Elpidio Quirino bilang ama ng foreign service ng Pilipinas
Si Elpidio Quirino ay isang lingkod-bayan na maraming tinanganan na posisyon sa pamahalaan. Mula sa pagiging pampublikong guro sa edad na 16 hanggang maging pangulo ng bansa. Subalit, hindi gaanong napagtutuunan ng pansin ang kanyang papel sa bagong tatag na republika bilang Pangalawang Pangulo.
Lingid sa kaalaman ng marami, hinirang ni Pangulong Manuel Roxas na unang Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Ikatlong Republika ang kanyang Pangalawang Pangulo noong 1946.
Kung tutuusin, mayroon na tayong diplomasya panahon pa lamang ng sinaunang bayan sa pakikipagkalakalan ng ating mga kaharian sa iba’t ibang mga kapitbahay natin sa Asya lalo na si Tsina. Sa panahon ng Katipunan at sa Unang Republika ng Pilipinas, mayroon nang pakikipag-ugnayan sa dayuhan. Si Apolinario Mabini nga ay naging unang Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng ating Unang Republika kaya naman tinuturing siyang “Father of Philippine Foreign Affairs,” bagama’t naging limitado ang kanyang pakikipag-ugnayan mismo sa mga kinatawan ng ibang mga bansa.
Sa panahon ng Commonwealth ng Pilipinas sa ilalim ng mga Hapones, kahit may sarili tayong pangulo noon, mga Amerikano ang namahala sa ating ugnayang panlabas.
Kaya naman sa ikatlong republika ng Pilipinas matapos ang kasarinlan noong 1946, si Quirino ay naatasang maging Kalihim ng isang departamentong hindi pa naitatatag.
A private commemoration at the Libingan ng mga Bayani was held Wednesday morning of November 16, 2016 , to mark the 126th birth anniversary of late President Elpidio Quirino, attended by his kin and their close associates. Quirino made history as Vice President and Secretary of Foreign Affairs for his pioneering efforts in diplomacy from which we can draw lessons about foreign relations. --Xiao Chua
Kalihim na Walang Departamento
Sa kanyang lekturang “Elpidio Quirino's Role in the Development of Philippine Foreign Policy” sinabi ng diplomatic historian mula sa UP Departamento ng Kasaysayan na si Dr. Ricardo José, itinatag ni Quirino ang Department of Foreign Affairs “from scratch.”
Hindi naging problema ito kay Quirino, gamit ang karanasan sa pagsama-sama kay Quezon bilang kanyang kalihim sa mga Indepndence Missions sa Estados Unidos, exposed sa pakikipag-usap sa mga matataas na opisyal na mga dayuhan si Apo Pidiong.
Maliban sa mga Pilipinong nagsanay sa Estados Unidos ng diplomasya na tinawag na mga “State Department Boys,” kulang ang bilang ng mga maaaring magtrabaho sa Departamento ng Ugnayang Panlabas. Kailangan ng hindi pangkaraniwang kasanayan sa pakikipagnegosasyon sa mga taong magtatrabaho dito. Kaya naman, si Quirino mismo ang pumili ng pinakamagagaling at pinakamatatalino na pumasok sa departamento, tulad ng sinabi ni Dr. José, “But since the department was still being built, its first members were appointed directly, based on Secretary Quirino’s recommendation.”
Marami sa mga pinili niya ay ang mga peryodista, mga makata at mga intelektwal. Marahil dahil ang mga ito ay maalam ngunit maingat magsalita at maayos pumili ng mga gagamiting salita. Ito ang panahon na napakataas ng tingin ng mga tao sa mga nasa propesyon ng pagsusulat.
Hindi naglaon, kanyang ipapatupad ang mga eksamen para sa mga magiging diplomat.
