Mga aksidenteng kinasangkutan ng mga pedestrian, binantayan ng 'Alisto'
Madaling araw nito lamang June 2, binulabog ng magkakasunod na mga putok ng baril ang Resorts World Manila sa Pasay City. Maliban sa pamamaril, nagkaroon din ng panununog sa loob ng establisyimento.
Alas diyes ng umaga, kinumpirma ni National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde, hindi bababa sa tatlumpu’t pito ang patay sa pag-atake kasama na rito ang suspek. Samantala, mahigit limampu ang sugatan. Ayon kay Armed Forces of the Philippines Spokesperson Restituto Padilla, hindi ang teroristang grupo na ISIS o Islamic State in Iraq and Syria ang nasa likod ng pag-atake. Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad tungkol sa pangyayari at sa pagkakakilanlan ng suspek. Naglabas na ang pulisya ng litrato ng suspek na kuha ng CCTV camera sa hotel.
Sakaling maipit sa ganitong sitwasyon, ano nga ba mga dapat gawin?
Samantala, mga aksidenteng kinasangkutan ng ilang pedestrian…huli sa CCTV!
Tulad na lamang ng mga aksidenteng nakuhanan ng CCTV camera sa Molino-Paliparan Road, isang national road sa Dasmariñas Cavite.
Enero ng taong kasalukuyan, madaling araw nang isang gurong papasok sa eskwelahan ang masagasaan ng isang taxi habang tumatawid. Sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang mga pinsalang tinamo ng biktima.
Samantala, sa parehong national road din naaksidente ang isang magkasintahan sa Cavite. Nabundol ng isang motorsiklo ang magkasintahan habang tumatawid. Parehong nagtamo ng mga sugat at galos ang dalawa.
Sa pagbisita ng DPWH o Department of Public Works and Highways, natuklasan ng ahensiya na maliban sa mga pasaway na pedestrian, may ibang parte ng kalsada na walang pedestrian lane. Ito ang inaksyunan ng Alisto kasama ang DPWH at ang Kapuso actor na si Phytos Ramirez.
Abangan ang lahat ng aksyon sa Alisto. Mapapanood na ngayong Martes, kasama si Igan Arnold Clavio, pagkatapos ng Saksi sa GMA. Huwag maging biktima, maging Alisto!