Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Maging Alisto sa 'Powerpuff Girls' at iba pang mandarambong na tsiks!   


Sa kanilang alindog, tiyak na mabibihag nila, hindi lang ang iyong puso, pati na rin ang iyong…bulsa?! 
 
SIla ang “heartbreakers” na mandarambong --- mga babaeng mandurukot!
 
Kamakailan lang, umatake sa isang restaurant sa Pasay City ang tinaguriang "Powerpuff Girls" salisi gang. Tila may "magic hands" daw ang lider ng grupo dahil sa bilis ng kamay nito sa paghablot ng gamit.
 
Mayroon ding gumagamit ng props para maitago ang kanilang pagsasalisi: ang "Payong Gang," gumagamit ng payong para mapagtakpan ang ginagawang pandurukot! 
Ang "Balabal Gang" naman, ikinukubli ang kanilang kabulastugan sa pamamagitan ng balabal!
 
Marami na ang kanilang nabiktima, pero sa tulong ni Louie Domingo, isang security expert, may ilang tips ang Alisto para hindi ka maging target ng mga mandarambong!
 
Maging ‘updated’ sa mga bagong modus
Tumutok sa balita! Dito kasi malalaman ang mga detalye kung paano sumasalakay ang mga kriminal. Tulad ng mga kasong tinalakay sa Alisto, sinasamantala nila ang maulang panahon, kaya mainam na maging alerto sa ano mang kahina-hinalang ikinikilos ng mga taong may dalang payong, balabal, jacket o malaking bag. Ilan lang kasi ito sa props na ginagamit ng mga magnanakaw para hindi mahalata ang kanilang maiitim na balak!
 
Huwag magpauto!
Sa bihis at tikas ng “Powerpuff Girls,” hindi mo aakalaing mga kriminal sila. Mabuti nang maging “duda” sa hindi mo kakilala, kaysa maging walang kamalay-malay na biktima!
 
Ugaliin ding maging mapagmatiyag sa iyong paligid. Ayon kay Domingo, importanteng nakikita ng mandurukot na ikaw ay alerto. 
 
Piliing mabuti ang gagamiting bag
Kung magdadala ng mga mamahaling gamit tulad ng laptop, huwag maging halata!
 
Mas madali kasing maging target kung sa unang tingin pa lang, alam na ng mga magnanakaw na may dala kang mamahaling gamit. Mayroon nang mabibiling mga bag na may “special features” tulad ng zipper, hook at lock na sama-samang ginagamit para hindi madaling mabuksan ang iyong lalagyan. Ang ibang bag naman ay mayroong “special wiring” o “wire mesh” para kahit laslasin ito ay hindi kaagad makukuha ang laman. 
 
Maging “wall hugger”
Ang sabi sa Urban Dictionary, “wall hugger” ang tawag sa mga taong mahiyain o madaling mailang sa ibang tao… pero hindi iyon ang tinutukoy ng aming expert.
Ayon kay Domingo, ang mga upuan sa tabi ng pader ang isa sa mga pinakaligtas na puwesto para magtabi ng gamit. Hindi raw kasi ito masyadong dinaraanan ng tao kaya mas ligtas ang iyong mga kagamitan. Kapag naman may kasama ka sa lamesa, mabuting pumuwesto sa harap ng iyong kasama. Mas madaling mababantayan ang gamit ng dalawa dahil pareho ninyong nakikita ang isa’t isa. Puwede rin namang ipatong ang bag sa iyong hita para mas mabantayan ito.
 
“Ber” months na, mga Kapuso! 
 
Habang unti-unting lumalamig ang panahon, lalung nagiging mainit sa mata ng mga magnanakaw ang ating mga pinaka-iniingatang gamit! At ngayong nagiging mas malikhain na ang mga kawatan, mas kailangan nating maging alisto!
 
Sabay-sabay tayong matutong umiwas sa mga aksidente at kawatan! Mapapanood ang “Alisto” tuwing Lunes, 4 PM sa GMA-7. Sundan din ang programa sa Facebook at Twitter–– Elise Maog/ARP, GMA News