Filtered By: Opinion
Opinion
KOMENTARYO

Ang Prusisyon ng Nazareno, mula noon hanggang ngayon, ay hindi biro


 

Isang postcard noong panahon ng Amerikano na nagpapakita ng prusisyon ng Itim na Nazareno habang nalalapit na sa Simbahan ng Quiapo noong January 8, 1909.
Isang postcard noong panahon ng Amerikano na nagpapakita ng prusisyon ng Itim na Nazareno habang nalalapit na sa Simbahan ng Quiapo noong January 8, 1909.

Few people realize the great preparation that comes with the Traslacion of the Black Nazarene.  Fewer people are aware that the work of the Basilica of the Black Nazarene is beyond just the annual procession.

Ang pista ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa Quiapo (na tinatawag ng pamahalaang panglungsod ng Maynila bilang Manila International Pilgrimage of the Black Nazarene) na dinadayo ng milyong-milyong tao ay ginaganap tuwing January 9.  Ito ang petsa sapagkat ito ang pagtatapos ng siyam na araw na pananalangin o novena para sa Hesus Nazareno na nagsisimula tuwing December 31. Ito ang paliwanag kaya mayroon ding prusisyon ang Nazareno noong bagong taon. 

Para sa maraming tao, ang debosyon para sa Poong Nazareno ay yaong nangyayari tuwing prusisyon o traslacion.  Ang hindi natin nakikita lalo na sa ating mga taga media ay ang dalawang katotohanan: 

Una, ang prusisyon ay isa lamang sa mga gawain ng Basilika ng Nazareno; at pangalawa, na mahabang paghahanda ang ginagawa ng maraming ahensya ng gobyerno kaagapay ng Basilika sa bawat prusisyon. 

Isang paglilinaw ukol sa Kasaysayan

Sa pagsusulat ng kasaysayan, sa tuwing may bagong datos na lumilitaw, naiiba talaga ang kuwento.  Nakatutuwa na taon-taon na lamang, tila may naiiba sa mga detalye ng kasaysayan ng Itim na Nazareno na nalalathala. 

Sa pakikipagdiskusyon ko sa mga debotong may hilig sa kasaysayan tulad ni Kevin Bermejo at sa mga impormasyon mula sa mga paring Rekoleto na siyang nagdala ng orihinal na poon mula sa Mexico, malalaman na may iba-iba palang pananaw ukol sa kasaysayan nito. 

Sa mga sulatin ng dating rektor ng Basilika sa Quiapo na si Jose Abriol, sa kanyang termino ay “malamang” kasama sa pagdating ng mga Rekoleto sa Pilipinas ang Poong Nazareno.  Taong 1606 nangyari ito.  Kaya itong taong 2016 ay tinatawag ng ilan sa mga kasama natin sa media na ika-410 taong pista ng Quiapo o ika-410 traslacion o paglilipat ng Nazareno.  

Subalit, ang sigurado ng mga pari, ang dala lamang nila noong 1606 ay ang Virgen del Salud, at ang poon ng Nazareno ay dinala matapos pa ang unang pagdating.  Wala pa rin sa Quiapo ang Nazareno noon.  Ang orihinal ay nanatili sa isa sa mga kapilya sa Simbahan ng San Nicolas de Tolentino ng mga Rekoleto sa Intramuros.  Nagpagawa ng kopya ng orihinal na poon at ito ang inilipat sa Simbahan ng San Juan Bautista sa Quiapo noong 1787 pa lamang! 

Kaya hindi maaaring maging ika-410 taon ng pista ng Quiapo at hindi rin ika-410 traslacion, sapagkat matapos ang unang traslacion, 229 years ago, ang traslacion ay mangyayari lamang muli noong 2007 matapos ang ika-400 anibersaryo ng pagdating ng mga Rekoleto.

Ang mga paring Rekoleto sa ngayon ay tinatawag na “Nazareno ng mayaman” ang orihinal na naiwan sa Intramuros at nawasak ng digmaan, at “Nazareno ng mahirap” ang replika na inilipat sa Quiapo.  Anuman, kailangan na talaga ng isang mas masusing pag-aaral ukol sa kasaysayan na ito.

