Filtered By: Opinion
Opinion

Bakit sinasabing kakaiba ang Pasko sa Pilipinas?


Alam natin na ang Kapaskuhan ay hindi naman talaga taal na Pilipino.  Pagdiriwang ito ang pagkakatawang-tao at kapanganakan ng itinuturing ng marami na tagapagligtas ng sanlibutan mula sa kasalanan, ang ating mahal na Panginoong Hesukristo sa isang sabsaban sa Betlehem. 

Dinala ito ng mga kolonyalistang Espanyol kasama ng relihiyong Katolisismo.  Ngunit, makikita na dahil tayo ang isa sa pinakamalaking bansang Kristiyano sa Asya, inangkin na rin natin itong parang sariling atin at gumawa ng iba’t ibang tradisyon at kultura upang ipakita ang ating pagdiriwang. 

Pasko ng mga Pilipino:  Mga Tradisyon

Dati, Simbang Gabi ang simula ng Pasko; ngayon, Setyembre pa lang Pasko na. 

Napakabiswal nating mga Pilipino sa ating paniniwala. Gusto natin kongkreto at naipakikita ang pagmamahal natin kay Kristo at sa kapwa batay na rin sa kanyang panuro. 

Nariyan ang exchange gifts kapag may Christmas parties, ang monito/monita, at ang pagbibigayan ng Aguinaldo o pera at regalo.  Ang “Misa de Aguinaldo” na tinatawag ding “Simbang Gabi” na idinadaos ng madaling araw mula Disyembre 16 hanggang ika-24 ng Disyembre, at ang “Misa de Gallo” naman sa tuwing Pasko.

At dahil nga biswal tayong mga Pilipino, ano pa nga ba, kundi nagkaroon tayo ng Panunuluyan, kung saan ginagaya natin ang paghahanap ng kwarto ni San Jose at Santa Maria para maisilang si Hesus. 

Inangkop na rin ito ng isang grupo ng maralitang taga-lungsod para sa kanilang pakikibaka para sa pabahay kasama ang Urban Poor Associates.

Maluha-luha pa rin ang aking mga mata kapag naaalala ko ang pangangaroling namin ng kaibigan kong si Mirdad at ng best friend kong si Mayo noong kami ay bata pa sa Tarlac.  Tapos dinadala ako ng mama at daddy ko sa Araneta Center Cubao upang mapanood ang C.O.D. Christmas on Display kung saan gumagalaw ang mga manekin sa saliw at musika ng Kapaskuhan.

At siyempre, sa malapit lang, dahil bongga ang mga Pilipino, nariyan ang Giant Christmas Tree sa Araneta Coliseum na binubuksan pa noon ni Kuya Germs. 

Ngayon, meron nang Giant Lantern Festival sa San Fernando, na may mga higanteng bersyon ng parol na isinasabit ng mga Pilipino sa kanilang bahay, simbolo ng talang patnubay ng mga mago para sambahin ang Panginoon. 

At siyempre, nariyan ang Belenismo sa amin sa Tarlac.  Ang belen ay sinimulan ni San Francisco de Asis sa Italya upang muling isagawa ang kapanganakan ni Hesus gamit ang mga totoong tao.  Kinalaunan, mga istatwa o cardboard ang ginagamit dito. 

Noong 2007, sinimulan ni Isabel Cojuangco-Suntay ng Tarlac Heritage Foundation ang Belenismo na isang patimpalak ng pabonggahan ng belen upang ang Tarlac ay maging Belen capital ng Pilipinas. 

Noong unang taon na iyon, ang nagwagi ay ang PNP Belen na ginawa ng 24 na pulis.  Noong 2014, ang AFP Belen naman sa Camp Aquino ang nanalo, na ginawa mula sa recycled materials ng 200 sundalo. 

Ngunit higit sa lahat, huwag nating kakalimutan na kakaiba ang paskong Pinoy natin dahil sa pagmamahalan ng pamilyang Pilipino. 

Pasko ng mga bayani:  Pasko sa Kasaysayan

Sa kanyang ikalawang nobela na El Filibusterismo, pinansin ni Dr. José Rizal na bagama’t sinasabing ang pasko ay para lamang sa mga bata, ang mga bata ay maaaring hindi naman natutuwa dito. 

Pinagbibihis ng mga bagong damit at sapatos upang pawisan at pagtyagaan ang ritwal ng misa, at kapag marumihan ang kanilang damit, ay mapapagalitan at makukurot lamang. 

Matapos nito ay papupuntahin daw ang mga bata sa iba’t ibang bahay, magmano sa mga nakatatanda at gagawin ang pinagagawa sa kanila—kumanta, sumayaw, at gumawa ng mga nakatutuwang bagay.  Kung hindi nila gawin ito mapapagalitan at makukurot lamang sila. 

Bibigyan sila ng pera ngunit kukunin lang naman ito ng kanilang mga magulang at hindi na ibabalik sa kanila. 

Ano ang nakukuha nila sa Pasko, mga pasa ng pangungurot, at masakit na tiyan sa sobrang pagkain ng mga keyk?  Para kay Rizal, “baptism of fire” ito para sa mga bata. 

Hanep talaga si Rizal, tila isang anthropologist na tahimik palang pinagmamasdan ang mga bata tuwing pasko, o hindi kaya sarili niyang karanasan ito noong bata pa siya? 

Anuman, sinasabing ang pinakamalungkot na pasko ni Rizal ay nangyari noong December 25, 1896.  Nakakulong si Rizal sa Fort Santiago, malayo sa piling ng mga mahal sa buhay, mga magulang at sa mahal niyang si Josephine dahil sa kanyang pagmamahal sa bayan. 

Pinaghahandaan ang kanyang depensa sa isang paglilitis kinabukasan na malamang sa malamang ay magpapataw sa kanya ng parusang kamatayan. 

Noong mga panahon na iyon ng 1896, nagpapasko sa larangan ng labanan ang mga kasapi ng Katipunan. 

Noong 1941, ang mga lolo at lola natin na beterano ay nagsisimula nang lumaban noon sa mga mananakop na Hapones, Disyembre kasi nang magsimula ang digmaan sa Pilipinas. 

Noong Marso 1945, matapos mapulbos ang Maynila at maging second most destroyed Allied city in the world, nakita ng kompositor na si Felipe de Leon ang pagkawasak at isinulat ang isa sa pinakamagandang awiting pamasko sa Pilipinas, ang “Payapang Daigidig”: “Payapang panahon / Ay diwa ng buhay / Biyaya ng Diyos / Sa sangkatauhan / Ang gabi'y payapa / Lahat ay tahimik / Pati mga tala / Sa bughaw na langit.” 

Ang mga maliligayang pasko at mapapayapang gabi natin at ng ating mga anak ay hindi lamang biyaya ng Diyos, kundi dulot din ng mga Paskong isinakripisyo ng ating mga bayani.