Filtered By: Opinion
Opinion
KOMENTARYO

Ang debosyon sa Nazareno, sa lente ng kasaysayan at kultura


In the words of Professor Celia “Bing” Bonilla of University of the Philippines Manila, the Black Nazarene icon is actually “A Mexican in Quiapo,” but it fit into our own indigenous culture and was appropriated by Filipinos as their own. The devotees then created for themselves a new sub-culture and language, a “coda,” manifesting that this is not mere fanaticism but an organized devotion that keeps up the hopes of the people.

Ang “Hesus Nazareno” ay isang partikular na poon na nagpapakita sa Panginoong Hesukristo na hirap na hirap sa nagbubuhat ng krus. Isa ito sa mga poon na inilalabas tuwing prusisyon sa Mahal na Araw, isang bahagi lamang ng kuwento ng pasyon.

Ngunit sa Quiapo, ang poon ay naging isang natatanging debosyong pangmadla kung saan ang Nazareno ang bida.

Sa tuwing ika-9 ng Enero, prusisyon (ngayon ay tinatawag na Traslacion) ng Nuestro Padre Jesus Nazareno o mas kilala sa tawag na Itim na Nazareno, madalas nating naririnig ang iba’t ibang opinyon ukol sa debosyon at panata ng mga deboto tuwing prusisyon: na napakagulo nito, frenzy!

Mismong lathalain ng Archdiocese of Manila ang nagsasabi na “Ngunit minsan nagiging panatisismo at mapamahiin ang ating mga debosyon na nangangailangan ng pagwawasto.” Ayon mismo kay Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na hindi sa mga panyo at tuwalya mahihipo si Kristo. Dagdag niya, “It’s not good that people are getting hurt during the procession.”

Ngunit mas mauunawaan natin ito kung titingnan natin ang ating sariling kultura at kasaysayan.

Pag-aangkin sa isang dayuhang debosyon

Nang dumating ang mga mananakop na Espanyol, bakit ganoon na lamang ang pagyakap natin sa Katolisismo? Uto-uto ba ang ating mga ninuno?

Liban sa tinanggap na totoo ng mga Pilipino ang katotohanan ng Ebanghelyo ni Kristo, nakita rin nila na ang Katolisismo ay kakikitaan ng pagkakahalintulad sa dati nilang pananampalataya sa Bathala at mga anito.

Kaya naman nang dalhin ng mga Rekoleto ang imahe ng Nazareno noong maagang ika-17 siglo (1600s) mula sa Timog Amerika, ginawa natin dito ang ginagawa natin sa mga yumao at sa mga anito.

Ang pagpunas ng panyo sa Nazareno upang kumuha ng kapangyarihan, maging ang paghawak at pagdala sa maysakit ng orihinal na kamay nito ay maihahalintulad sa praktis tuwing Biyernes Santo, kapag ibinaba si Kristo sa krus at ihinihiga upang maging Santo Intierro, lilinisin at pupunasan ang poon. Sa Laguna, ito ay pinauusukan. Ang mga panyong ipinampupunas ay paghahati-hatian at ipamamahagi upang maging anting-anting na may potensya o bisa.

Ang ginagawa sa patay na poon ay tila ginagawa rin natin noon sa mga sinaunang namatay. Mayroong tala ng isang ritwal sa Cordillera kung saan ang isang taong namatay ay iniuupo sa isang sangadi o sangachil at pinauusukan. Lalabas ang kaniyang mga huling katas at iniipon ito sa isang plato sa ilalim ng sangadi upang ipahid sa panyo at katawan ng mga buhay. Anumang kapangyarihan o potensya ng namatay ay naisasalin sa ganitong paraan sa mga buhay.

Sa Visayas, ang bisa, potensya, anting-anting at kapangyarihan ay tinatawag na GAHUM. Hindi lamang medalyon o punongkahoy ang anting-anting, marami sa mga ito ay tela.

Ang tatlong bakal na pang-ulo ng poon na sumasagisag sa liwanag at sa tatlong persona ng Diyos, ay tinatawag na “tres potencias”—tatlong kapangyarihan.

Biswal ang Pilipino dahil hindi naman tayo palabasa bago dumating ang mga Espanyol, nagsasaysay sa pamamagitan ng sining at mga estatwa ng mga anito ng mga ninuno, kaya ang paggalang sa anito ay nailipat sa imahe ng itim na Nazareno.

Ukol sa kulay na Itim

Iba-iba ang teorya kung bakit itim ang kulay ng poon. May ilan na ikinokonekta ito sa alamat ng sunog nangyari diumano sa galyon at sa ilang beses na pagkasunog ng simbahan.

Ngunit malamang sa malamang, maitim na kahoy talaga ang ginamit dito ng Mehikanong iskultor. Ngunit dahil dito, naging kawangis ito ng mga indio sa Pilipinas kaiba sa mga laging imahe ng Panginoong Hesukristo na maputi ang kulay at mukhang Espanyol.

Isa ito sa dahilan kung bakit malalim pa rin ang pananampalataya ng maraming Pinoy sa partikular na imaheng ito, dahil isa siyang Kristong kamukha natin, nagpapasan ng krus at nasa hilahil katulad natin, isang Panginoon na nakakaunawa ng paghihirap ng tao.

Ngunit hindi lamang dahil sa mahilig tayo sa simbolo ng paghihirap at kalungkutan kaya malapit sa atin ang debosyon.

Kung titingnan ang implikasyon ng isinulat ng historyador na si Reynaldo Ileto sa kaniyang importanteng akda na "Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910" ang mga tao noong panahon ng Espanyol, imbes na ituro sa atin na magtiis at magtimpi kahit inaapi tulad ni Kristo at sa langit naman ang kabayaran ng lahat ng ito, ay kumukuha ang ilan sa ating mga ninuno ng lakas mula sa buhay ng Poong Nazareno na inaawit nila tuwing mahal na araw.

