Ano ang status ng imbestigasyon kay Bamban Mayor Alice Guo?
Unang humarap sa Senate hearing si Bamban Mayor Alice Guo matapos madawit sa na-raid na POGO hub sa Bamban, Tarlac, na siya namang itinanggi ng alkalde. Bukod dito, naging kuwestiyonable rin sa Senado ang totoong identity ni Guo.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, hindi umano nagtutugma at walang sapat na supporting documents ang mga sagot ni Mayor Guo sa mga nagdaang Senate hearing. Naniniwala si Sen. Hontiveros na hindi dapat palampasin ang isyung ito lalo na kung mapatutunayan na may mga nananamantala sa maluwag na regulatory framework ng bansa.
Ang update sa imbestigasyon kay Mayor Guo at iba pang isyung tinututukan ng Senado, sasagutin ni Sen. Risa Hontiveros sa #TheMangahasInterviews.
MALOU: Magandang araw po sa inyong lahat. Peke ba o tunay na Pilipino? Iyan ang katanungan kay Bamban Mayor Alice Guo.
Pag-usapan po natin ang samot-saring isyu ukol sa kanya, kasama ang pangunahing imbestigador ng isyung ito, si Senator Risa Hontiveros. Magandang araw, ma'am.
SEN RISA: Magandang araw din po, Ms. Malou.
MALOU: Okay. Si Sen. Risa po ay proud political activist, champion ng women's and children's rights, at nagpanukala, pangunahin ng 25 landmark legislation para sa mga buntis, mga single mothers, at mga kabataan.
Sen. Risa, in summary, anong mga samot-saring isyu kay Mayor Guo? Hindi lang po citizenship, ano? Nagtanong kayo tungkol sa kanyang SALN o asset records. Nagtanong kayo sa kanyang connection sa mga POGO. Ano po ba ang napupurbahan niyo ngayon na tunay na pagsisinungaling o talagang pag-iwas niya sa katotohanan?
SEN RISA: Halo-halong pagsisinungaling at pag-iwas sa diretsyong pagsagot sa mga diretsyong tanong naman, Ms. Malou, tungkol nga sa kanyang citizenship, tungkol sa kanyang connection sa POGO, dahil 'di hamak na isa sa pinakamalaking POGO hub so far na na-raid 'yung kanya sa Bamban, Tarlac. Tungkol sa kanyang SALN nga at lifestyle, parang unexplained or unexplainable so far na wealth, at iyong connection ng lahat ng ito sa mga posibleng criminal syndicates, pati surveillance at hacking activities na kung mapatunayan, aba, may implikasyon sa ating pambansang seguridad.
MALOU: Okay. Take us back to Day 1. Paano po ba nagsimula ang imbestigasyon na ito at ating haka-haka na baka hindi tunay na Pilipino si Mayor Guo?
SEN RISA: Nagsimula po itong lahat, Ms. Malou, dahil sa tuloy-tuloy, apat na taon na halos na pag-iimbestiga ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality sa kabuuang phenomenon ng POGO.
Several weeks ago, a month ago, pangalawang beses ni-raid itong isa sa pinakamalaking POGO hub na natuklasan so far sa Bamban, Tarlac. At doon pa lamang on-site, lumalabas iyong mga koneksyon dati pa at mukhang hanggang ngayon ng local chief executive ng Bamban sa POGO hub na iyan.
Bukod sa marami-raming mga taong na-rescue, mga Pilipino, mga Vietnamese, may Malaysian pa, at ilang mga Tsinong pugante na doon ay naaresto, may mga dokumento on-site na nagpapakita na si Mayor Alice Guo mismo, bago siya naging mayor, ang nag-apply para sa mga dokumentong kinakailangan nitong Zun Yuan na mag-operate ng POGO diyan sa Bamban. At hanggang ngayon, may mga dokumento din on-site na siya iyong nagbabayad pa rin ng mga utility bills, iyong mga sahod ng ilang mga empleyado doon sa maintenance department. Kaya't naging kapansin-pansin na bakit mayroong tila link ang local chief executive diyan sa POGO hub na iyan.
MALOU: So bago pa po siya naging mayor, ang sabi ninyo e sangkot siya dito sa kompanya na nagpapatakbo ng POGO, siya ang nag papasweldo sa mga empleyado nito. Pero meron po bang property issue din? Mukhang nire-rent ba ang property ni Mayor Guo o ni Alice Guo bago nag-mayor na kinatatayuan ng POGO hub na iyan?
SEN RISA: Ayon sa kanya, siya daw ang bumili ng marami-raming pira-pirasong lupa diyan sa nabuong halos walong ektarya ngayon na tinatayuan ng POGO hub na iyan.
Ayon sa kanya, nadatnan na lang niya by happy accident iyong mga naging kasosyo niya diyan daw sa Clark dahil sila daw ay mga may-ari ng restaurant. Siya daw noon ay isang simpleng magbababoy kaya naisip lang daw niya na mag-supply ng baboy sa kanilang mga restaurant. At kalaunan, inimbita daw niya silang mamuhunan dyan sa Bamban at ipinasok iyong mga lupang nabili niya bilang kanyang equity doon sa nag POGO hub.