Bumalangkas sa mga Haligi ng Diplomasyang Pilipino
Bilang kalihim, tinulungan ni Quirino si Roxas na balangkasin ang magiging “Four Pillars of Philippine Foreign Policy”:
- Close cooperation with the United Nations
- Close relations with the US
- Friendly relations with neighboring countries
- Devotion to world peace
Mapapansin, hindi ang United States ang prayoridad kundi ang United Nations—Pagsuporta sa dekolonisasyon ng ibang mga bansa, paggalang sa karapatang pantao at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa daigdig.
Nakapagbukas din tayo ng diplomatikong relasyon sa 27 bansa sa panahon ng administrasyong Roxas. Isang kahanga-hangang tagumpay sa isang maliit at bagong bansa pa lamang.
Kahit nang maging pangulo, makikita ang pagbibigay halaga ni Quirino sa United Nations at sa kapayapaan. Nang manganib ang buhay ng mga 6,000 White Russians sa ilalim ng Pambansang Komunistang Himagsikan sa Tsina, kinupkop ni Quirino ang mga ito ng tatlong taon sa Tubabao Island, Guiuan, Eastern Samar. Ang Pilipinas lamang ang sumagot sa kanilang paghingi ng tulong.
Nang salakayin ang South Korea ng North Korea, tumugon muli si Quirino sa kahilingan ng United Nations na magpadala ng mga batalyon na tutulong na pigilin ito. Maging ang kanyang manugang na si Luis “Chito” Gonzales at ang anak niyang si Tommy Quirino ay ipinadala niya sa Korea upang magsilbi doon kasama ng ating mga kawal. Nagningning ang galing ng Pilipino sa pakikipagdigma at sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Korea, ang pinakaunang pakikidigma ng mga Pilipino sa dayuhang bansa.
At sa kabila ng pag-ubos ng mga Hapones sa halos kanyang buong pamilya noong World War II, nagbigay siya ng Executive Clemency sa 437 na mga nananatiling Japanese War Criminals upang mapag-igting ang muling pakikipagkaibigan ng mga Hapones sa Pilipinas. Ito ay matapos na sulatan siya ng ilang mga Hapones upang humingi ng tawad sa ginawa ng kanilang mga kawal sa Pilipinas.
Pakikipaglaban sa Pambansang Interes sa Harap ng Pakikipagkaibigan sa Amerika
Noong kanilang pamunuan na magkasama, nagkasundo si Roxas at Quirino. Si Roxas ay magpapakita ng pagkakaibigan sa mga Amerikano ngunit si Quirino ang siyang magiging mahigpit.
Nang mag-usap ukol sa Military Bases Agreement, nais ng mga Amerikano na 70 base militar ang manatili sa bansa. Reyalidad noon na matapos mawasak ang digmaan kailangan pa ring sumalig sa Amerika, ngunit wala sa interes natin na napakarami ng base na ibigay. Kaya nang bumagsak ang kahilingan sa opisina ni Quirino, sinabi niya sa mga Amerikano na 23 base lamang—16 na permanente at pito “in case of emergency”—ang maibibigay.
Sa ganitong istilo ni Quirino napawika ang isang Amerikanong diplomat sa inis, “The trouble with Quirino is that he is taking Philippine Independence too seriously.”
Nang maging pangulo, nang makita niyang binigyan ng Amerika ang Hapon ng kaseguruhan na sila ay ipagtatanggol laban sa mga magtatangka sa kanilang bansa, napilit niya ang mga Amerikano na gawing iron clad ang kanilang pagtatanggol sa Pilipinas kung sakaling manganib ang bansa sa pamamagitan ng paghingi ng Mutual Defense Treaty, na hanggang ngayon ay batayan ng ating pakikipagkaibigan sa Estados Unidos.
Pagdating ng panahon, ang pinaboran ng Amerikanong Central Intelligence Agency sa halalan ng 1953 ay ang kanyang kalabang si Ramon Magsaysay.
Ang May Ideya ng Pagkakaisa ng Asya-Pasipiko
Isang indikasyon na tumitingin na sa ibang lugar liban sa Amerika si Quirino para sa pakikipagkaibigan at pakikipagtulungan ng bansa ay ang pagpapahalaga niya sa Asya—na bumabangon pa lamang mula sa digmaan at lumalaya pa lamang mula sa kolonyalismo.
Inanyayahan ni Quirino ang mga bansang ito upang magpulong sa unang pagkakataon sa The Mansion House sa Lungsod ng Baguio noong 26-30 Mayo 1950. Nilahukan ito ng mga bansang Pakistan, Thailand, India, Ceylon, Australia, Indonesia, at siyempre, ng Pilipinas at nagkasundo sila na makikipagpalitan ng kalakal at ng kultura. Tinawag ito na Southeast Asia Union Conference na mas kilala sa tawag na Baguio Conference.
Matapos ng pagpupulong na ito, inilutang ni Quirino ang ideya ng isang samahan ng mga bansa na tatawaging Pacific Union upang magtulungan ang mga bansa sa Asya-Pasipiko. Ito ang nais niyang maging pangunahing agenda ng kanyang foreign policy.
Iyon nga lang, hindi pinansin ng Amerika at India ang mungkahi dahil sa iba-iba ang isinusulong na ideolohiya ng mga bansang pagsasama-samahin. Panahon iyon ng pagsisimula ng Cold War at ilag ang US sa mga komunistang bansa lalo na sa pagkilala ng People’s Republic of China.
Ayon kay Dr. Ricardo José, masyado pang maaga sa panahon ang ideya ni Quirino.
Ngunit pagdating ng panahon, Amerika na mismo ang magtataguyod ng South East Asia Treaty Organization o SEATO sa pamamagitan ng Southeast Asia Collective Defense Treaty o ang Manila Pact noong 1954. May layunin itong magtanggulan ang bawat isa laban sa banta ng Komunismo.
Isinulong naman ni Pangulong Tunku Abdul Rahman ng Malaysia at ni Pangulong Carlos P. Garcia ang Association of Southeast Asia o ASA noong 1961 na ipinagpatuloy nang isulong ni Pangulong Diosdado Macapagal ang kapisanan ng mga bansang Malayo ng Malaysia-Philippines-Indonesia o MAPHILINDO. Ngunit dahil sa pag-aagawan ng Pilipinas at Malaysia sa Sabah, hindi gaanong umusbong ang mga hakbang na ito.
Ngunit ang pangarap ni Quirino ng ekonomiko at kultural na palitan ng mga bansa ay lubos na matutupad sa pagtatatag ng Association of South East Asian Nations o ASEAN noong 1967, at ng Asia Pacific Economic Cooperation o APEC noong 1989.
Ang ideya ng isang Pangulong Quirino, naintindihan rin pagdaka ng isang buong rehiyon.
Ama ng Modernong Foreign Service sa Pilipinas
Ayon sa Pangulo ng UN General Assembly na si Carlos P. Romulo, “He was responsible for creating the Department of Foreign Affairs and launching it on the international map.”
Ayon sa historyador na si Augusto de Viana, “[He] professionalized the Philippine diplomatic service making him the Father of Philippine Foreign Service.”
Ayon kay Dean Gloria Santos ng Philippine Historical Association, “Quirino is regarded as the Father of Foreign Service for as the first secretary of foreign affairs, he was responsible for the establishment, development, and growth of the foreign service.”
Tunay na si Apolinario Mabini ay dapat na tanghalin na “Father of Foreign Affairs” bilang unang kalihim ng Ugnayang Panlabas sa ating Unang Republika, subalit hindi kalabisan na ituring si Elpidio Quirino bilang Ama ng Foreign Service na tulad ng nalalaman natin sa kasalukuyan bilang isang pormal at propesyunal na yunit ng ating pamahalaan.
***
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle sa Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.