Isa lamang sa gawain ng Basilika

Ang gawain ng Basilika sa pangunguna ng rector nito na si Msgr. Hernando M. Coronel, at ng mga kasama niyang katulad ni Fr. Franklin Villanueva, Fr. Marvin Cruz at Fr. Ric Valencia ay hindi lamang ukol sa prusisyon. 

Sa Organizational Chart ng Parokya ng Quiapo, 17 ang ministries ng parokya at isa lamang dito ang prusisyon na pinangungunahan ni Bro. Nick Salimbagat, pangulo ng Parish Pastoral Council ng Basilica. 

Sa ilalim nito ang anim malalaking grupo ng mga deboto na siyang nangangalaga sa poon at sa andas tuwing prusisyon: Hijos del Nazareno Central o HDN Central, HDN-Nuestro Padre Jesus Nazareno o HDN-NPJN, HDN-Minor Basilica of the Black Nazarene o HDN-MBBN, HDN-Basilica, Anak ng Poong Nazareno o ANPON, at ang mga Bukluran Marshals.

Sa ilalim naman ng mga malalaking grupong ito ang mga balanghay sa iba’t ibang lugar sa bansa, isang halimbawa dito ang aking mga napuntahan, ang grupong Panatiko Hukbo 6 sa Pandacan. 

Ang mga grupo at balanghay na ito ay hindi basta-basta tumutungo sa prusisyon ng walang paghahanda.  Buong taon na lumilibot ang pilgrim image ng Itim na Nazareno sa iba’t ibang balanghay upang palakasin ang pananampalataya ng mga tao.  Ngunit nagiging pagkakataon din ang mga paglalakbay na ito upang ang mga deboto ay magkaroon ng formation kung saan tinuturuan sila ng tamang doktrina na naaayon sa Iglesia upang umayon ang kanilang panata dito at maging handa sila sa araw ng prusisyon. 

Ang pista bilang 'Total Social Phenomenon'

Nariyan din ang pakikipag-ugnayan ng Basilika sa mga pinuno ng lungsod ng Maynila lalo ang alkalde ng Maynila, ngayon ay ang Pangulong Mayor Joseph Ejercito Estrada, ang tradisyunal na hermano mayor ng pista. 

Ngunit dahil nga sa high density gathering ang Black Nazarene Traslacion—napakaraming tao ang maaaring mapahamak sa kung sakaling anuman ang mangyaring hindi maganda sa prusisyon, Setyembre pa lamang o apat na buwan bago ang prusisyon, may mga pulong na upang paghandaan ito sa pangunguna ng isang pambansang ahensya, ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, katuwang ang Metro Manila Development Authority o MMDA. 

Dito makikita na ang Black Nazarene Traslacion, mula sa pagiging isang lokal na usapin ay nagiging national concern. 

Nakadalo ako sa ilan sa mga pagpupulong na ito noong 2014 at dito ko nakita kung papaanong napapakilos ng prusisyon ang halos buong pamahalaan.  May mga kinatawan mula sa militar, pulis, bumbero, DOH, DPWH, DSWD, mga lokal na pamahalaan, mga NGO at iba pa.  Inuulat din ang anumang nasa ruta ng prusisyon na maaaring makasakit sa mga namamasan. 

Ang aking guro, ang antropologong si Propesor Carlos Tatel, Jr. ay binanggit sa akin na  maituturing ang debosyon sa Nazareno sa sinasabi ni Marcel Mauss na “Total Social Phenomenon”—kung saan ang lahat ng aspekto ng lipunan—legal, pamahalaan, ekonomiya, relihiyoso, kultural, at iba pa, ay napakikilos ng iisa lamang na pangyayari.

Muli, ang pista ng Quiapo ay hindi basta-basta isinasagawa kundi pinaghahandaan po ng napakaraming entidad sa isang mahabang panahon.

*Pasasalamat kay Minnie Seculles ng Basilika ng Nazareno sa kanyang tulong sa aking pananaliksik.

 




Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila.  Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado.  Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time:  Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.