'Monster Fest' special, magsisimula na sa 'AHA!'
MGA HALIMAW, NAKAWALA SA AHA!
Isang buwang punong-puno ng kilabot, saya at kaalaman ang hatid sa inyo ng ‘AHA! Monster Fest.’
Tatlong ‘mini-movie’ ang itatampok tungkol sa tatlong ‘B’ na kagila-gilalas na halimaw sa ating lokal na mitolohiya na hindi pa masyadong kilala. Isa rito ang ‘BUNGISNGIS’, mula sa kuwentong bayan ng Bataan, na isang pambihirang nilalang na tawa nang tawa at may iisang mata sa noo nito. Ang ‘BATIBAT’ naman ay mula sa mga kuwentong-bayan sa Ilocos, na umano’y isang matabang babae na dahan-dahang umuupo sa dibdib ng mga taong natutulog para magdulot ng bangungot.
At ngayong linggo, tampok ang ‘BAL-BAL’, isang nilalang mula sa mga kuwentong-bayan ng Tagbanua at probinsya ng Quezon. Kaya raw nitong mag-iba-iba ng anyo at mahilig daw kumain ng laman ng tao at nabubulok na bangkay.
Gagampanan ni Kapuso star Jeric Gonzales ang papel ni Baldo, isang binatang naghahanap ng kasagutan sa misteryong may kinalaman sa Bal-Bal sa kanilang lugar. Makakasama n’ya rito ang batikang aktor na si Rolly Inocencio bilang taong grasa.
Sa ikahuling Linggo ng Oktubre, ipakikila naman ng AHA! ang iba pang halimaw na bahagi rin ng mga kuwentong-bayan at mito ng Pilipinas.
Samu’t saring saya, kaalaman at katatakutan ang hatid sa inyo ng 4-part special na AHA! MONSTER FEST, kasama si Drew Arellano, Oktubre 8, 15, 22, & 29, 8:30 am sa GMA.