Toxic family — kayo ba ito? Signs at tips kung paano kayanin ang pamilyang toxic
Overused na ba ang salitang toxic? Paano malalaman kung ganito nga ang pamilya o relationships mo
Alamin ang mga payo at masasabi ng mga eksperto tungkol sa mga toxic family kasama si Dr. Violeta Bautista at ang ating host na si Doc Anna.
DOC ANNA: Hello, mga Kapuso. Ako si Dra. Anna Tuazon, ang inyong kakuwentuhan na psychologist sa Share Ko Lang.
Para sa maraming Pinoy, pamilya ang source ng inspirasyon at lakas. Pero paano kung ang pamilya mo ay toxic?
'Yan ang pag-uusapan natin kasama ang clinical psychologist, renowned family therapist at ang aking mentor na si Dr. Violeta Bautista. Hello, Doc Bo. Welcome to Share Ko Lang.
DR. BAUTISTA: Hi, Doc Anna. It's so good to see you in your own elements, ha.
DOC ANNA: Naku, thanks, Doc Bo. Diretso na tayo ngayon sa toxic families kasi talagang napag-uusapan 'yan ngayon. Mayroon nga ba talagang toxic families, Doc Bo?
DR. BAUTISTA: Well yes, of course, to a certain extent. Kasi ang toxic galing sa salitang toxin, 'di ba? 'Yung toxin ay 'yung mga substance na pumapasok sa ating katawan na maaaring makapagpahina ng ating resistensya, makasira sa ating kalusugan, both physically and emotionally.
Ngayon sa buhay natin, puwedeng may mga pangyayari, puwedeng mga tao na maaaring parang nakakalagay sa peligro rin ng ating kalusugan, katawan, at kaisipan at kalooban mismo rin.
Kaya to a certain extent, puwedeng sabihin may toxic family. But of course, let's be clear, toxic families is not a scientific term. 'Di ba? It is a metaphor that we use para mas naipapahayag natin ang ating karanasan, ang ating pinagdadaanan.
DOC ANNA: So, yes, just to be clear, hindi naman ito clinical or diagnostic term. At ang "toxic" ibig lang sabihin, parang mga pamilyang hindi talaga gumagana nang maayos. 'Di ba? Sabi nga natin, dapat 'yung families will make us stronger, better, mas may confidence tayo, 'di ba, humalubilo sa mundo kasi parang ang gandang base of comfort ang ating pamilya.
Pero minsan, 'di ba, minsan kaya nagiging, natatawag na toxic, imbes na nagpapagaan sa ating buhay, minsan medyo napapabigat, napapalaki ang ating problema.
Now, Doc Bo, mayroon bang mga common conflict or misunderstanding sa experience n'yo taking care of families and helping them out? Ano 'yung pinaka-common na pinag-aawayan or hindi pagkakasundo-sundo ng pamilyang Pinoy?
DR. BAUTISTA: Siguro isa 'yung kulang o sobrang pagmamahal. Karaniwan may reklamo na parang "Hindi mo ako mahal tulad ng iba." So hindi pagkakapantay-pantay ng pagmamahal.
Pangalawa, puwedeng isyu rin 'yung sobrang kontrol. 'Yung kontrol kasi, ang isyu puwedeng sobra na hindi ka na makahinga sa iyong pamilya.
Mayroon namang kontrol na hindi mo napapansin ay ginagawa sa iyo. Ito 'yung gaslighting. Alam na alam 'yan ng ating mga kabataan, hindi ba? 'Yun bang ang kinokontrol mo ang pag-iisip ng tao sa paraan na pinapaniwala mo siya na ikaw ang tama, siya ang mali.
Mayroon din namang problema sa kakulangan ng kontrol. May mga pamilya na nagkakagulo kasi wala silang leader. Nakikita ko ito minsan sa ibang OFW families. Parehong nanay at tatay, nasa abroad. Pagkatapos walang kinikilalang leader 'yung pamilya. So each to his own. Hirap naman nu'n, ano?
Nandiyan din ang issue ng boundary. So nagkakaroon ng away sa pamilya kapag walang respeto sa boundary, 'di ba? 'Yung cellphone mo, 'yung email mo, 'yung mga sulat sa iyo, ikaw nakakabasa lang nu'n. Pero 'pag may kapatid ka o magulang ka na intrusive, hindi binibigyan ng respeto ang iyong privacy, violation ng boundary 'yun, 'di ba?
