Dating basurero, malapit nang maging graduate
Basurero ang 26-anyos na si Dondy Regondola buong kabataan niya. Sa pamamasura niya natustusan ang sariling pag-aaral at pagtulong sa pamilya.
Ngayon, malapit na siyang magtapos ng pag-aaral sa kursong Criminology.
Ang kuwento ng kanyang mga sakripisyo at pagpupursige bilang working student sa kanyang pakikipag-usap kay Doc Anna sa episode na ito ng #ShareKoLang.
DOC ANNA: Hello mga Kapuso! Ako si Dra Anna Tuazon ang inyong kakwentuhan na psychologist sa Share ko Lang. Tinanong namin kayo kung anong mga hamon sa pagiging isang working student. Pag-uusapan natin ang inyong mga shinare kasama ang working student na si Dondy Regondola na pinagsasabay ang pag-aaral at pagtitinda ng pagkain sa kanyang paaralan. Hi Dondy! Welcome to Share ko lang.
DONDY: Hello po!
DOC ANNA: Ikaw ba ang pinakamatanda? Sa dami ninyo, bakit ikaw ang umako ng responsibilidad?
DONDY: Wala eh. Sa totoo lang po, ‘yung nanay ko, sumama po sa stepfather ko. ‘Yung papa ko, nakapag-asawa din ng drug addict. So, naipit kaming magkakapatid. Gusto ko, ano, wala na, tuyo na ‘yung luha ko eh. Tuyong-tuyo na ‘yung luha ko sa pag-iyak lagi. Gusto ko nang laging umiyak sa sakit at pagod na nararamdaman ko sa buhay ko, pero wala eh. Sabi ko, hindi, hindi ako ba pwedeng sumuko kasi gusto ko man sumuko sa buhay ko, tinitignan ko, sobrang layo ko na, fourth year na ako. Wala na akong, ano, sabi ko, wala na. Andito na ako, binigay na ito ng Panginoon.
DOC ANNA: So, even up to now, ‘di ba, sabi mo nga, malayo na ang narating mo. At least, imagine mo, nakatungtong ka sa college, fourth year ka na. Sabi mo nga, ang lapit mo na.
DONDY: Yes po.
DOC ANNA: And up to now, ‘yun nga, ‘yung pagod. Di ba, sabi mo nga, buong buhay, since seven. Naalala mo pa ba, anong pakiramdam ng nagpahinga?
DONDY: Sa totoo lang, kahit hindi po ako nagtitinda, parang hindi ko po nararanasan ‘yung pahinga. Kailangan ko araw-araw ‘yung dumiskarte, kailangan ko araw-araw mag-isip ng business kung paano kami makakaahon magkakapatid sa hirap.
DOC ANNA: Now, karamihan, hindi na talaga babalik sa pag-aaral, magtatrabaho na lang. Pero ikaw, kakaiba. Talagang nag-aaral ka pa rin. I’m sure ‘yung temptation, di ba? Magtrabaho na lang, kikita na lang ako.
DONDY: Opo.
DOC ANNA: Pero nag-ALS ka pa, Alternative Learning System. So, in other words, kahit hindi ka nakatapos, bumalik ka. Kamusta ‘yun? Hindi rin madali, ah, ang ALS.
DONDY: Opo. Sa totoo lang po, pagka bumagsak po kayo, take ka po ulit. Actually, meron po ditong bata na katulad ko din po, ang sabi ko sa kanya, hindi ko alam kung nandiyan siya eh, sabi ko sa kanya, kasi nag-ALS po siya. Pangatlong take niya na, hindi pa po siya pumapasa. Sabi ko, sige, tumambay ka kako, tignan natin, susuko ka. Sinabihan ko talaga, sige, tumambay ka, susuko ka, ano mangyari sa’yo? Wala, di ba? Pero kung subok ka ng subok ng subok sa buhay mo, one time, madadali mo yan. May magbabago sa buhay mo.
DOC ANNA: So naka ilang subok ka, Dondy?
DONDY: Isang subok lang po.
DOC ANNA: Wow! Talagang sineryoso mo.
