Lalo pang nanghina ang halaga ng piso sa kalakalan sa merkado nitong Miyerkules matapos na malagasan ng 52 sentimos sa loob lang ng isang araw at magsara ang palitan kontra sa US dollar sa P58:$1.
Ito na ang ikawalong all-time low ng piso ngayong taon: September 2 (P56.77:$1); September 5 (P56.999:$1); September 6 (P57.00:$1); September 8 (P57.18:$1); September 16 (P57.43:$1); at September 20 (P57.48:$1).
Inaasahan na patuloy pang lalamya ang halaga ng piso dahil sa inaasahan na panibagong major rate hike na gagawin ng Amerika, kung saan nakatakdang magpulong sa September 21 ang kanilang Federal Reserve.
Tinataya ng Federal Open Market Committee (FOMC) na ang dagdag na interest rates na ipatutupad ay nasa 75 basis points hanggang 100 basis points.
“Rate hike expectations continued to put pressure on the peso today, and as such BSP should opt for a stronger message by way of clearer forward guidance beyond the actions tomorrow,” ayon kay Security Bank Corporation chief economist Robert Dan Roces sa ipinadalang mobile message.
“Inflation is an upside risk with weaker peso,” dagdag niya.
Nakatakda namang magpulong ang Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Huwebes, September 22.
Ipinapatupad ang taas sa policy o interest rates sa layunin na pigilan ang mga tao na gumastos at mapabagal ang inflation o bilis ng pagmahal ng bilihin.
Nitong nakaraang Mayo, nagpatupad ng taas sa policy rates ang BSP ng 25 basis points sa unang pagkakataon mula noong 2018, bunsod ng mataas na inflation rate.— FRJ, GMA News