Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Alisto Tips: Iwasang mabiktima ng ‘Akyat Bahay’ gang


Ngayong tag-araw, marami ang umaalis ng kanilang tahanan para magbakasyon. Depende sa pupuntahang lugar, maaaring magtagal ang mga bakasyong ito nang ilang araw o linggo.

Kasabay nito, maraming kabahayan at pag-aari ang maiiwang walang nagbabantay – isang oportunidad na maaring samantalahin ng masasamang loob gaya ng Akyat Bahay gang.

Isa ang Akyat Bahay sa pinakapangkaraniwang krimen na nagaganap sa mga kabahayan, lalu na kapag panahon ng bakasyon. Sa modus na ito, ilang katao ang umaakyat at nanloloob sa isang bahay upang magnakaw ng mamahaling bagay tulad ng appliances, pera, mga alahas at gadgets.

Sinasalakay ng mga Akyat Bahay maging ang mga kabahayang may tao sa loob, pero mas madaling gawin ang krimen kapag naiiwang bakante ang bahay.

Nito lamang Pebrero, isang mag-ama ang pinatay ng Akyat Bahay habang ninanakawan ang kanilang bahay. Sa San Juan City naman, dalawang miyembro ng mga kawatan ang nakaengkwentro at napatay ng awtoridad matapos makatanggap ng tip a may kahina-hinalang mga lalaki na umaaligid sa isang bahay sa lugar.

Ganito rin ang nangyari sa Gerona, Tarlac kung saan dalawang miyembro ng Akyat Bahay ang nasawi matapos makipagbarilan sa mga pulis.

Upang hindi madale ng mga kawatang ito, narito ang ilang "Alisto" tips para lubusang ma-enjoy ang bakasyon nang hindi nangangambang mabiktima ng Akyat Bahay.

1. Siguraduhing nakasara at nakakandado ang mga bintana at pintuan. Makatutulong ang pagkakaroon ng double-lock o iba’t ibang klase ng kandado na mahirap buksan ng mga magnanakay.

2. Kung walang maiiwan sa bahay, ibilin ang tahanan sa mapagkakatiwalaang tao. Pakiusapan ang kakilalang kapitbahay na silip-silipin ang inyong tahanan, at itawag sa kinauukulan kung may makita o marinig silang kahinahinalang paggalaw sa tahanan. Maaari din itong ipagbilin sa security guard o pulis sa inyong barangay.

3. Kung maaari, mag-iwan ng nakabukas na ilaw sa labas, lalu na sa madidilim na parte ng bahay. Maaaring gumamit ng automatic emergency light para dito. Mapananatili nitong maliwanag ang paligid ng inyong bahay, bagay na iiwasan ng masasamang-loob.

4. Makatutulong din ang pagkakaroon ng alagang aso bilang animal barrier. Nagsisilbing pantawag ng atensyon ang tahol ng aso sakaling may masasamang-loob na nagbabalak na pumasok sa inyong tahanan.



5. Iwasang maglagay ng mamahaling gamit katabi ng mga bintana at pinto. Kapag natatanaw mula sa labas ang mga gamit gaya ng telebisyon o gadgets, maaring mas maeengganyo ang mga magnanakaw na pasukin ang inyong tahanan dahil alam nilang may makukuha silang mamahalin mula sa loob. Kung hindi maiiwasan, takpan ang mga gamit na ito o iladlad ang kurtina nang maitago ang laman ng inyong bahay.

6. Huwag mag-iwan ng gamit sa labas ng bahay. Ipasok sa loob ng inyong ang mga gamit gaya ng bisikleta o iba pang equipment na mainit sa mata ng mga kawatan.

7. Mag-ingat sa pagpo-post ng impormasyon tungkol sa inyong lakad sa social media. Ang iyong “status” na nagbabalitang wala ka sa bahay nang ilang araw, o ang “check-in” na nagpapakitang malayo ka sa iyong tahanan” ay mga impormasyong maaaring magamit ng mga kawatan para malamang walang tao sa inyong bahay. Maging maingat sa pagpo-post ng ganitong impormasyon sa social media; kung ‘di maiiwasan, siguruhing mga kaibigan o mga taong mapagkakatiwalaan lang ang nakakaalam ng impormasyong ito. — CM/GMA News

Basahin ang iba pang tips ng “Alisto”
 
 
 

Alisto Tips: Paano maiiwasang mabiktima ng 'riding-in-tandem'?
Alisto: Tamang speed limits at tamang pagtawid sa intersections

Alisto: Top 10 worst motorcycle accidents sa Davao City

‘Alisto’ crime prevention tips para sa night shift employees