Pero ang weird talaga, Miss Malou. Ni hindi niya masabi magkano ba ang kita niya sa pagbenta ng lupang iyan. If at any time ay ni-rent lamang nila kung magkano ang kinita niya sa upang iyon. At mas misteryoso pa at mas delikado, mukhang hindi siya nag-background check diyan sa mga naging kasosyo niya sa Zun Yuan. Kalaunan, ang dalawa doon ay sangkot ngayon sa pinakamalaking money laundering scam at iskandalo ngayon sa Singapore. Ayon sa kanya, hindi daw niya alam iyong background ng dalawang iyon at hindi daw siya nakipag-ugnayan sa kanila mula nang naging mayor siya.
Ang solong kaugnay daw niya dyan sa Zun Yuan, pinangalanan niya sa hearing. Pero lumalabas, Miss Malou, iyan ding taong iyon ay pugante. In fact, tumakas noong pangalawang beses ni-raid ng ating mga awtoridad iyong POGO hub sa Bamban. So habang sumasagot at ‘di sumasagot si Mayor Alice, lalong lumalala iyong lumalabas na sitwasyon niya kaugnay ng POGO diyan sa Tarlac.
MALOU: So mayroong connection sa POGO at mayroong interest siya, material interest doon sa company na nagpapatakbo ng POGO hub na iyon. Nakita ninyo din 'yung SALN niya. Meron kayo ikinuwento sa Senate at tinanong niyo siya, June 30 at July 1, 2022 na dalawang version ng SALN. Pakikwento nga po, ano 'yung disparity na nakita ninyo?
SEN RISA: Malaking disparity po. Kahit paglampas mo doon sa parang time warp na iyong unang isinumiteng SALN ay dated July 1 at iyong pangalawang corrected SALN ay dated June 30, kung ano pa man, sa pagitan ng ganyang isang araw lang, isang maghapon lang, magkakaibang SALN talaga.
Doon sa isa, may mga sampung real estate properties na nakalista. Doon sa isa, tatlo na lamang. Doon sa isa, may nakalistang mga business interests. Doon sa isa, ay wala na. So, ang laking mga discrepancies. At iyan lamang po ang mga SALN noong taong 2022.
‘Pag tiningnan po natin iyong SALN 2023, meron ding hindi niya maipaliwanag sa hearing na malaking paglaki ng kanyang net worth. So, saan po nanggaling iyon kung 'di umano nag-divest na siya sa mga negosyo niya? Kung siya ay mayor na nga noon at hanggang ngayon ay sinasabi niya hindi daw siya investor o protector ng mga POGO. So, kumbaga, hindi nagta-tie-up neatly iyong mga sagot niya sa aming mga tanong.
MALOU: Okay. So, si Mayor Guo, iyong sinasabi ninyo yung June 30, 2022 SALN, ito yung entry into office na tinatawag na SALN? Year later, 2023. Ano po iyong naging diperensya sa net worth niya? Sabi ninyo, biglang lumaki up to 2023.
SEN RISA: Kapansin-pansin po ang malaking pagdagdag sa kanyang net worth at hindi maipaliwanag sa mga sinasabi niyang sources of income niya. Hindi rin maipaliwanag nang maayos iyong kanyang mukhang ostentatious lifestyle. Sabi niya, ulit-ulit, siya ay simpleng tao lamang. Ngunit may mga isang dosena o labing-anim ba na mga sasakyan sa kanyang pangalan. Bukod pa doon, iyong MacLaren na ayon sa kanya ay pahiram lamang sa kanya pero hindi niya agad maalala yung pangalan nu'ng nagpahiram ng ganyang kamahal na kotse.
May helicopter po siya na hanggang ngayon ay officially nasa kanyang pagmamay-ari pa dahil 'di umano binabayaran pa on installment ng isang British company daw na kanyang binentahan noon. Pero chopper, naging owner siya or owner pa rin hanggang ngayon ng chopper. At nakikita nating posts ng mga kababayan nating netizens, grabeng mahal na mga damit at saka mga alahas din.
So, maitatanong pa rin at maitatanong muli, saan galing itong mga pinaggagastusan niya para sa ganyang klaseng antas ng pamumuhay? At hindi talaga mabura iyong lumalabas na tone-tonelada na mga ebidensya ng kanyang links talaga sa POGO na apat na taon na nating nadidiskubre ay kaugnay ng napakarami pong mga krimen laban sa mga Pilipino at laban sa Pilipinas. At ngayon, dito sa POGO hub niya sa Bamban naitatanong pati 'yung usapin ng national security.
MALOU: Okay. Pinag-usapan po ninyo iyong source of income niya. Pero ang mayor, eh tila hindi naman mataas masyado. Salary grade 27 o 29. Ibig sabihin, wala pang P200,000 yata kada buwan. Pero sabi niya, ang background niya, meron silang piggery o nagbababoy ang kanyang mga magulang. Lumaki siya doon sa pagbababoy at sa loob ng bahay lang siya palagi. Ano po iyong background niya? Kasi kung hindi natin tatanggapin na galing sa POGO iyong kanyang pera, saan manggagaling?
SEN RISA: Eh kaya nga po, kahit sa sinabi niyang 2,000 heads ng baboy na meron siya sa kanilang kompanyang pagbababoy, kahit pa sa ibang mga kompanyang inilista niya dati sa embroidery, sa bulilit-siopao, meron din siyang smelting na inilista dati. Pero kahit pa po, pagsama-samahin natin iyon at kung tignan iyong ilan sa mga dokumentong ipinakita ng kinita ng mga kompanyang iyon taon-taon, hindi po talaga magsusuma ng ganyang kalaking pera ang kakailanganin para sa kanyang lifestyle nga po. At kung POGO ang talagang source of income niya, ay talagang dapat mag-alala tayo doon dahil wala po talagang mabuting nanggaling sa POGO. Panay mga masasamang epekto sa ating lipunan.
At iyon na nga, dito sa Bamban hub, naitatanong pa, iniimbestiga pa iyong posibleng paggamit niyan sa pag-monitor, pag-surveil sa ating gobyerno at hacking activities pa laban pati sa mga government websites natin.
MALOU: Iyong espionage po, iyong pagiging espiya, lumabas iyong issue na iyon dahil sa merong questionable citizenship at ang birth certificate na naipakita ni Mayor Alice Guo ay parang 17 years old daw ba siya nu'ng nalaman niyang una?
SEN RISA: Nineteen nga actually, opo.
MALOU: Nineteen. So meron pong parang mga reports na iyong sinasabi niyang tatay ay Chinese citizen at baka daw may connection sa Chinese Communist Party.
Ito po iyong mga samot-saring balita na umiikot. Pero iyong kanyang nanay, ang sabi niya ay Pilipina. Pakikwentong nga po, ano iyong isyu sa citizenship niya? At ano so far iyong inyong nadiskubre?
SEN RISA: Nadidiskubre po namin mas maraming tanong kaysa sa sagot. Dapat ang citizenship simple lang, 'di ba? Ang problema, contradictory iyong lumabas sa mga dokumento.
Sabi niya noong una, ang tatay niya ay Tsino pero sa isang register of live birth na nakita natin, nakalagay doon ay Tsino. Pagdating sa ilang mga business documents niya ay Pilipino na naman. Doon naman sa isang hearing, sabi niya, Filipino-Chinese. So, ano ba talaga, ate, 'di ba? Ang citizenship ng magulang natin ay hindi, kumbaga, multiple choice.
Okay, kung Tsino iyong tatay niya, ang solong pwedeng pagmulan ng kanyang Filipino citizenship ay kanyang ina. Napaka-misteryoso din. Sa dokumento ng kanyang birth, nakalagay Amelia Leal, ang pangalan ng kanyang ina, at kasal daw sa tatay niya. Pero paulit-ulit din niyang sinasabi, ngayon, at sa kanyang isang naunang interview, na ang kanyang ina, Amelia Leal, ay kasambahay ng tatay niya.
So, kasambahay ba? Kasal ba? Tapos noong una, sabi niya siya ay solong anak. Noong ipinakita natin iyong mga dokumento, lumalabas may at least dalawa siyang kapatid. At sa hearing, sinabi ng PSA, may pangatlo pa. So, hindi lang sina Sheila at Xiemen Leal Guo, meron pang Wesley Leal Guo, at sa lahat ng mga birth certificates nila, parehong mga pangalan ng magulang ang lumalabas. So, 'di ba? Bakit ang isang napakasimpleng usapin, iyong identity, iyong citizenship, ay hindi masagot niya o noong mga dokumento tungkol sa kanya nang ganoong diretso at simple lamang?
MALOU: Okay. Ngayon, ano po iyong ibig sabihin nito? Kasi sabi niya, noon lang siya ay teenager na, tsaka niya nakita iyong birth certificate niya. Pero ang sabi po 'di ba sa batas, ang dapat kung tumakbong public official, para ilinaw lang po, natural-born citizen of the Philippines. So, dito ba siya talaga sa Pilipinas o sa ibang lugar ipinanganak, kaya late registration iyong kanyang birth certificate? Ano ba 'yung issue doon?
SEN RISA: Actually, marami namang Pilipino din ay nagla-late register para sa iba't-ibang mga dahilan. At karamihan dito ay karapat-dapat, 'di ba? Ang problema dito sa kaso ni Mayor Alice Guo, una, na-raid ang isang POGO hub na napakalaki, ang daming na-rescue, victim survivor, may mga na-aresto pang mga pugante mula sa batas, sa China. May tumakas na isa pang pugante na wanted ngayon ng mga awtoridad at iyong dalawa sa kasosyo niya sa POGO hub na iyan ay hindi lang wanted, standing trial na sa ibang bansa.
