Pilipinas, may natutuhan ba mula sa pinsala ng bagyong Ondoy?
26 September 2019 Episode
ONDOY@10
September 26, 2009. Isang dekada na mula nang humagupit ang bagyong Ondoy sa bansa. Umabot sa 464 ang namatay. Halos P11 bilyon ang halaga ng pinsala sa mga nasirang gusali at agrikultura.
Nalubog noon sa baha ang dalawang palapag na bahay ni Stan Angeles sa Provident Villages sa Marikina City. Binaha ang buong subdivision dahil katabi ito ng Marikina River. Dahil sa nangyari, nagdesisyon ang pamilya ni Stan na ibenta ang bahay. Inabot ng siyam na taon bago may bumili. Mahigit P7M ang orihinal na presyo nito, pero naibenta lang sa halagang P2M.
Binaha rin noong Ondoy ang University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center or UERMMMC nang bumigay ang pader na humaharang sa ilog sa likod ng ospital. Walang nasaktan o namatay na pasyente o kawani ng ospital pero isang linggo ang inabot bago naibalik sa normal ang operasyon dito.
Makalipas ang isang dekada, nagtayo ng mas matibay na pader ang ospital. Naglagay na rin sila ng pumping machine at ng harang na bakal sa mga pangunahing pasukan ng ospital.
Limitado naman daw ang forecasting noon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA dahil sa limitadong mga gamit.
Ngayon, nagdagdag na ng modernong kagamitan ang PAGASA tulad ng doppler radars na siyang nagsasabi ng dami ng ulan sa isang lugar tatlong oras bago ito bumagsak.
Natuto na ba tayo sa mga aral na iniwan ng bagyong Ondoy? Gaano na ba kahanda ang ating gobyerno sa mga ganitong kalamidad?
Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV.