GMA News
Biyaheng Totoo 2013 is a thematic special report series of GMA News and Public Affairs, featuring the provinces with the worst conditions for the nine poorest sectors identified by the National Statistical Coordination Board (NSCB).