So, kaya nag-backtrack tuloy ng pag-investigate sa kanyang background. At ang lumalabas ay hindi mga facts na nagbibigay sa atin ng kumpiyansa na, “Okay, may presumption of regularity dito”. Hindi eh, lalo na siya po ay isang taong gobyerno din, at iyong isa sa pinakainaasahan sa amin na nagtatrabaho sa gobyerno at iyong transparency. Isa po iyan sa pinakainaasahan sa amin. At kapag hindi transparent, hindi opaque ang mga sagot at ang pagkakakilanlan o identity, ay kami naman po ang magkukulang sa Senado kung hindi namin alamin lalo na ito'y kaugnay ng buhol-buhol na phenomena ng POGO, human trafficking, scamming, plus ngayon iyong pang surveillance at saka hacking operations.
MALOU: Sen. Risa, sa pangyayaring ito, apat na taon, ano po, iyong operation ng POGO na iyon, hindi naman pwedeng walang registration sa PAGCOR. Hindi naman pwedeng iyong mga pumasok na mga manggagawa nilang dayuhan ay hindi na-alert ang Bureau of Immigration. Paano nagkaroon ng Mayor Alice Guo? Sino talaga, kung susuriin natin ang nagpundar sa kanyang political career?
SEN RISA: Iyon ang tanong namin kaya’t nag-pick up iyong interest namin noong sinabi ng mga intel agencies na meron din silang inimbestigahang posibleng angulo ng espionage nga. Iyong hacking at saka iyong surveillance. At kaya rin napakainteresado kami sa background niya. Kahit simpleng ano bang alaala mo sa iyong pagkabata? Bakit ba hindi niya maikuwento? Ang unang halos kongkretong alaala niya na pwede mong i-validate ng documentation ay iyong registration of live birth niya — 17, noong una naging 19 years old. And kung ginamit niya ang kanyang maaring pekeng birth certificate para makapasok hindi lang sa economic life ng Bamban, pati sa political life ng ating bansa, ay kailangan talaga namin ma-establish iyon for sure. At i-identify rin iyong mga accountabilities ng iba't ibang mga ahensya ng ating gobyerno. O kahit tauhan na nagbigay daan dito. Dahil usapin talaga ito ng public good. Usapin ito talaga ng interes ng ating bansa. Kahit iyong PAGCOR license na dapat mayroon ang mga legit na POGO. Kahit iyon ini-issue namin. Ang daming masamang epekto kahit nga mga ‘di umanong legit na POGO.
Pero sabi ng PAGCOR doon sa second to the last hearing, hindi nila nabigyan ng license ang Zun Yuan. Sabi ni Mayor, iyong lumapit sa kanya na taga-Zun Yuan ay mayroon daw provisional license. Pinabulaanan 'yan ng PAGCOR. Iyong naunang entity na Hongsheng, mayroon daw dating lisensya pero ito ay na-suspend. Pero mukhang nagpatuloy pa rin mag-operate under the guise of Zun Yuan.
So mukhang may mga nagsasamantala talaga, lokal, at inaalam pa natin kung may dayuhan din sa ating napakaluwag na regulatory system. At ito talaga iyong isa sa puno't dulo ng matinding concern namin. Dahil ang anumang imbestigasyon namin, sinasabi namin sa resolution in aid of legislation. Kailangan at gusto namin ma-establish, meron po bang paglabag sa ating mga batas? Meron bang mga batas na dapat ipinatutupad na maluwag o mali o hindi ipinatutupad? May mga regulasyon ba na binabali from outside and worse from inside mula sa panig ng mga regulators mismo? Dahil hindi po talaga ito pwedeng hayaang makalampas lamang sa atin.
MALOU: Sa ngayon po, ano iyong sitwasyon ng POGO Hub ng Zun Yuan? Sarado ba? At maging si Mayor Alice, sabi niya, kung siya tatanungin, ayaw na niya ng POGO. Ano iyong sitwasyon? Na-padlock ba?
SEN RISA: Sa ngayon, naka-padlock at nasa jurisdiction ng PAOCC na nag-raid sa kanya. So habang dinidinig namin itong resolution at habang papasok kami soon sa executive session, kung saan iyong iba't ibang mga ahensya ng ating gobyerno, pati mga intelligence agencies ay malayang makapagsabi ng lahat ng kanilang nalalaman na hindi pa nila pwedeng ibunyag in open hearing.
MALOU: So nagko-conduct ng investigation ang iba't ibang ahensya?
SEN RISA: Habang iniimbestiga namin itong usapin ng Bamban POGO hub at iyong maraming isyung pinanganak niyan, ay nagkondukta na rin at nagko-kondukta ng parallel investigations iyong mga ahensya ng gobyerno. Habang ang mga ito'y umaandar pa at amin din isasagawa pa iyong executive session, palagay ko ay mananatiling padlocked iyong Zun Yuan.