Isang issue sa boundary din naalala ko kasi ay 'yung extended family. Ang salita nating ginagamit diyan ay nakikialam. 'Pag nakikialam na, magiging ugat 'yan ng samaan ng loob at away.
So mayroon din diyang issue ng karahasan. Pero ang karahasan, hindi lang naman mula sa magulang patungo sa anak. Puwede rin naman ang anak maging marahas sa magulang.
Nandiyan din ang bisyo, siyempre. Pumapasok din ang bisyo sa problema ng pamilya. Mahirap 'yan.
Isang problema rin 'yung betrayal at pagtataksil. Halimbawa ng mga betrayal would be infidelity, affairs, pero hindi man kailangan na 'yun lang ang source ng betrayal. 'Pag 'yung sa palagay mo ay dapat nagmamahal sa iyo ay siya pang kumukontra sa iyo at gumagawa ng paraan para maging tampulan ka ng kritisismo, 'yun ay sense of betrayal rin, hindi ba?
Siyempre pinanggagalingan din ng problema ang conflict sa values at saka mga belief, ano. Mayroon tayong mga paniwala, mga bagay na mahalaga sa atin pero may mga pagkakaon nagkakaiba ang ating paniwala eh. Nagkakaroon ng conflict, tunggalingan.
Kahuli-hulihan sa tingin ko, nakalimutan ko 'to pero madalas ito maging problema, matinding expectation sa buhay. 'Di ba? Naku, marami kaming mga... marami akong nakikitang mga estudyante nagkakaroon ng depression, nagiging masyadong frustrated kasi ang feeling nila ang taas-taas ng expectation ng mga magulang sa kanila. 'Di ba? Ang puwedeng epekto rin sa kanila nu'n, nagiging perfectionist o talagang lumalaban na, nagiging rebelde na dahil masyadong mataas ang hinihingi mo sa akin.
DOC ANNA: Naku, Doc Bo, parang ang dami-dami puwede talagang maging sanhi ng hindi pag-uunawaan, 'no? And in a way, siguro kailangan natin i-clarify. Kasi lahat naman ng pamilya, pati ang healthy and loving families, siyempre nagkaka-conflict din and misunderstanding. Hindi naman kailangan para maging healthy ang family mo, dapat walang problems.
So siguro ang crucial diyan, 'di ba, Doc Bo, is kung paano natin nilulutas ang ating mga problema. Kasi baka naman ang expectation nila roon sa mga listahan mo, ay naku lahat 'yan... Baka maka-relate masyado ang mga Pinoy roon sa mga nilista n'yo Doc, 'di ba? Tapos sabihin nila lang, "Hala toxic na ba ang pamilya ko kasi 'di ba mayroon kaming hidwaan dito, hidwaan diyan?"
Pero for me, 'di ba tama, what differentiates kung toxic kumbaga na family versus healthy family is ina-address ba nila? Nilulutas ba nila together? 'Yung communication na sinabi n'yo, Doc Bo, napakaimportante.
So 'di ba sabi nga namin, natanong namin sa aming mga Kapuso kung ano 'yung mga madalas pag-awayan.
Itong isa sabi ni Rodeth Tenorio, interesting kasi 'yung sinabi niya, eh. Sabi niya kasi, "Nu'ng 'pag bata pa, ang pinag-aawayan lang naman sino magliligpit ng higaan, sino maghuhugas ng pinggan?" Actually common 'yun, 'di ba? Division of household chores. 'Yung responsibility nga.
Pero ang sabi niya, "'Pag nasa edad na, ang pinag-aawayan na kung sino mas magaling na anak, sino mas may pakinabang, sino mas nakatutulong sa magulang, sino ang tama, sino ang mali?" 'Yan.
So in a way, 'di ba, parang 'pag lumalaki tayo, mas malalim na. At saka 'yung sinasabi natin, 'di ba dapat kanina nga sabi natin, ang pagmamahal lalo na ng pamilya, dapat walang hangganan. Even though may boundaries.
Pero paano, Doc Bo, 'di ba madalas naman in reality, ang daming kondisyones ng mga pamilya sa isa't isa. Kailangan mabait ka, kailangan makinig ka, kailangan hindi ka pasaway, hindi ka sumusumbat. Paano natin ina-navigate 'yan? Kung dapat, 'di ba dapat unconditional love, Doc Bo, pero ang daming conditions?
DR. BAUTISTA: So 'yung... nakakatuwa naman 'yung listener natin, ano? 'Yung sa kaniyang reflection. Totoo 'yun. Nagbabago ang mga issue.