DONDY: I was, ano po, top 7 po sa buong province po namin.
DOC ANNA: Wow!
DONDY: Mataas po ‘yung naging, ano ko. Kaya, instead, pang college po ‘yung average ko, pero instead na mag-college ako, pinili ko po muna mag-senior high kasi mas gusto ko, prepared na prepared ako pagdating ko ng college. Ako gusto ko lahat planado ng, ano, planado ayon sa, ano ko kasi, ultimo nga mga alpabeto na ano, hindi ko pa ganong kabisado. And, actually, kung ano lang ‘yung naturo sa akin sa college lang ‘yung alam ko. Pero, minsan, nanonood noon ako ng mga pambata kasi, ah, ito pala yan, ganon. ‘Di ba?
DOC ANNA: Tapos habang nag-ALS ka, nagpe-prepare ka sa ALS, nagtatrabaho ka na rin?
DONDY: Yes po. Nasubukan ko na po mag-gasoline boy na P20 per hour. Kahit mag-12 hours ka, meron kang P240. At, nagtrabaho din po ako sa tubigan na ang sahod ko ay P240 din. P240, ayan. Pero, grabe ‘yung tiwala po na ibinigay sa akin na pinagtrabahuhan ko din po na water station. Pinagsabay-sabay ko po talaga ‘yung trabaho ko para lang makarating po dito. Hindi po basta-basta talaga.
DOC ANNA: I’m sure marami nagsabi sa’yo, huwag ka na mag-aral. Diyos ko, sayang ang panahon. Kumita, di ba? Magtrabaho ka na lang. Kumita ka na lang. Anong nagda-drive sa’yo?
DONDY: Opo. Bale, ang ano ko, ayoko na, ayoko sa lahat ‘yung, ano, samantalahin ‘yung kabaitan ko, ‘yung tapak-tapakan ako ng ibang tao. ‘Yun ‘yung nag-pursue sa akin na maabot ko ‘to.
Naranasan ko talagang balagbugin ako ng mga kamag-anak ko. Parang ituring na katulong. Pero, kaya sabi ko, dumaan na ako sa butas ng karayom, kung babalik man ako sa basurahan. Kakayanin ko na. Kasi alam ko na paanong mag-handle ng pera. Alam ko na, paanong i-manage ‘yung buhay ko.
DOC ANNA: Kaya ka ba nag-isip, kaya ka ba pumasok sa criminology at gustong maging pulis dahil sa lahat ng abuso, lahat ng pananakit, na naranasan mo?
DONDY: Opo. Nangako ako sa sarili ko na, ano, na, darating yung panahon. Kasi, imagine mo, babalagbugin ka, nanakawan ka ng pera habang natutulog ka sa kalye. Sabi ko, darating ‘yung panahon pagka naging successful na ako talaga sa pangarap ko, kahit papaano, mabigyan ko ng pansin ‘yung mga taong katulad ko na dumanas ng ganito.
DOC ANNA: Now, tinanong natin ang ating mga Kapuso kung ano ‘yung mga hamon sa kanila bilang working student. Ang sabi nu'ng isang ating Kapuso, “Based sa aking experience, malaking hamon kung papano ko pagsasabayin ang pag-aaral at trabaho. Parang hindi mo na alam ang salitang 'pahinga'".
So kanina napag-usapan na natin 'yun ‘di ba? Hindi nga lang ‘yung pagtitinda. Marami ka pang ginagawa. Marami kang business. Medyo pinanood ko ‘yung mga videos mo, tsaka ‘yung mga posts. Talagang, kita ko sabi ko, alam mo ba, maabilidad si Dondy.
DONDY: Sobrang na-eexcite ako. Actually, last night, hindi ako nakatulog. Sabi ko, aanhin ko ang pera na ‘to? Saan ko dadalhin ‘to? Ngayon, nag-iisip ako ng passive income. Actually, nag-ano ko ng Piso Wi-Fi, na kahit nag-aaral ako, nagtitinda ako, kumikita siya sa iba’t-ibang barangay. Meron din akong sampung washing na binili ko, na pwede kong ipa-rent, and i-dedeliver lang ng kapatid ko, na araw-araw, may kita ako, may tindahan ako, at naglalako ako, at may vlogging pa ako. Siguro, hindi pa man, pero, sabi nga, ‘di ba, masama 'yung parang hindi pa napipisa ‘yung sisiw pero nandito na kasi. Hindi pa nga napipisa ‘yung sisiw pero nandito ako sa alam ko na magiging successful ako.