MALOU: Ma'am, ang mga mamamayan po ng Bamban, Tarlac, kung hindi tayo nagkakamali, wala namang lumabas sa balita na nagkabayaran o nagkaroon ng bilihan ng boto o nagkadayaan noong nakaraang eleksyon. Pero meron daw pong mas tanyag sanang kandidato. Ang question sa isip ng mga tao ay paano nanalo si Alice Guo bilang mayor?
SEN RISA: Well, hindi pa nga namin tinitignan kung ano man iyong naging electoral process diyan. Ang tangi na itinanong namin noong nakaraang hearing kay Comelec Chair Garcia ay kung mapatunayan talagang peke o huwad, invalid iyong citizenship ni Mayor Alice Guo bilang Pilipino, ano ang mangyayari? At may sinabi si Chairman Garcia na at least dalawang prosesong pwedeng i-initiate.
Depende sa kung aling proseso ang gagawin, ang maaaring pumalit kay Mayor Alice Guo ang pangalawang, pumangalawa sa eleksyon sa kanya, sa eleksyon para sa mayor, o 'di kaya iyong kasalukuyang vice mayor.
MALOU: Okay. Meron pong parang nasambit, pahiwatig si Senator Jinggoy, tinatanong niya si Mayor Alice Guo, meron bang tumulong sa iyong ibang opisyal na galing sa Pangasinan, et cetera. Kayo ba'y sumisilip sa ibang lugar na baka posibleng may ganito ding kwento? Mga local officials na pabor sa POGO, nagpatakbo ng mga POGO Hub, nagkaroon ng unexplained wealth at biglang parang may questionable citizenship. Hindi po ba parang posible na nagaganap din ito sa ibang bayan?
SEN RISA: Kahit naman siguro ano, Ms. Malou, ay posible. Pero sa ngayon, sa laki at sa kumplikado, pagkakumplikado ng kasong ito ng POGO hub sa Bamban Tarlac, dito muna kami nakatutok talaga. Dahil hanggang ngayon, nanganganak pa rin ang nanganganak na mga issue, itong strange case ng Bamban POGO hub at si Mayor Alice Guo.
Pero doon sa anggulong iniimbestiga pa ng surveillance at sa hacking, siyempre, nako-concerned iyong ibang mga kababayan natin na posible bang ito rin ay ginagawa ng ibang bansa sa iba pang bahagi ng ating bansa, lalo na’t may mga magaganit na relasyon tayo sa kanila diyan sa West Philippine Sea. Nauna na dito sa mga kasabay sa imbestigasyon sa POGOs, iyong doon naman sa ating grid at iba pa. So, of concern po talaga iyan dahil sino ba namang mga bansa ang ayaw manatiling independiyente, di po ba, at may kasarinlan?
MALOU: Even sa espionage at saka hacking, may sex trafficking din yatang nakita kayo na nagaganap na operasyon sa ibang mga POGO hub? Dito ba sa Bamban ay walang ganoong kayong nakita?
SEN RISA: Wala pa naman gano'n kaming nasilip na angulo. Bagamat siyempre, iyong mga love scams sa kanilang online scamming operations, syempre iyong sex ay isang factor diyan ng panloloko sa mga biktima at kalaunan pagkuha at pagnakaw ng pera sa kanila. Pero totoo, iyong sex trafficking ay isa sa pinakamasahol na aspeto ng human trafficking na bahagi ng dumaraming mga POGO hubs na ating natutuklasan at nare-raid ng ating mga awtoridad. Isa sa pinakamasahol na pasakit na dulot sa ating bansa niyang buong POGO phenomenon na iyan.
MALOU: Sen. Risa, nakailang hearing days na kayo at halos sa lahat, umattend si Mayor Alice. At marami yatang nainip o nainis na ilang mga senador na parang paulit-ulit siya na, “Hindi ko po matandaan, iche-check ko po.” Pero in fairness, she was brave enough, bold enough to attend your hearings. How can she be a better resource person or a witness? Saan siya medyo tingin ninyo dapat needs improvement?
SEN RISA: Ikaw lang, Ms. Malou, nagtanong ng ganyang tanong sa akin. Siguro dapat advice-an siya ng kanyang mga abogado, kung kaya nila, magsabi siya ng totoo.
I guess the only way na pwede siyang maging better witness or resource person ay kung maging better government official siya, magtapat.
Dahil hanggang sa ngayon, kung hindi man siya nagsisinungaling, ang pakiramdam talaga sa bawat sagot niya ay siya'y naglilihim. She is withholding the truth, at iyan po ay hindi tamang ugali, lalo na ng isang government official sa mga kapwa government officials niya o sa isa pang sangay ng ating gobyerno. Kung siya talaga ay constituent ng ating gobyerno at hindi ng ibang gobyerno sa mundong ito.
