Matapos ang limang linggong pagkakaratay sa ospital dahil sa pneumonia, nakalabas na ng Gemelli Hospital sa Rome nitong Linggo si Pope Francis, 88-anyos.
Bago umalis, dumungaw pa ang Santo Papa mula sa balkonahe ng ospital para kumaway at magpakita sa mga tao.
Pebrero 14 nang dalhin sa ospital ang Santo Papa dahil sa severe respiratory infection na naging pinakaseryosong krisis sa kaniyang kalusugan sa 12-taong pamumuno niya sa Vatican.
TIMELINE: Pope Francis' recent health issues
Linggo ng hapon nang sunduin si Pope Francis sa ospital at inihatid upang bumisita sa Basilica of Saint Mary Major, kung saan siya deboto.
Pagkalipas ng ilang saglit, dinala na siya sa Vatican.
Ayon sa duktor ng Santo Papa, kakailangan pa niya ng "a lot of time" bago lubos na gumaling dahil na rin sa kaniyang edad. Pinayuhan siya na magpahinga ng dalawang buwan.
Huling nakita si Pope Francis sa inilabas na larawan ng Vatican habang nagdarasal nang bumubuti na ang kaniyang kalusugan noong nakaraang linggo.
Sa sasakyan, nakitang may maliit na hose sa kaniyang ilong para sa oxygen upang tulungan siya sa paghinga. Pero wala siyang suporta ng oxygen nang kumaway sa mga tao na sumisigaw ng "Francis, Francis, Francis!".
Kasunod nito, naglabas ng text message ang Vatican na mula umano kay Pope Francis.
"In this long period of hospitalization, I have had the opportunity to experience the patience of the Lord, which I also see reflected in the tireless care of doctors and healthcare workers, as well as in the devotion and hopes of the families of the sick," saad sa text.
Maraming Katoliko sa buong mundo ang nagdasal sa paggaling ng Santo Papa, at maraming nagtungo sa Vatican ang natuwa na nakalabas na siya ng ospital.
"This discharge cheers us all up and gives us joy and hope," sabi ng Italian na si Grazia Mara. "We wish him a safe return to his home and a speedy recovery." — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News