Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Alisto Tips' laban sa Basag-Kotse Gang


Mahilig ba kayong mag-iwan ng mahahalagang gamit o mamahaling gadgets sa inyong sasakyan? Huwag maging kampante dahil naglipana na naman ang mga miyembro ng Basag-Kotse Gang!

Nito lamang Setyembre 9, nabiktima ng Basag-Kotse Gang ang stage actor at director na si Audie Gemora sa isang private pay parking area sa loob ng compound ng Cultural Center of the Philippines (CCP). Binasag ng mga kawatan ang salamin ng sasakyan ni Gemora at tinangay ang mamamahaling laptop, gadgets at ilang mahahalagang dokumento na naiwan sa loob ng sasakyan.

Kamakailan din lang, sa isang hiwalay na insidente sa Makati, isang lalaki ang nabiktima rin. Sumalakay ang mga kawatan habang naka-park ang kaniyang sasakyan sa kalyeng katapat mismo ng bahay niya. Natangay mula sa biktima ang mga gamit na nagkakahalaga nang hindi bababa sa P20,000.

Sa tulong naman ng mga saksi, nahuli ang salarin at nabawi ang mga gamit na ninakaw.


Modus operandi ng Basag-Kotse Gang

Nakapanayam ng “Alisto” ang isang miyembro ng Basag-Kotse Gang na si Lito (hindi niya tunay na pangalan). Ayon sa kaniya, sa loob lamang ng sampung minuto, kaya nilang basagin ang bintana ng sasakyan at nakawin ang mga kagamitan sa loob.

Karaniwan daw na matitigas na bagay tulad ng martilyo ang gamit sa pagbasag ng salamin ng mga sasakyan.

Sa datos ng Philippine National Police (PNP), halos 600 kaso ng bukas at basag-kotse ang naitala noong 2012.  Sa Metro Manila ang may pinakamaraming insidente.


Siguruhin ang seguridad ng sasakyan

Sa panayam ng “Alisto” kay Bong Oteyza, isang security expert, maraming paraan upang maiwasang mabiktima ng Basag-Kotse Gang. Ayon kay Oteyza, isa sa pinaka-epektibong paraan ng pag-iwas sa Basag Kotse Gang ay ang pagpapakabit ng alarm. Nagbibigay ito ng babala sa may-ari na mayroong nakikialam o gumagalaw sa kaniyang sasakyan.

Ang isang set ng alarm ay nagkakahalaga ng P2,000 hanggang P8,000.

Payo rin ni Oteyza, lagyan ng security film o tint ang mga bintana ng sasakyan. Kapag may security tint kasi ang mga bintana, hindi agad nadudurog ang salamin kung ito’y tatangkaing basagin.

Ang paglalagay naman ng security tint ay nagkakahalaga ng P2,000 hanggang P6,000.


Tips sa pagpaparada ng sasakyan
 


Huwag mag-iwan ng mga gamit sa sasakyan.  Ito kasi ang unang pinag-iinteresan ng mga kawatan.

Pumarada rin sa mga parking space o lugar na mayroong security guard o bantay.

Pabilis na nang pabilis ang paraan ng pag-atake ng mga kawatan. Kailangang mas maagap din tayo sa pag-alam kung paano sila maiiwasan. Maging alisto para tuluyan nang mabasag ang trip at hindi na makaporma pa ang mga mandarambong! — Carlo Isla/ARP/BMS



Mapapanood ang Alisto tuwing Lunes, 4:35 PM sa GMA-7. Para sa iba pang impormasyon, sundan ang Alisto sa Facebook at Twitter.