Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

OFW guide: Mga dapat gawin ng pamilya para sa OFW na namatay sa abroad


Para mabasa ang ulat na ito sa Ingles, puntahan ito: OFW guide: What family members can do if an OFW dies abroad Kapag pumanaw ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa ibang bansa, may mga hakbang na kailangang sundin sa pagbalik sa Pilipinas ng mga labi ng OFW, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).   Sa isang panayam sa GMA News Online noong Huwebes, sabi ni OWWA Advocacy and Social Marketing division officer-in-charge Reynaldo Tayag na dapat sundin ang prosesong ito:   (1) Dapat ipaalam ng employer, kapwa-OFW, o ospital sa kinauukulan sa bansang iyon o sa pamilya ng namatayan ang pangyayari. Ipapaalam ito sa Embahada o Konsulado ng Pilipinas sa bansang iyon.   (2) Mag-iimbestiga at gagawa ng ulat ang isang welfare officer galing sa OWWA kasama ang Assistant to Nationals officer galing sa Embahada/Konsulado.   (3) Makikipag-ugnayan ang Embahada/Konsulado sa Department of Foreign Affairs (DFA)- Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) sa Pilipinas tungkol sa kanilang mga nakalap na imposmasyon.   (4) Hahanapin at ipaalam ng DFA-OUMWA at/o ang OWWA ang pangyayari sa pamilya ng OFW.   (5) Papayuhan at gagabayan ng DFA-OUMWA ang pamilya sa kanilang dapat gawin upang maibalik ang labi ng OFW.   (6) Pagkatapos ng pagpapayo, aabisuhan ang pamilya na bumisita sa pinakamalapit na opisina ng DFA-OUMWA at/o OWWA upang makuha ang eksaktong detalye nang pagkamatay ng OFW at iba pang kaugnay na impormasyon.   (7) Ipaliliwanag ng DFA-OUMWA at/o OWWA ang proseso nang pagbalik ng labi ng OFW, gaano katagal ito aabutin, at ang mga kinakailangang papeles para dito.   (8) Kapag lahat ng kinakailangan ay naasikaso na at may petsa na nang pagdating ang labi ng OFW, aabisuhan ang pamilya na makipagugnayan sa isang punenarya upang ihanda ang nais na paraan nang paglibing.    (9) Magbibigay ang DFA-OUMWA at/o OWWA ng airport assistance para sa pamilya at sisiguraduhin na ang mga pagmamay-ari ng OFW at maibabalik din.   (10) Pwede na kunin ng pamilya ang mga benepisyo nang isang OFW na aktibong miyembro ng OWWA: 
  • Pagkamatay sa natural na dahilan: P100,000
  • Pagkamatay dahil sa aksidente: P200,000
  • Serbisyong pang punenarya: P20,000
  • Programang kabuhayan para sa pamilya
  • Iskolarship para sa isang anak sa pampublikong paaralan
    Mga dahilan ng pagkamatay   Nabanggit din ni Tayag na kapag namatay ang OFW sa natural na dahilan, mas mabilis na maiuuwi ang labi sa bansa kumpara kung sa namatay ito dahil sa krimen.   Madalas inaabot nang hindi bababa sa anim na buwan ang pagproseso sa mga pagkamatay na may kinalaman sa krimen (halimbawa: murder) dahil sa mga imbestigasyon at paglilitis sa korte.   Sinabi din ni Tayag na malaki ang ginagampanan ng employer sa pagpapauwi ng labi ng OFW at ito dapat ang sumagot sa karamihan nang mga gastusin kasama ang bayad sa ticket sa eroplano.   Subalit, sa mga kaso na ayaw panagutan ng employer ang kanyang responsibilidad, maaaring mangyari ang mga sumusunod:  
  • Hindi rehistradong OFW: aasikasuhin ng DFA
  • Rehistradong OFW pero hindi aktibong miyembro ng OWWA: aasikasuhin ng OWWA na hihiling din ng pondo sa punong opisina pati na rin sa mga non-government organizations.
  • Rehistradong OFW at aktibong miyembro ng OWWA: aasikasuhin ng OWWA
    Para sa karagdagang tulong, maaaring tumawag sa:
  • DFA: (632) 834-4000
  • OWWA: (632) 891-7601
  • OUMWA: (632) 834-4996
- VVP, GMA News
Tags: ofws, owwa