Filtered By: Opinion
Opinion
KOMENTARYO
Ang mga tanong tungkol sa pagkabayani ni Heneral Luna
By XIAO CHUA
Sa pagsisimula ng ating isang taong pagbilang tungo sa ika-150 kaarawan ni Heneral Antonio Luna na isinilang noong October 29, 1866, at dahil lalo sa pelikulang Heneral Luna na tinangkilik ng bayan, marami ring isyu ang lumabas ukol sa heneral. Pinakakontrobersiyal na siguro ang opinyon ng iba na hindi naman dapat ituring na ituring na bayani si Antonio Luna.
Sinisipi nila ang panayam na ibinigay ng batikang historyador na si Teodoro Agoncillo sa nakababatang Ambeth Ocampo noong 1984 na lumitaw sa aklat na Talking History.
Ayon kay Agoncillo, “As a matter of fact, Luna was a traitor to the Revolution of 1896! …Luna not only did not join the Revolution of 1896, he was [also] a traitor! Nagturo yan a! Nagturo! …As a matter of fact, I do not consider Luna a hero. How did he become a hero? He never won any battle, papaano mo sasabihing hero iyan?”
Kung tutuusin, may katotohanan ang akusasyon ni Agoncillo.
Nang tumungo si Dr. Pio Valenzuela kay Dr. José Rizal sa Dapitan noong 1896, ipinayo ng una sa huli na kailangang humingi sila ng tulong sa mga mayayaman, at kunin nilang maging heneral ang kanyang kaibigang si Antonio, kasama ng pagsasabing kung hindi nila makukumbinsi ang mga mayayaman ay kailangan nila i-neutralize ang mga ito dahil kung hindi sila papanig sa Katipunan ay kakalabanin lamang nila ito.
Ang linya sa pelikula na “Paano akong lalaban, kakagatin ko sila?” ay hindi talaga sinabi ni Antonio sa gabinete ni Aguinaldo tulad ng ipinapakita sa pelikula, kundi parang ganito ang isinagot ni Antonio sa mga Katipon nang lapitan siya ng mga ito.
Kaya idinawit siya ng Katipunan at siya ay nahuli ng mga Espanyol. Nang mahuli siya, nagtuturo nga siya ng mga Katipon at ang kanyang testimonya, ayon kay Ambeth Ocampo, ay naging isa sa mga pako na nagdiin sa sentensyang kamatayan ng mga Espanyol kay Rizal.
Maaaring intindihin na dala marahil ng inis na idinawit siya kaya nandawit din siya ngunit kahit na. Malaking pagkakamali ang ginawa na ito ni Antonio.
Ngunit sa ganang akin ang leksyon dito ay lahat tayo ay nagkakamali, nadadapa. Paano tayo babangon? Paano tayo makababawi?
Paglabas ni Antonio Luna sa kulungan, siya ay muling nag-aral sa siyensiya militar sa Europa at umuwi sa Pilipinas upang sumama sa himagsikan laban sa mga Amerikano, at sa rekomendasyon ni Felipe Agoncillo naging heneral ng hukbo, at hindi naglaon, punong heneral ng hukbong mapanghimagsik na maninindigan na kalabanin ang mga Amerikano hanggang sa huling hininga ng kanyang buhay.
Bumawi siya para sa bayan.
Ang bawat historyador ay pumipili ng perspektiba, kahit iisa ang tinitingnan pangyayari. Sa maraming pagkakataon hindi ito usapin nang kung sino ang mas tama o mas mali kundi ano ang kanilang piniling makita noong kanilang panahon.
Sa huli, hindi perpekto ang ating mga bayani, na nagsasabi sa atin na tayong ordinaryong mga tao, maaari ring sundan ang kanilang kadakilaan, kahit na tayo ay tao lamang. —JST, GMA News
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.
Tags: antonioluna
More Videos
Most Popular