Pelikulang Heneral Luna, may study guide
Umabot na sa 149 taon ang lumipas mula noong October 29, 1866, kung kailan isinilang si Antonio Narciso Luna de San Pedro y Novicio. Si Heneral Luna.
Dahil sa pelikulang Heneral Luna na walong linggo nang nasa sinehan at nakakalap na ng higit 250 na milyong piso kilala na siya ng buong bayan. Sapagkat dati ang kilala lamang natin na Luna ay ang pintor na si Juan. Napakagandang regalo ng bayan kay Antonio Luna na maihango siya mula sa limot ng pelikulang ito ni Jerrold Tarog sapagkat sa susunod na taon ay ipagdiriwang na ang ika-150 taon niyang kaarawan.
Ang husay naman naman kasi ng pagkagawa ng script na isinulat nina Eduardo A. Rocha at Henry Hunt Francia noon pang 1998 sa wikang Ingles para sana sa internasyunal na labas na batay sa aklat na isinulat ni Vivencio José na The Rise and Fall of Antonio Luna.
Nang sa wakas ay isinapelikula ito ni Jerrold Tarog matapos ang 15 taon, isinalin niya ito sa Wikang Filipino at lumikha na nga ito ng kasaysayan.
Marami nang isyu ang lumabas dahil sa pelikula, marami na ang nasabi. Ngunit sana matapos sanang panoorin ang pelikula, mahalagang tingnan kung ano ang mga tunay na pangyayari sa likod ng mga kuwento sa pelikula at kung ano ang kahalagahan ng mga ito.
Sa opisyal na bahay-dagitab o websayt ng pelikulang Heneral Luna, makukuha ang isang study guide na nilikha ni Prop. Alvin Campomanes, historyador na nagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas Manila para sa pelikula. Dito matutulungan ang mga guro, estudyante at mga may hilig sa kasaysayan na gumawa ng mga aktibidad o diskusyon batay sa pelikula.
Isang kapansin-pansin na bahagi ng study guide ay ang mga linya sa pelikula na ipinakita ni Alvin na nanggaling pala sa mga mismong isinulat ni Antonio Luna.
Ito ang mga tunay na #HugotHeneral, tulad ng tawag sa mga meme na lumabas ukol sa pelikula.
Sa pelikula sabi ni Luna, “Alam ng mga Amerikano kung bakit natin ipinaglalaban ang ating kasarinlan dahil buong tapang at buong bangis rin nilang ipinaglaban ang sa kanila. Iba ba tayo sa kanila? Wala ba tayong karapatang mabuhay nang malaya?” Nagmula pala ito sa isang panayam sa La Independencia kanyang sinabi noong May 20, 1899, “The Americans fought with abnegation to defend theirs; they themselves understand why we resist.”
Sinabi rin ni Luna sa piksyunal na karakter na si Joven (Espanyol para sa kabataan), “Isinusuka ko ang digmaan, Joven, pero ang kompromiso…” Sa panayam din na nabanggit sinabi ni Luna, “I abhor war; I hate it, but for the independence of the country it is necessary to accept it.” At sa kautusan niya mula sa Polo noong February 15, 1899 kanyang sinabi, “… No one deplores war than I do; I detest it but we have an inalienable right to defend our soil from falling into the hands of fresh rulers who desire to appropriate it, slaughtering our men, women and children. For this reason we are in duty bound as Filipinos to sacrifice which the fatherland requires of us!”
Ayon kay Luna sa pelikula, “Hinahangad ng Pilipinas ang kasarinlan at pananatilihin kong buhay ang adhikain ng aking bayan hanggang sa katapusan. Mas magandang mamatay sa pakikipaglaban kaysa tanggapin ang pamumuno ng dayuhan.” Makikita ito sa dalawang isinulat ni Luna. Sa nasabing panayam sa La Independencia kanyang sinabi, “The Filipino people want indepedence and I sustain the cause of my country until the end in compliance with the oath I made to the flag. Without exaggeration or exaltation, I sincerely confess to you that it is always better to fall on the battlefield than to accept any foreign rule.” Tatlong araw bago siya mamatay, isinulat niya kay Bb. Conchita Castillo, June 2, 1899, “Hurrah for Independence! Hurrah for the Philippines! Better to die than to live under another’s domination! ...always bearing in mind the promises made over the bible; I swear to defend till death the Independence of My Country…”
Sabi muli ni Luna kay Joven, “Sabihin mo sa ating mga kababayan, na hindi nakakamit ang kalayaan sa pag-aaruga sa kanilang mga mahal sa buhay… kailangan nilang magbayad… Dugo at pawis.” Sa sulat niya kay Bb. Castillo kanyang sinabi, “Tell our fellowmen that Independence cannot be obtained from rose beds with comfort and without the corresponding risk. Independence is attained after a period of fighting, of sufferings, sacrifices, afflictions and bloodletting.”
Matapos na mag-“¡Vamonos!” ala Dora The Explorer ni Heneral Luna sa pulong ng gabinete, sinabi ni Luna sa kanyang mga kasamang opisyal, “Isang malaking karangalan ang ipaglaban ang ating Inang Bayan, huwag tayong magdadalawang-isip. Adelante, compatriotas. Ang magtagumpay o mamatay.” Sa isang artikulo niya sa La Independencia na pinamagatang “Lo que decimos” noong December 10, 1898, “Oh people! Die defending your independence and the sanctity of your homes. Shed your blood and do not give less now that the Motherland demands from you the invaluable offering of your life. Forward! God and men applaud your conduct and consecrate your right: they shall be the impartial judges in this titanic struggle brought about by foreign arms and avarice… Forward! Conquer or die!”
Madamdamin ang linya ni Antonio mula sa pelikula na, “ang taong may damdamin ay hindi alipin.” Nagmula pala ito sa isinulat niyang artikulo sa La Solidaridad na pinamagatang “Christmas Eve,” “Happy are the hearts that in experiencing the sweet impressions of music are gladdened or saddened by them. Music is the sister of sentiment; those children of the street and ignorance feel. People who feel are not slaves.”
Sa pelikula sinabi ni Luna, “Kung panaginip lamang ang umasa sa pag-unlad, managinip tayo hanggang sa kamatayan.” Nanggaling naman ito sa isinulat ni Antonio Luna sa La Solidaridad ukol sa mga nobela ni Rizal, “Accursed is the false generation of the Capitan Tiagos and Victorinas, a rude flock that thrives on enslavement; if hopes of progress are dreams, let us dream until death comes to us!”
Ang bantayog para alalahanin ang mga bayani ay maaaring magmula sa iba’t ibang porma, puwedeng kaunting bato, kaunting semento. Pero ang pinakamagandang bantayog dapat ng ating mga bayani ay tayo, kung ating papakinggan ang mga salita ng mga bayani, at patuloy tayong mangangarap at kikilos sa pag-asa pag-unlad.
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.