DOC ANNA: So parang, ang saya isipin, kasi parang napi-feel mo, malapit mo na makamit ‘yung gusto mong mangyari. ‘Yung pagiging komportable sa buhay. Hanggang ngayon ba, sinusuporta mo pa rin ang mga kapatid mo, pamilya mo, o nagtatrabaho na rin sila?
DONDY: Wala po akong kapatid na nagtatrabaho, pero suportado ko po talaga ‘yung pamilya ko. Actually, sila mama, ayan, lagi ko silang sinusuportahan. Ah, hindi talaga mga, kasi culture na natin maging Pilipino na kahit hindi natin obligasyon ba, parang, baliktanaw natin bilang mga Pilipino, culture na talaga natin ‘yan.
DOC ANNA: Hindi, biro ah, walong mga kapatid, tapos wala pang nagtatrabaho. So, pati pag-aaral nila, ikaw rin?
DONDY: Opo, kasi naglalako po ako ng lumpia. Ngayon, ‘yung kita mapupunta kay mama and then, hahatiin ko ‘yun para meron kita si mama.
DOC ANNA: Saan mo nakuha, kasi hindi lahat maabilidad sa business? ‘Di ba ‘yung mag-iisip ng passive income, mga ganyan. Saan mo nakuha ‘yun? Kasama ba ‘yun sa napag-aralan mo sa college o meron ka naging idolo?
DONDY: Sobrang nature na po talaga ng sarili ko po ‘yan. Wala po talagang nagturo or kahit sino wala. Kasi nag-start po ako mag lako-lako ng tinda, sinubukan ko po maglako-lako. Ang pinakamemorable po na ginawa ko nangyari sa buhay ko ay naglako po ako sa mga gawing mahirap puntahan kasi mabili doon. Tumawid pa ako ng ilog. Pagtawid ko ng ilog, may kasunod akong sawa. Iniwanan ko ‘yung tinda ko. Pinaagos ko. Pinaagos ko siya pero dumudugo ‘yung mga kuko ko. Kasi alam niyo po ba ‘yung riprap? ‘Di ba pa ganun po ‘yun? ‘Yung sa mga sapa, ‘yung power palapad na ganun na daan? E, napatagilid po ‘yun. Wala po akong magawa, kung hindi paagusin ‘yung tinda ko sa sapa. ‘Yung alam pong 'pag natuklaw ako, mangingisay na lang ako.
DOC ANNA: Pero actually, if you think about it, uy medyo ang sad nu'ng story na ‘yun. Pero tumatawa ka, ngumingiti ka. Actually, ito ‘yung napansin ko sa videos mo Dondy, ‘di ba? Palangiti ka. Tumatawa ka na lang.
So, saan ‘yung sense of humor mo? Paano mo na-develop ‘yan?
DONDY: Hindi ko po alam e. Basta masayahin po talaga ako. Feeling close talaga ako sa mga tao. Kasi, hanggang ngayon, wala akong kaibigan na masasabihan ko ng anu-ano, ng problema ko. Wala akong group of friends. Ganyan. Hindi ako katulad ng ibang bata. Actually, naiinggit ako sa mga taong ganyan na meron silang kaibigan. Then, na-realize ko one time, madami akong followers. E, parang pamilya ko din naman sila, sa kanila ako nag-o-open. Almost 3 months na ako sa pagva-vlog. 3 months na.
DOC ANNA: Wow! So, even though wala ka masyadong kaibigan in real life, siguro, one, kasi ang busy-busy mo, ‘di ba? Meron ka bang oras?