Pero kung iisipin mo, baka 'yung issues na 'yun ay hindi lang lumabas ngayong adult ka na. Pero nu'ng bata ka pa, naipapahayag na 'yun sa konteksto ng iyong karanasan bilang bata.
Halimbawa, paghahatian ng trabaho at pagbubunyi, at pagdiriwang sa achievements 'pag adult ka na, 'no? Baka may relasyon 'yung dalawa. Matatandaan mo nu'ng bata ka, laging mas marami kang trabaho. Ang mga isinusuot mo, laging hand me down. Ang laging kasama sa pasyal ay 'yung iba na kapatid, ikaw napag-iiwanan. So paglaki mo, hindi na usapin ng damit at ng allowance at ng hatian ng trabaho. Usapin na ng bakit ang dami-dami ko ng nagawa at achievements pero kulang at kulang pa rin. Pareho ang ugat. Nag-iiba lang ang larangang kinakikitaan nito. Puwedeng ganoon.
Kaya ang issue ng pamilya, ang toxic families... Ang toxicity naman, hindi toxic or not toxic, 'di ba, Doc Anna? Ito ay continuum, ano? Puwedeng medyo toxic, kaya may biruan tayo 'pag sinabi natin, "Ay! Aalis muna ako. Toxic ang tatay ko ngayon." It doesn't mean he's a bad man. Biro 'yun na medyo mayroong kaming discomfort sa isa't isa. Biro.
Mayroon namang sinasabi ng toxic ang karanasan ko ngayon, e. It's not something na parang sakit, napakapeligroso pero bahagi lang ng pagiging normal na pamilya na mayroong hindi pagkakaunawaan. Dapat ayusin mo. Pero mayroon naman talagang toxic na napepeligro ang iyong kalusugan, ang iyong well-being, 'no? Kaya magandang malinaw sa atin 'yun, e. 'Yung toxicity ay mayroon din range. Mayroong normal, mayroon na parang hindi na ito akma, tama.
DOC ANNA: Mayroon naman tayong mga klase ng toxic situations sa families, na parang kunyari, sabi nga nu'ng isa pa nating Kapuso, si Eric Santos, sabi niya 'yung pagkampi sa mali...
DR. BAUTISTA: Ayan
DOC ANNA: ...mga pagtatanggol sa mga anak na mali ang gawain at hindi pagtanggap sa kamalian at hirap na hirap humingi ng patawad at pasensya.
DOC ANNA: 'Di ba ang term natin diyan, enabling?
DR. BAUTISTA: Oo.
DOC ANNA: 'Di ba? Kaya siya nagiging toxic kasi imbes na maging mabuti kang tao. 'Di ba? Itatama ang iyong direksyon sa buhay. Parang siguro sa takot nga, sabi n'yo nga kanina, hindi lahat ng toxic nag-aaway. Minsan mas toxic pa 'yung hindi talaga nag-uusap nang masinsinan. At hindi mo kinakausap nang diretso 'yung family members.
DR. BAUTISTA: Oo.
DOC ANNA: So paano naman 'yung ganu'n, Doc Bo, 'yung mga ganung sitwasyon?
DR. BAUTISTA: Ay napakahirap din 'yan, ano? Kaya sabi nila mayroong thin line between love and violence. Kung sobrang mahal mo, hindi mo alam nasisira mo at nada-damage mo ang pagkatao ng iyong minamahal. Paano? 'Pag hindi mo nakikita 'yung pagkukulang at kamalian ng tao. Sinusuportahan mo pa. Eh madalas nangyayari 'yun 'pag mga sitwasyon na only child, ano?
Ang pangarap mo gusto mong buhayin sa buhay ng anak mo. Kaya malinaw na malinaw na na nakakasakit 'yung anak mo o 'yung asawa mo. Puwede ka rin enabling sa asawa, ha. Hindi lang sa anak, ano? Pero sinusuportahan mo pa rin, ipinagtatanggol mo. 'Di ba? So sa halip na maliwanagan 'yung mahal mo sa buhay, mas lumalalim lang ang kaniyang problema.
'Yun ang nagiging ugat ng tinatawag nating puwedeng narcissistic personality. Puro ako, ako lagi ang tama. At lahat kayo, kinakailangan pinaglilingkuran ninyo ako.
Alam mo'ng malungkot din dito, Anna, karaniwan nakikita ko, 'yung mga magulang na sobrang magmahal, sobrang magpausbong to the point na nagiging entitled na 'yung bata, inaasahan nila mamahalin din sila ng ganoon ng kanilang anak o ng kanilang asawa.
