Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Biyaheng Totoo sa Iloilo: Pag-ani ng pag-asa ng mga magsasaka




Ang Ilolo ang itinuturing na rice granary ng Western Visayas. Pero dahil walang irigasyon sa lugar, 64% ng lupain o 1.56 milyong ektarya ng palayan kung saan naitayo ang kauna-unahang irrigation system sa labas ng Luzon, rainfed lamang o sa ulan lamang kumukuha ng patubig.



Sa Biyaheng Totoo ni Joseph Morong sa Iloilo, nakilala niya si Aling Lydia Evangelio, isang magsasaka.



Ayon sa 64 taong gulang na magsasaka, kapag uhaw ang kanilang mga tanim, siguradong gutom din ang kanilang aabutin.



Dahil walang irigasyon sa lugar, apat na beses kailangang bumalik ni Aling Lydia sa balon upang makakuha ng sapat na tubig para sa sakahan.



Minsan, nais na raw sumuko ni Aling Lydia, ngunit hindi niya ito magawa dahil marami ang umaasa sa kanya. Si Jocelyn, isa sa kanyang mga anak, ay hindi makatulong sa paghahanapbuhay, gustuhin man niya, dahil sa sunog niyang katawan. At dahil kapos sa pera ang pamilya, hindi maipagamot si Jocelyn.

"Kung mayroon [lang] pagkakataon, gusto ko tumulong kay nanay," sabi ni Jocelyn.



Sa 15 na sako ng palay na naaani sa bukid, dalawa lang daw ang naitatabi nila. Ang ibang sako, nakalaan nang pambayad sa utang at iba pang bayarin.

Ang mga patuka sa manok, kinakain na rin ng pamilya ni Aling Lydia dahil mas mura raw ito kumpara sa bigas. Nasa P1,000 ang halaga ng isang sako ng bigas, samantalang P400 lang ang sako ng patuka sa manok.

Mapait man ang mga kuwentong ibinahagi ni Aling Lydia, nakikita ang pag-asa sa kanyang mga mata, lalu na nang iniabot sa kanya ang isang makapangyarihang simbulo ng pagbabago sa ating bansa - ang ballot box.



Sa ballot box ng Biyaheng Totoo, maaaring ihulog ni Aling Lydia ang kanyang liham kung saan niya isinulat ang mga problema ng kanilang sektor na sa tingin niya'y dapat bigyang-pansin at masolusyunan.



At ito ang masasabi ni Aling Lydia:

"Kung hindi umuulan, walang tubig ang aming palayan. Sana makahingi kami ng hose.

Ang kalabaw, hinihiram lang namin pero hindi ko na kaya kasi marami na akong sakit. Nahihirapan na ako kung saan kami kukuha [ng] pagkain. Kung may makina, [makatutulong yun] sa aming palayan."

Ria Landingin, CM/PF, GMA News

Biyaheng Totoo 2013 is a thematic special report series of GMA News and Public Affairs, featuring the provinces with the worst conditions for the nine poorest sectors identified by the National Statistical Coordination Board (NSCB).