Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Maging 'ALISTO' sa mga akyat-bahay at salisi gang


Alisto!
Mag-ingat sa mga akyat-bahay!

Airing Date: April 6, 2013

Ngayong panahon ng tag-init, kaliwa’t kanan ang mga outing at summer activities. Pero ang pagsasaya ng ilan, sinasamantala ng mga kawatan. Ang kanilang modus, ang pagsalisi sa mga bahay na naiiwang walang tao. Para hindi mabiktima, maging Alisto!



Akyat-bahay kung sila’y tawagin. Umaatake may tao man o wala. Gabi man o sa gitna ng matinding sikat ng araw, naghihintay silang sumalakay. Tulad na lang ng isang compound sa Taguig kung saan ang malalaking appliances gaya ng washing machine at component, walang habas na naipupuslit sa tanghaling tapat! Ang lahat ng ito, huli sa CCTV! Sa isang hiwalay na insidente naman sa Quezon City, kitang kita rin sa surveillance camera kung paano hinabol ng isang residente ang akyat bahay na sumalakay sa kanilang tahanan.

Pero kung may mga akyat bahay na tila kuntento na sa pagnanakaw ng mga gamit, alahas at pera, may ilan ding nauuwi sa pananakit sa mga kaawa-awang biktima. Sa kaso ng campus beauty queen na si Danielle Louise Conde, buhay ang naging kapalit ng diumano’y pag-atake ng isang akyat-bahay sa kaniyang inuupahang apartment sa Barangay Sto. Cristo sa Angeles, Pampanga.



March 2, 2013, pasado alas kuwatro ng hapon, ginulat ng mga palahaw ni Danielle ang kanyang mga kapitbahay. Duguan at humihingi siya ng saklolo matapos umanong makipagbuno sa salarin. Bukod sa pagiging First year Engineering student sa Holy Angel University, Black belter din sa Taekwondo si Danielle kaya naman ayon sa imbestigasyon ng pulisya, maaaring nanlaban ang biktima kaya siya sinaksak at pinuruhan ng suspek. Sa isang CCTV footage na nakalap ng mga imbestigador, isang lalaking sakay ng bisikleta ang pangunahing suspek sa krimen.

Mula sa eksperto at pulis, alamin kung bakit tila wala nang pinipiling panahon ang mag- akyat-bahay at kung paano makaiiwas sa kanilang mga bagong paraan ng pag-atake.

Samahan si Igan, Arnold Clavio ngayong sabado, alas kuwatro ng hapon. Hindi ka biktima, maging ALISTO!