Unfortunately, may nakikita akong pattern na baligtad. Ang tingin sa kanila ng kanilang sobrang minahal na asawa o anak ay parang katulong o kaya ATM lang. Nawawala 'yung tunay na pagmamahal.
DOC ANNA: Oo. Bilang kasi, bilang pamilya and particularly para sa mga magulang, marami tayong responsibilities, 'di ba, and tasks as parents.
DR. BAUTISTA: Yes.
DOC ANNA: Minsan ang sinasabi ko riyan na medyo pabiro, Doc Bo, naku, parang hanggang sa minahal mo na lang, hindi mo na pinalaki. Minahal mo na lang siya, 'di ba? Kasi mababait naman sila, 'di ba, Doc Bo. Talagang mapagmahal pero hindi na nabigyan ng structure, hindi na nabigyan ng... hindi na naturuan kung paano kumilos nang maayos, na hindi nakakasakit ng ibang tao.
Now, dumako naman tayo, Doc Bo, 'di ba sabi ko kanina, ang toxic families, hindi lang doon sa kung ano 'yung problema kaya nagiging toxic. Nagiging toxic kung paano nila nilulutas ang problema nila.
So tinanong din namin sa aming mga Kapuso kung paano ba nasusolusyonan? Paano nila inaayos? Ano 'yung solusyon?
So 'yung isa, interesting, e. Sabi ni Farmer Neil Sayat, "Hayaan ang may mali ang unang lumapit at makipag-usap. Kung hindi lalapit ay hayaan muna na wala munang kibuan para maiwasan na lalo pang lumala ang 'di pagkakaunawaan." Anong tingin n'yo roon sa kaniyang suggestion? 'Yung may mali dapat siya ang unang lumapit.
DR. BAUTISTA: Hindi lagi. Siyempre kung may pattern, ang maganda kung sino ang nasa posisyon ng kabukasan ng isip at saka kalmado, may perspektibong mahusay, magandang siya ang magpasimula ng proseso ng pag-aayos.
'Di ba ganu'n naman? Hindi naman tayo pantay-pantay lagi ang state of well-being. May panahon na may pinagdaraanan ako. At may panahon naman na mas wholesome ang dating ko. E, di kung nasa panahon ako ng wholesomeness, e, di ako ang unang lalapit at magpa-facilitate ng proseso. Pero kung across the years, across situations...
DOC ANNA: Laging ikaw, Doc Bo...
DR. BAUTISTA: May pattern na laging siya ang tama at lapitan mo ako, it's not helping, ano? Oo. So if I'm not going to approach, kung hindi ako lalapit at magpapakumbaba, hindi dahil sa hindi kita mahal pero gusto ko ring matuto ka. 'Di ba? Maraming paraan ng pagmamahal, e. 'Di ba? May mga situation din na 'yung mga tinatawag ng iba nga — tough love.
DOC ANNA: So maraming nag-suggest din kagaya ni Waco na "Kapag malalim daw ang hidwaan, distansya na lang. Dumistansya muna." At sabi niya, "Pero kung sobrang lalim talaga, magkalimutan na lang at tratuhing patay na dahil kahit sa libing ay wala ng pakialamanan. Ito ang sitwasyon na masasabi mo na mas mabuti pa ang hindi kadugo."
Is there ever a situation na actually, you know what, tama na, no more, cut off na tayo?"
DR. BAUTISTA: Kaya 'yung mga sitwasyon kung saan mayroong annulment, nullity of marriage, paghihiwalayan, paglayo, distansya, emotional at saka physical, 'yun ay dahil dumaan ka na sa proseso na sinubukan mong magkaayos. At sana isama na natin sa proseso ang paghingi ng tulong. Hindi lang sa mga kamag-anak, kaibigan pero pati na sa mental health professionals kasi 'yan naman ang kanilang trabaho, e. 'Di ba?
Pero kung ginawa na natin ang lahat pero nandu'n pa rin ang problema at ang problema ay naglalagay sa 'yo sa peligro, hindi lang physical pero emotional at psychological, tinatanggap ng batas naman 'yan, e. Kaya may nullity e, 'di ba? Tinatanggap din naman natin 'yan kung may peligro sa iyong sanity. 'Di ba? Move on and heal. At ipanalangin mo 'yung iniwanan mo. 'Di ba?