MALOU: May panawagan po na baka dapat preventive suspension na siya. Ang DILG gusto din siya imbestigahan. Pero ang bagong Senate President, Chiz Escudero, ang sabi ay ang burden ng pagpapatibay nitong kwentong ito ay nandoon sa nag-aakusa. So ano dapat ang gawin? Preventive suspension o produce more evidence to file case, file suit against Mayor Alice Guo?
SEN RISA: Actually may mga executive agencies na nagsasalita tungkol sa posibleng preventive suspension. So kayang-kaya na nila iyong ganyang proseso. Whether OP iyan or Office of the Ombudsman or iyong mismong Municipal Council ni Mayor Alice Guo sa Bamban. As to iyong burden, ang komite naman at ang buong Senado ay hindi korte, so burden of proof, iyan ay usually sa mga korte. Pero burden of evidence, diyan po talagang naglalaan kami ng aming sariling mga efforts. At so far, tone-tonelada ng mga ebidensya ang lumalabas. Hindi para aming husgahan o sentensyahan o ipakulong o kahit i-suspend si Mayor Alice Guo. Nasa ibang sangay 'yan. Pero ang aming tinutupad na tungkulin ay imbestigahan kung may mga batas na nilalabag, kung may regulasyon na binabali o pinagtataksilan. Dito, kumpiyansa ako, Ms. Malou, na solidly within us iyong mandato at tungkulin ng Senado.
SENATE LEADERSHIP
MALOU: Ise-segue ko po. Nagkaroon ng musical chair sa Senado the other week. At iyong minority, kayo pong dalawa ni Sen. Koko Pimentel ay hindi bumoto, abstain. Pero meron ngayong Solid 7 na sinasabi. Ito po iyong grupo ni dating Sen. President Migz Zubiri. Ano iyong tingin n'yo doon? Tila tahimik pa kayo ni Sen. Koko na nag-comment. Ano po ba talaga iyong nangyari? Nag-coup d'etat?
May mga issue ba talaga ang Senado laban kay Sen. Migz? O sa kanyang salita, “I did not follow instructions.” Ano ba kaya 'yung mga issue?
SEN RISA: Posibleng halo-halo na lahat, Ms. Malou. And makaklaro na lang over time. Basta kami ni minority leader Sen. Koko Pimentel, ninais naming manatiling minorya para mag-fiscalize, mag-check and balance sa loob at sa labas din ng Senado. Sa ngayon, premature pa iyong ibang, hindi naman lahat, pero iyong ilang mga spekulasyon o mga projections sa mga scenarios na mas solidly mag-shape up. Anyway, naka-suspend kami sa ngayon. May dalawang buwang lilipas bago ang susunod na sesyon simula sa State of the Nation Address muli ni Presidente. So siguro, abangan na muna natin kung paano magshe-shape up iyong mga post-mortem analysis at saka kung mayroon man mga alignments pa sa Senado.
MALOU: You're being very proper, ano po? Pero alam naman natin.
SEN. RISA: Opo. The proper minority.
MALOU: The proper minority. But the Solid 7 had spoken, some of them. Iyong isa is iyong parang the foot diplomacy or the foot issue na kesyo ang naging issue daw ay dahil hindi daw pinayagan na mag-Zoom meeting sa plenary na lang si Sen. Bong Revilla dahil nagkaroon siya ng recent foot operation. Sabi ni Nancy Binay, parang they're putting their best foot forward, so merong sarcasm doon. At ang sabi ng Solid 7, noong ilan, ay talagang they will exercise independence right now.
So, para sa Minority of Two, kayo po ni Sen. Koko, was that a happy news or sad news? Well, for the supermajority or for the minority?
SEN RISA: Well, ang Senado, kabuuan, ay nakilala bilang independiyenteng institusyon. Lalo na tuwing may crisis, maya’t maya tinatawag kaming last bastion of democracy. So, mas maraming independiyenteng bloke sa loob. Mas maraming higit na independiyenteng miyembro namin sa Senado ay mas mabuti. So, para sa amin sa minority, I suppose kung ano man iyong dynamics sa loob ng majority, kung may bahagi nila na nagsasabing magiging mas independiyente pa sila sa ngayon, I suppose it can only be for the better.
MALOU: Okay. Pero sa inyo pong mga inilunsad ng mga imbestigasyon, ano po, kahit na may supermajority dati of 22 senators versus Minority of Two ay marami namang tumulong sa inyo at kasama ninyo sa imbestigasyon sa komite ninyo or sa iba pang mga naging inyong panukalang batas. Doon sa Solid 7, tila marami doon ay parang medyo kapareho ng inyong panukala o pagsilip sa mga issue. Meron po bang naging kwentuhan kayo off Chamber na kasama 'yung Solid 7?
SEN RISA: Wala pa namang ganoon and I think itong dalawang buwan din ay breather na kukunin ng lahat. Bawat isa, tapos bawat grupo para magnilay at mag-explore, if ever mag-usap sa mga pagitan nila kung ano iyong magiging moves at ano iyong magiging posibleng alignments. Gaya ng nabanggit ko kanina, baka maaga pa, baka speculative pa. Pero dalawang dosena lang naman kami, so lagi namang bukas ang lines of communication. Basta't ang pinakabukas na line of communication para sa akin ay sa pagitan namin ni Sen. Koko.