Kung si Kristo ay nabuhay, namatay at nabuhay na mag-uli, makikita na ganito rin ang tatluhang (tripartite) na pagkukuwento ng mga makabayan at ng Katipunan sa kasaysayan ng Pilipinas — ang bayan na dati ay malaya, sinakop at inapi ay magkakaroon muli ng kalayaan. Nakita nila ang kuwento ng bayan sa kuwento ng Nazareno — ang kuwento ng liwanag-dilim-liwanag.

Kumbaga, ang Nazareno para sa Pilipino ay isang Diyos na nakakaintindi ng pagiging tao at ng paghihirap ng tao, at isa ring Diyos na nagbibigay ng pag-asa ng muling pagbangon.

Isang bago at nagpapatuloy na kultura

Ngunit kailangan nating itanong, ano ba ang pananaw ng mga mismong deboto sa ginagawa nila? Kaya naman bilang isang mag-aaral ng Antropolohiya, nagtanong ako sa mga deboto na taga-Pandacan.

Ang pagkakaroon ng tinatawag ng iba na “balyahan” sa prusisyon ay isang tradisyong isinilang ilang dekada lamang ang nakalilipas.

Makikita sa ilang mga larawan na maayos naman ang prusisyon noong panahon ng mga Espanyol at mga Amerikano ngunit matapos ang digmaan, sa paghirap raw ng buhay, dumami ang mga namamanata hanggang umabot sa milyong katao ang pumapasan sa poon.

Ang kinalalagayan na karosa ng poon ay tinatawag na andas, mula sa Español na andar. Ang andas talaga ay isang binubuhat lamang na plataporma ngunit kahit na karosa na ang gamit nakasanayan nang tawagin itong andas.

Sa ating mga nag-oobserba mula sa labas ng andas, aakalain mong magulo at hibang ang prusisyon ng Nazareno, pansinin mabuti na kahit milyong katao na nagkakagulo, wala halos lubhang nasasaktan liban sa mga baguhan na nasasagasaan o nababalya. Pansinin maging kapag may nahimatay, maayos na umaalon ang mga ito papunta sa tabi ng kalsada at mga mediko.

Sapagkat may kaayusan pala ito! Mayroon silang sariling sub-culture o kultura na kailangang maintinidihan bago makasali, isang kultura na may sariling wika o “coda.”

Kaya naman ang mga balanghay na katulad ng Panatiko Hukbo 6 na bago ang prusisyon ay nagkakaroon muna ng training, lalo para ang mga baguhan upang hindi sila makasagabal dahil sa kawalan ng kaalaman sa paggalaw. Mas mahirap para sa isang taong walang grupo na susuporta sa iyo sa iyong pamamasan.

Nakayapak ang lahat ng deboto na sasali sa andas. Ito ay para sa praktikalidad upang hindi madisgrasya, ngunit may simbolikal din ito na kahulugan kung saan nagpapakita ito na walang mayaman, walang mahirap, lahat nakayapak, lahat pantay-pantay sa pananampalataya sa Panginoon.

Gayundin anang isang deboto, “Walang babae, walang lalaki, pare-pareho… lahat nakayapak.”

Mayroon ding mga tagapangalaga ng kaayusan ng prusisyon na tinatawag na “Spartan.”

Kapag nagsimula ang prusisyon ayon sa mga deboto, “Parang may nararamdaman kang iba.”

Sa pagsalang sa paghawak sa lubid, balyahan naman talaga ngunit may sistema ito para di makapanakit ng lubos. Nakaposisyon kang nakayuko, una ang balikat at braso, isasalya ka o itutulak ka papasok ng kagrupo mo sa baywang upang makapasok sa mga taong nasa lubid.

Kapag nakuha ninyo ang lubid at dumiretso ito, dapat ilagay ito sa inyong kaliwang balikat at ang mukha ay dapat nakaharap sa kanan pagilid o nakapatong sa balikat ng kasunod upang maiwasan ang aksidente. Kumbaga “mukha-mukha” kayo.

Sa pagpapasan sa balikat ng lubid, nakikisama sila sa paghihirap ng ating Panginoong Hesukristo na nagpasan din ng krus sa balikat. May posisyon din ang mga kamay upang hindi makapanakit, itataas ang kamay na tila ihinaharang ang braso at siko at nakadikit sa dibdib, na tinawag na ”baba-siko.”

Ayon kay Prop. Lars Raymund Ubaldo, historyador at deboto, kapag laging tagilid ang tali ng andas, pangitain daw ito ng mahirap na buhay.

Isang iniiwasan diumano sa tuwing prusisyon ay ang pag-“otso” ng lubid. Ito yung pagpalupot ng lubid na maaaring makapag-ipit sa mga tao. Kung mangyayari na ito, deboto mismo ang mag-iiwas at itataas lang nila ang lubid.

Sa andas, ang mga tao na nasa gilid ay tila mga taong inaapakan upang makasampa ang mga tao sa andas at malapitan at mapahiran ng panyo ang poon. Muli, apakan at pag-uunahan ang mapapansin dito ngunit hindi pala. Nagboluntaryo pala ang mga ito bilang porma ng sakripisyo at pakikipagbayanihan upang iangat ang iba.

Kaya sana bago natin tingnan ang mga kultura natin at apihin ito bilang kabobohan, tumingin muna tayo sa lente ng ating sariling kultura at pananaw. Sa pag-aaral ng pananaw ng mga deboto namumuo ang respeto at pagkakaintindihan.

 




Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kaniyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.