Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Pagkamatay sa Kuwait ng single mom OFW na tubong Cebu, hiniling imbestigahan


Napaiyak si Rochelle Montesoso, nang ikuwento kay Sen Manny Villar ang sinapit ng kapatid na OFW na si Juvy, na namatay sa Kuwait. GMA News
MANILA Hiniling sa Department of Foreign Affairs (DFA) ni Sen. Manny Villar na imbestigahan ang umano’y kaduda-dudang pagkamatay sa Kuwait ng isang 32-anyos na overseas Filipino worker (OFW) na tubong Cebu. Sa kanyang sulat kay DFA Sec. Albert del Rosario, nakiusap si Villar para sa naiwang pamilya ni Juvy Montesoso na alamin ang tunay na dahilan ng pagkahulog ng OFW sa ika-walong palapag sa isang gusali noong July 5, 2011. Kasabay nito, nanawagan din ang senador sa DFA na iproseso sa lalong madaling panahon ang pag-uwi ng mga labi ni Montesoso para mabigyan ng maayos na libing ng kanyang pamilya. “Incidentally, her remains are still in Kuwait, and as such, assistance in the cadaver’s repatriation will be highly appreciated," nakasaad sa sulat ni Villar na may petsang August 17, 2011. Nalaman ni Villar ang nangyari kay Montesoso nang lumapit sa kanya ang kapatid ng OFW na si Rochelle nang magtungo siya sa Cebu City noong nakaraang linggo para dumalo sa isang pagtitipon. Nakausap ni Villar ang kapatid si Rochelle sa loob mismo ng isang himpilan ng radyo sa Cebu. Kuwento ni Rochelle, nagsimulang magtrabaho sa Kuwait ang kanyang kapatid bilang domestic helper noong 2008. Ito umano ang nagsisilbing breadwinner sa pamilya at tinutustusan din ang pag-aaral ng nag-iisang anak na babae na anim-na-taong gulang. Noong Hulyo ay nakatanggap ng balita ang pamilya mula sa Kuwait na nagpakamatay umano si Montesoso sa pamamagitan ng pagtalon sa gusali kung saan nakatira ang sinasabing nobyo nito na isang Thomas Melliken, na miyembro raw ng US military. Iginiit ni Rochelle na hindi sila makapaniwala na magpapakamatay ang kanyang kapatid dahil nakapagpadala pa ito ng pera para sa anak at nakausap pa niya sa telepono. Hanggang ngayon, hindi pa umano maipaalam ng pamilya sa naiwang anak ni Montesoso ang nangyari sa kanyang ina na lagi na raw naghihintay ng tawag ng ina. “Lagi niya nga pong hinahanap ang Mama niya. Hindi namin alam kung paano sasabihin sa kanya na wala na ang Mama niya," kuwento ni Rochelle kay Villar. Inatasan naman ng senador ang mga tauhan sa Sagip-OFW program na tutukan ang kaso ni Montesoso at tumulong para maiuwi sa bansa ang mga labi nito. Tiniyak din ni Villar na tutulong sa edukasyon ng anak ng OFW matapos ipaalam ni Rochelle na nangangamba sila sa kinabukasan ng bata dahil wala ng tutustos sa pag-aaral nito. “Maraming ganyang kaso tayong naririnig na mga kababayan nating nahuhulog sa building na either itinulak o tumatakas sa gustong manakit sa kanila. Maraming kaso ang hindi na natin nalalaman ang katotohanan. Sa kaso ni Juvy, gagawin natin ang lahat para mabigyan siya ng hustisya kung mapapatunayang may foul play dito," ayon kay Villar. Bukod kay Villar, tiniyak din ng mga lokal na opisyal ng Cebu na magbibigay din sila ng tulong para sa nasawi nilang kababayan at sa pamilya nito. - GMA News