And kami rin po ay mag-uusap ngayong suspension bilang paghahanda sa susunod na yugto ng buhay ng Senado.
MALOU: Ang tanong sa isip na maraming tao, ba't kaya nagmadali ng palitan ng pwesto? Eh naka-suspend nga ang session ninyo, magbabalik kayo, papasok ng SONA. And usually, sa SONA nagkakaroon ng election of the Senate president and pro-tempore, etc. Bakit, ano iyong dahilan? Eh break naman. Bakit kailangan magpalitan ang pwesto?
SEN RISA: Well, syempre, hindi ko rin masabi iyong timing ng majority. Noong tinanong nga ako bago noong pagpalit ng liderato, noong tinanong ako ng Senate media, sabi ko, hindi ako privy sa mga detalye, abangan na lang mamaya or later this week.
So, hindi ko masabi kung sila ba'y nagmadali, o ito ba ay matagal nang nahihinog, pero ngayon na lamang talaga na-clinch. So, pero ganyan talaga ang politika, 'di ba, sa labas at sa loob ng bawat institution.
I guess there comes a moment na magko-converge ang iba't ibang mga tendencies na noon ay hilaw, or ngayon ay nahihinog. So, iyon din ang isang importanteng babasahin din namin ni Sen. Koko ngayong suspension para kahit dalawa lang kami sa minority, tulad sa nakaraang dalawang taon, nakapag-produce naman kami, palagay ko, ng mahalagang trabaho sa mga isyu tulad ng sugar smuggling fiasco, iyong Martial Law commemoration, iyong confidential and intelligence funds, pati po iyong Maharlika Fund. And looking forward po ako na patuloy kaming maging kapaki-pakinabang sa ganyang paraan.
MALOU: Tila nga kayo iyong napakasipag na mag-imbestiga, ano po? Mahusay iyong research team ninyo.
SEN RISA: Napakahusay po nila.
MALOU: Anyway, pero sa ngayon, ang Senado, may 24 na senador. Merong majority coalition, pero may bitak na Apat na Sikat, merong Solid 7, may Minority of Two. Iyong Apat na Sikat, iyon daw po iyong mga dating artista o mga senador na galing sa entertainment o film industry. Totoo bang may mga ganong bitak-bitak? Huwag na po natin iwasan iyong usapin ng re-electionist. Ano po? Sa May 2025, iyong labindalawa sa inyo, tatakbong muli or mag-bow out dahil second-termer. Hindi ka ba connected doon? Iyong realignment na 'to na sino ang makakapuesto sa Magic 12 ng admin slate?
SEN RISA: Well, siyempre lahat ng moves kahit sa loob ng mga institusyon ng gobyerno, seasonally lalo na, ay kaugnay ng mga regular naman nating mga eleksyon. Midterm man 'yan o general. In fact, dahil mahina pa at hilaw pa iyong ating political party system, kakaunti lang ang mga totoong partido. And I have to say, Akbayan, iyong partido ko, ay isa doon sa mga tunay dahil mahina pa 'yung ating political party system. Actually siguro iyong ganitong mga grupo-grupo sa loob ng mga institusyon ang nagsisilbi para nga maghanda at magsagawa ng mga electoral and other political campaigns. So yes, iyong mga nag-oobserve at nagbabasa ng ating political terrain, pwede ring sumilip sa loob ng Senado kung paano naghahanda ang iba't ibang mga pwersa para sa susunod na taon.
MALOU: Kaya ko lang po natatanong, kasi marami doon sa mga pro-Duterte senators ay magkakaroon ng pagkakataong tumakbong muli for reelection. Senator Bato, Senator Bong Go, at si Senator Francis Tolentino, na parang alam naman natin na talagang panig kay Pangulong Duterte. Pero 'yung mga nanalo noong 2022 na pro-BBM naman, parang hanggang 2028, merong pagkakataon. 2029 actually. So medyo unusual iyong mix na iyon. May mga pro-Duterte senators, mga pro-BBM senators, partido na sabihin nga ninyo, minsan malabnaw ang partido sa atin, Nationalist Party, NUP, NPC, PDP-Laban, nandoon lahat doon sa solid na, well, 'yung bumoto kay Senator Chiz, 'yung labinglima.
So ano po ito? How do people make sense of iyong napakamasalimuot na political party connections? Totoo ba iyong sinasabing "In politics, there are no permanent friends, only permanent interests"? So nagsariling sikap o self-interest lang ba iyong ating mga senador sa naganap ng palitan ng liderato?