DONDY: ‘Yung pagkatapos po ng klase ko, maglalako kaagad ako, ganyan ako e. Sabi ko, kaya siguro wala akong kaibigan kasi pagkatapos ng klase ko, maglalako na ako.
DOC ANNA: So, meron pa tayong ibang mga Kapuso, at sabi nu'ng isa, “Sacrifices, tapos minsan hindi mo alam kung ano ‘yung uunahin mo. Sakit sa ulo and minsan behind ka na sa lahat. Walang panahon sa ibang bagay na pati sarili mo minsan napapabayaan mo na.”
So, siyempre, ‘yung pag-aaral mo, ‘yung mga gastusin mo, actually, ‘yung kapital mo, ‘di ba, sa mga paninda, sa mga ganyan. And yet, may inaalagaan ka, may mga sakit. Sa pamilya. Paano mo nalalaman anong uunahin? Minsan ba, parang pati ‘yung panggastos mo sa pag-aaral, nagiging at risk, kasi hindi mura magkasakit?
DONDY: Sobrang mahirap po talaga. Buti, may mga tao, may ginagamit ‘yung Panginoon na tao, na para tulungan ako, para i-build up pa ‘yung buhay na meron ako. Wala e, sabi ko talaga sa sarili ko. Ito 'yung buhay na meron ako, kailangan ko itong panindigan hanggang sa matapos ko ito.
Kaya sabi ko, kung mamamatay man ako, meron akong iiwan na memories sa mga tao na alam kong ma-iinspire sila, alam kong magiging masaya sila sa kwento ng buhay ko. Siyempre, ganyan naman tayo, ‘di ba, lahat ng ano, nagsisimula sa drama, kasi wala namang perpektong buhay e. Kasi pwede bang lagi ka lang masaya, ‘di ba? Ang buhay kasama talaga ang drama kasi nobody’s perfect.
DOC ANNA: So, meron naman tayong mga ibang Kapuso, actually, hindi sila ‘yung working student, I think ‘yung anak nila ‘yung working student. So, sabi nu'ng isang magulang, “Proud po ako sa mga working student dahil ‘yung anak ko pong panganay, isa po siyang working student. Mahirap po maging isang working student dahil nakita ko po ‘yun sa anak ko dahil hindi po namin kaya ‘yung tuition niya kaya nagpupursigi po siya talagang mag-working student para po matustusan niya ‘yung tuition niya. Pero, kinaya niya po ‘yun kahit gaano kahirap dahil alam ko pong may pangarap po siya.” So, paano ka nasuportahan ng pamilya mo or may suporta ba? Ngayon na ang dami mong negosyo, ‘di ba? Ang dami mong raket. Tumutulong ba sila sa 'yo kahit papaano?
DONDY: Karamihan po hindi e. Kasi pagka sa squatter ka talaga lumaki, parang kanya-kanya talaga ng buhay. Never pa kami nakumpleto sa lamesa na sama-sama. Never pa po.
DOC ANNA: Naku, alam mo Dondy, kung hindi man nila ma-realize ngayon, hindi pa nila na-appreciate ngayon, I’m almost sure, ‘di ba? Minsan, nasa panahon din yan e, ‘di ba, na makikita nila. At tsaka actually, minsan, kung hindi man nila makita, hindi ‘yun ‘yung importante. At least ikaw, proud na proud kasi ginagawa mo, ‘di ba? Kaya mong tignan ang sarili mo sa salamin. Uy, ako ang pinakamabait dito, ‘di ba? Ako pinakamasipag. Oo. Naku, sana naman meron kang maging kaakibat at maging kakampi sa buhay.
So balik tayo sa pag-aaral, sa pagiging student. Anong favorite subject mo so far? Fourth year ka na, so marami na.
DONDY: Favorite subject, Non-institution.
DOC ANNA: Ano ibig sabihin nun?
DONDY: ‘Pag sinabi po natin Non-institution Correctional, ito po ‘yung mga tao na nagse-serve po ng sentence nila sa community. Kasi kaya po tayo meron ganito, inadapt din po kasi natin ito sa State e. Actually, nag-originate siya sa England. Kaya natin inadapt ‘yun ay para mabawasan ‘yung bilang ng mga nakukulong kasi, ang ano po na ‘to ay naniniwala po sila na may second chance pa para sa mga tao na nakaka-commit ng crime.
