Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

'AHA!' Animation Originals, mapapanood na ngayong Linggo!


Dahil ‘bida ang bata’ sa AHA!, ihahatid ng host na si Drew Arellano sa unang pagkakataon ang isang buong episode na magtatampok ng apat na orihinal na kuwentong pambata tungkol sa pakikipagsapalaran, pantasya at pagtuklas na ilalahad ‘cartoon-style.’

 


Ang eight anniversary animation special na ito ay magtatanghal din ng likas na ganda ng Pilipinas at mga pagpapahalaga na patuloy pa ring iniingatan ng bawat Pinoy sa kaniyang pag-abot sa mga pangarap.

 


Sa ‘Ang Hardin ni Lola,’ gustong magkaroon ng sariling flower garden ng batang si Liwa pero masikip at wala nang lugar sa bahay nila. Samantala, isang malaking piraso ng lupain ang nakatiwangwang lang sa harap ng malaki at antigong bahay sa bayan. Dito nakatira ang isang matandang babae na kinatatakutan ng marami at pinaniniwalaang isang mangkukulam. Malabanan kaya ni Liwa ang takot para mailigtas niya ang mga halaman bago ito tuluyang malanta at mamatay?

 


Sa ‘Super Okra’, nangangarap na maging bayani sa kaharian ng mga gulay ang madulas na gulay na si Ompong Okra. Pero ang malagkit niyang dagta ay lagi na lang istorbo. Isang araw, umatake ang matatakaw at mapanirang ‘Insekto Squad’ na nagbabantang kainin ang buong kaharian. Kailangan ngayong tanggapin ni Ompong ang sarili para maipagtanggol niya ang kaharian at matupad ang kaniyang kapalaran.

 


Sa ‘Nang Magtampo ang Ilog,’ nasaksihan ng batang si Andres ang unti-unting pagdumi at pagkasira ng dating malinis nilang ilog sa Dakóng Suba. Nagalit ang diwata ng ilog na si Loway sa kapabayaan ng mga tao at walang habas nilang pagtatapon ng basura. Isang araw, nagpasiya si Loway na lisanin na ang bayan pero sumama ang ilog sa kaniya. Ano ang gagawin ni Andres para humupa ang galit ng diwata at magpasiya itong bumalik?

 


Sa ‘Ang Kambing sa Parada,’ ang payatot na si Kevin ay nangangarap na sumali sa ‘Kneeling Carabao Festival Parade.’ May isa lang problema: kambing siya! Pero ipipilit ni Kevin na may karapatan din siyang maging bahagi ng iginagalang na tradisyon. Sa determinasyon, talino at tatag ng loob ni Kevin, makumbinse kaya niya ang magiting na lider na si Bosing Kalabaw?

Ang espesyal na episode na ito ay isang collaboration ng mahuhusay na animators mula sa GMA Post Production, Top Peg Animation and Creative Studio, CIIT College of Arts and Technology, at ng Art Director ng AHA! na si Benedick Rellama. Ang apat na kuwento ay mula sa panulat ng Head Writer ng AHA! na si Augie Rivera na isa ring premyadong awtor ng librong pambata.

Kabilang sa mga panauhing artistang magbibigay-buhay sa mga karakter sa pamamagitan ng kanilang boses ang komedyanteng si Boobsie Wonderland bilang ‘Liwa’, ang premyadong kabataang aktor na si Miggs Cuaderno bilang ‘Ompong Okra’, ang heartthrob na si Juancho Trivino bilang ‘Bosing Kalabaw,’ at ang batang aktor na si Yuan ‘Pao Pao’ Francisco bilang ‘Andres.’ Si Drew Arellano ang overall narrator ng episode.