DOC ANNA: So hindi talaga necessarily na... May exemption, 'di ba na parang yes, pinapahalagahan natin ang pamilya, priority natin sila. And kung nasa peligro na 'di ba, talagang nakakasira na ng ating integrity, sense of self, okay lang na protektahan natin ang sarili natin.
DR. BAUTISTA: Ang mas mahirap, 'pag 'yung threat to sanity dahil hindi kitang kita at hindi madaling maunawaan 'yung peligrong pinagdaraanan ng tao.
Hindi ba minsan wala tayong bukabularyo para ilarawan 'yung hirap, pait na ating pinagdaraanan. At hindi... Minsan hindi man lang natin malinawan. We can't get our mind to really grasp it. Alam lang natin napakasakit. And it takes some time for us to realize, "Oh my God! Namamatay na pala ako sa relasyon na 'to, namamatay na pala ako sa tahanang ito."
And sometimes we need to wake up to that reality. Eh mahirap 'yun kasi ang pag-iisip natin usually ang aking tahanan ang aking refuge. It's as... Ang sabi ko nga, spiritual problem na 'yan, e. Ang spirituality kasi sa akin, pagbabago rin ng iyong pagtingin at pahalaga sa buhay. 'Di ba? Halimbawa, ang magulang ko ang dapat na nag-aalaga sa akin, nagpoprotekta sa akin pero inaabuso ko.
So nabaliktad ang kalagayan ng mundo. Hindi ba? So now, ang perpetrator ng iyong suffering ay magulang. So it's a spiritual existential issue. Ang hirap nu'n bago mo matanggap ang katotohanan na 'yun. Daraan ka muna sa proseso na "May mali ba sa akin? Siguro ganito ako kaya ganito ang trato sa akin." Napakahirap na panahon 'yun. And you need help sa mga ganitong sitwasyon of toxicity to understand just what is happening. And to allow yourself to find self-compassion and freedom.
DOC ANNA: Parang feeling ko, Doc Bo, mayroon tayong lumalabas na theme. 'Di ba? 'Yung theme para sa akin, may hangganan. Lahat may hangganan.' Di ba? Puwede tayong magmahal nang lubos at respetuhin natin 'yung hangganan ng isa't isa. In fact, 'yun ang totoong pagmamahal. 'Di ba?
Hindi porke, 'di ba, nagmamahal ako nang lubos, lahat-lahat na. Kahit ubusin mo ako, ubusin mo na 'yung sanity ko, sabi niyo nga, ay okay lang. Hindi. 'Di ba? Kung talagang nagmamahalan tayo sa isa't isa, bilang isang pamilya, irerespeto natin ang hangganan para buo, masigla, maligaya ang isa't isa.
So actually, 'di ba, parang ang naririnig ko riyan, my gosh, healthy families versus toxic families. Have healthy boundaries. And healthy boundaries allow us to really love unhindered in a way. 'Di ba? Parang sige, wala ng ibang issues kaya mag-focus na lang ako sa pagmamahal at pag-aaruga sa inyo. 'Di ba? Kasi hindi na ako natatakot na may mag-overstep sa boundaries ko, na may manakit sa akin. Alam na alam kong safe ako sa piling ng pamilya ko.
DR. BAUTISTA: Oo. I agree with you there, Doc Anna, kasi ang pagmamahal ay hindi bulag. Ang pagmamahal ay mulat sa katotohanan, nakatuntong sa realidad at may dunong. 'Yun ang tunay na pagmamahal. May pagkamalikhain para 'yung kabutihan, kawagasan, kagandahan ng pagkatao at ng buhay ay siyang makapangyari at hindi 'yung pangit at masakit at mapait.
Sometimes, we don't immediately see it. Pero mayroon tayong pag-asa, hope, that if I continue to move towards this direction, babalon ang buhay. Hindi lang sa akin pero sa mga mahal ko sa buhay. It's a hope.
DOC ANNA: Thank you so much. And so sana mga taong may problema sa pamilya, one, kayang-kaya namang lutasin. Kailangan lang sabi mo nga, may openness. Bukas tayo sa idea na magkakaroon tayo ng solusyon na win-win.
'Yan ang nakuha ko sa inyo, Doc Bo, today, na win-win ang mga solusyon. Hindi 'yung winner-loser. 'Di ba? Parang ako ang tama, siya ang mali. 'Yan. Thank you so much for sharing with us here sa Share Ko Lang.
DR. BAUTISTA: Oo. Salamat din, Anna. It was very satisfying to talk to you and also hear insights, beautiful insights from you.