DOC ANNA: Paano mo naging favorite ‘yung klase na ‘yun?
DONDY: Ang alam lang ng mga tao, ang mga nakaka-commit ng crime ay nasa kulungan. Hindi nila alam, meron tayo non-institutional correction na kaya siya non-institution, ibig sabihin, none, wala sila sa kulungan, wala sila sa jail, ayan, wala sila diyan. Nagse-serve sila ng sentence nila dahil naniniwala sila na magbabago pa ‘yung tao, kaya pa. Para hindi lang ma-overcrowded din.
DOC ANNA: So, sa marami na ang inaaral mo, natutunan mo. Ano so far, no, hindi ito quiz ha Dondy, hindi ito final exam. Pero, ‘di ba parang curious lang ako kung anong dadalhin mo, let's say naging pulis ka na, or talagang, you know, pa-training ka na papulis, ano 'yung mga, lalo na sa pinagdaanan mo, ‘di ba, napagdaanan mo ‘yung mga abuso, mga ganyan, ano 'yung, siguro sa rights, ganyan, sa karapatan ng tao, ano ‘yung pinaka-importanteng, you know, naaral mo?
DONDY: Siguro po ‘yung mga batas, ‘yun nga po, sinabi niyo nga po 'yung rights, karapatan natin bilang mga tao, karapatan natin na malaman kung ano ‘yung mga rights natin sa buhay, ayan. Pero ‘yung mga basic rights lang naman natin, ‘yung karapatan nating mabuhay, ‘yung karapatan natin huminga. Tsaka ‘yung karapatan natin na hindi maabuso ng ibang tao.
DOC ANNA: Anong klaseng pulis gusto mo maging?
DONDY: Ako? Klaseng maging pulis? Hindi ko pahabain pero gusto kong maging huwaran. Gusto kong makita ng mga kabataan na walang mahirap, walang mayaman. Aminin natin sa hindi, sa lahat na nanonood po sa akin, sa lahat ng tao na nakaka-experience na sa pagka-pulis, alam natin na ang batas ay para sa mayaman.
DOC ANNA: So, Dondy, ‘di ba, parang ang dami mong, nagkayod ka, naghirap ka, konti na lang, 4th year ka na, matatapos mo na. ‘Yung after a while, hindi mo na, hindi ka na working student. Worker na lang with a diploma na hopefully, ‘no, makuha mo ‘yung gusto mo na maging pulis. And beyond actually pagiging pulis, ‘no? ‘Yung buhay na sa 'yo. Walang ibang magsasabi kung paano mo, ‘di ba, how you live your life. It’s really yours. Well-earned and well deserved, Dondy.
Meron ka bang final message para sa ating mga Kapuso? Lalo na para sa mga working student.
DONDY: 'Yun lang, masasabi ko, ah, huwag kayong mapagod kasi alam naman natin isang tulog lang natin ‘yan, isang pahinga lang natin ‘yan, mawawala na ‘yan. Pero, ‘pag lumipas ‘yung panahon, hindi na natin mababalik ‘yung mga nangyari. Nangyari na e. Kaya sabi ko sa inyo, huwag kayong mapagod. Magpatuloy kayo sa buhay niyo. Huwag kayong mang-apak ng kapwa niyo. Lumaban kayo ng patas sa buhay. 'Yun lang.
DOC ANNA: Naku, maraming maraming salamat, Dondy, at shinare mo sa amin ang iyong buhay at ang mga diskarte sa buhay, no? Pagiging working student and ako, I truly believe, ‘no, ‘yung pagiging maabilidad mo, hindi lang 'yan ganansya para sa working, you know, habang estudyante ka. That will take you far talaga, no? So mukhang, alam kong alam mo ‘yan eh, kaya na-excite ka na, no? Nai-enjoy mo na 'yung proseso. Ayan. Naku, maraming salamat ulit, Dondy.
DONDY: God bless po. Babay po.