SEN RISA: Interesting nga kasi sa konteksto din noong nangyayari sa labas na parang wala ng Uniteam, magkaaway ang Uniteam, merong hindi exactly nagmi-mirror na alignment sa loob ng iba't ibang institusyon. So, well, dahil miyembro din ako ng Senado, proud naman akong sabihin na may natatanging personality din naman ang Senado. At dahil nga kaunti lang kami, at kahit may majority-minority divide, halimbawa, basta't similar advocacy sa bills, o sa mga resolusyon, o budget debates, ay pwede namin i-cross iyong majority-minority party line. Pero alam natin na ang eleksyon ay isa sa pinaka-partisan na exercises para sa bawat Pilipino, hindi lang para sa aming mga mambabatas o politiko. So, all I can say is kung magulo man iyong sitwasyon sa labas, doon sa pag-aaway ng dalawang pangunahing paksyon, makulay din at saka dynamic din iyong nangyayari sa loob ng Senado. And I think, iyong alignments sa loob ng Senado ay mag-eexert din ng impluwensya sa shape.
DIVORCE BILL
MALOU: Iyong mga panukalang batas na gusto ninyong masusugan, ay parang iyong divorce law na ipasa din sa House of Representatives. Ano iyong plano ninyo sa Senado? Kaya ba na ipasa din ng Senado ang divorce law?
SEN RISA: Kakayanin namin sa Senado kung gusto namin. Majority na miyembro ng comittee ko ay pumirma sa committee report. Kaya hinog na hinog na siya, overripe na nga na mai-report out sa plenaryo para sa interpollation and debate.
Sinabi ni Senate President Chiz na bibigyang daan niya ang isang conscience vote sa divorce or dissolution of marriage bill sa Senado tulad ng mukhang naganap sa House of Representatives. Kaya tuwing kukumustahin ng mga divorce advocates, organizations, sinasabi ko may tsansa po tayo. Kaya po nga dito sa Senado.
MALOU: Pero ano iyong masasabi nyo du'n sa mga kontra sa batas na iyan? Sabi nila sisirain ang pamilya ng dissolution of marriage law na iyan.
SEN RISA: Ang dissolution of marriage bill ay hindi para sa mga buo at masaya at mapagmahal na kasalan at pamilya. Ang hindi nangangailangan ng divorce ay hindi papasok diyan. Ang divorce in fact, ang dissolution of marriage in fact ay para sa mga pamilyang nasira na ng karahasan, ng kapabayaan, ng aktwal na paghihiwalay sa loob ng mahabang panahon at gusto. Hindi lang iyong indibidwal na babae o lalaki pero maaaring pati ng mga anak ng buong pamilya gusto na magkaroon ng second chance sa pag-ibig, sa pagtataya, sa buhay-pamilya. Bakit naman natin ipagkakait sa kanila? Alam po natin ang pamilya ang batayang unit ng ating lipunan. Hindi ba't ang pamilyang minsan nabasag o nasugatan ay suportahang magbuong muli at humilom dahil may second chance? Hindi ba iyon ang mas malusog para sa ating lipunan?
PASTOR QUIBOLOY
MALOU: Mag-iisang buwan naman noong iyong kay Pastor Quiboloy. Nagkaroon ng decision to issue a warrant, nagkaroon, sumunod iyong korte. Pero parang tila mailap pa rin. Ang sabi ng mga abogado niya meron pa silang judicial issues. Ang preliminary investigation, sa Davao pero ang kaso file dito sa Pasig. Ano ba iyong sitwasyon? Sa tingin niyo ba dapat na mag-surrender o mahuli si Pastor Quiboloy?
SEN RISA: Matagal na siyang dapat nahuli ng PNP. Nae-excite iyong ilang mga kababayan natin na may dalawang unit ng SAF na pumunta sa Davao City at nag-take over sa mga responsibilidad noong mga kapulisan diyan sa Davao City. Sana iyan ay hudyat na magkakaroon na ng decisive action batay sa tatlong warrants. At hindi tama iyong sinasabi ng mga abogado ni Quiboloy. Dalawang magkaibang kaso at warrants iyan ng Pasig at sa Davao. Bukod pa po sa warrant ng Senado. And recently, nag-surrender iyong mga tagasunod ni Quiboloy ng 21 firearms. So higit pa sa 19 na unang sinabi ng PNP. So kumbaga meron talagang laman iyong issue iyan na armado ang isang private army ni Quiboloy. So ang dami pong kailangang i-unpack at decisively aksyonan ng ating government authorities para buksan na iyong pinto sa hustisya para sa mga naging biktima ni Quiboloy. Lalong lalo na iyong mga kababaihan at menor de edad.
MALOU: Alright. On that note, kami po ay magpapasalamat muli. Marami kayong imbestigasyon. Meron pa bang nakapila ng mga nire-research, i-dinodokumentaryo at iimbestigahan ninyo?
SEN RISA: Tuloy-tuloy naman po iyong research. Pero sa ngayon talagang iyong mayorya ng aming enerhiya ay dito nakatutok sa ongoing POGO investigation, in particular, itong sa Bamban kay Mayor Alice Guo.
MALOU: Okay. Maraming salamat po, Senator Risa Hontiveros. Maraming salamat ma'am. Keep safe.
SEN RISA: Ingat po.