Filtered By: Opinion
Opinion
WE WON THE WAR!

Ang pagtatagumpay ng Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig


Sa ibang bansa, ang petsa ng pagtatagumpay sa digmaan ang ipinagdiriwang. Ngunit sa Pilipinas, ang araw ng pagbagsak ng Bataan noong 1942 ang ginugunita natin bilang Araw ng Kagitingan, April 9.  
 
Oo nga at napakahalaga ng pangyayaring ito nang pagsuko ng mga pwersang Pilipino-Amerikano sa mga Hapones matapos ang pinakamatagal na pakikibaka laban sa mga Hapones sa Asya, mahigit tatlong buwan sa kabila nang pag-iwan ng suporta ng pamahalaan ng Estados Unidos sa mga defenders ng Bataan.  
 
Sinundan ito ng malagim na Death March kung saan mga 70,000 sundalong Pilipino at 11,000 na mga Amerikano ay pwersahang pinalakad ng 100 kilometro mula Bataan hanggang Capas, Tarlac. Sa buong mundo, ang “Remember Bataan” ay naging simbolo ng katapangan ng Pilipino at Amerikano.
 
Ngunit napapaisip ako, hindi kaya may kinalaman ang paggunita lamang natin sa “Fall of Bataan” sa kaisipang ang mga beterano at gerilyerong Pilipino ay talunan noong World War 2 o Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Na ang tunay na bida lamang na nagligtas sa atin sa mga pelikula at sa mga palabas ay si Heneral Douglas MacArthur at ang mga Amerikano. Kung hindi sila dumating, hindi tayo lalaya.  
 
Hindi masyadong ginugunita ang petsang ito, September 2. Seventy years ago, alas otso ng umaga sa araw na iyon noong 1945 nang magpasyang sumuko sa mga sundalong Amerikano ng 32nd Infantry Division ang pangkalahatang kumander na Hapones na si Heneral Tomoyuki Yamashita sa Kiangan, Ifugao. Nakilala si Yamashita noong 1942 dahil sa loob lamang ng 14 na araw ay nakuha niya ang maraming bansa sa Timog Silangang Asya, binansagang “The Tiger of Malaya.”  

Ngunit hindi mangyayari ito kung hindi dahil sa sigasig ng mga gerilyerong Pilipino.
 
Ang papel ng Pilipino sa tagumpay ng Digmaang Pasipiko
 
Oo nga at malaki talaga ang papel ng Hukbong Amerikano sa Liberasyon ng Pilipinas noong 1945. Ngunit, una, marami din silang nawasak, lalo na sa pagbomba nila sa Maynila upang talunin ang mga Hapones. Ang Maynila ang naging 2nd most destroyed Allied city in the World.
 
Pangalawa, malaki ang papel ng iba’t ibang grupo ng mga naiwang gerilya upang magbigay impormasyon sa mga Amerikano at tumulong din sila sa paghahanda sa mga operasyon sa pamamagitan ng mga intelligence reports, at sa pakikipagbakbakan, tulad ng makikita sa pelikulang “The Great Raid” sa pinakamalaking pagliligtas sa mga bihag na Amerikano sa Cabanatuan. Sa Cebu halimbawa, sa pagdating ng mga Amerikano, sinalubong na lamang sila ng mga gerilyerong Pilipino dahil napahina na nila ang mga puwersang Hapones doon.
 
Pangatlo, absent din sa mga aklat pero kinuwentuhan ako ng mga beterano na lumaban din sila sa Battle for Manila. Nanguna rin ang mga Hunter’s ROTC Guerillas sa pananagumpay sa “Raid of Los Baños” dahil nahuli ng dating ang mga Amerikano. Ganoon din nakatulong sa pagpapabagsak sa Maynila ang pag-agaw ng mga gerilyerong Pilipino ng Hunter’s sa Parañaque na naging dahilan ng pagpasok ng mga Amerikano sa Timog ng Lungsod ng Maynila.
 
Mula nang bumagsak ang Bataan, ang mga gerilya sa buong Pilipinas na ayaw tanggapin ang pagsuko ang patuloy na lumaban sa mga Hapones. Ayon sa historyador na si Ricardo Trota José, “The end of formal resistance, however, saw the birth of a strong, nationwide, guerilla resistance against the Japanese—a struggle for freedom which sustained the ideals of Filipinos throughout their colonial history.  …the heroic struggle brought out the best in the Filipino character in the face of adversity and served as a beacon to freedom loving peoples everywhere.”
 
Ilan lamang ito sa marami pang mga kuwento na nagpapakita ng bahagi ng mga Pilipino sa pananagumpay ng Allied Forces sa digmaan.
 
Ang Koga Papers
 
Madaling araw ng April 1, 1944: Isang eroplano ang bumagsak sa dagat malapit sa baybayin ng San Fernando at Carcar sa Timog Cebu. Ang sakay ng eroplano: Ilang susing opisyal ng hukbong pandagat ng imperyong Hapones na nasa isang inspection mission. Nahuli ng mga Pilipinong gerilya sa Cebu sa pamumuno ng isang Amerikanong si James Cushing sina Vice Admiral Shigeru Fukudome, Chief of Staff ng Japanese Imperial Combined Fleet, at siyam pang opisyal at mga tauhan ng Imperial Japanese Navy. Nasawi sa crash si Admiral Mineichi Koga, ang commander ng combined fleet.  
 
Mula sa wreckage ng eroplano, inanod ang isang maleta na puno ng mga papeles ni Koga. At natagpuan ng mga gerilya na ito ang mga papeles. Dito nakadetalye ang mga plano ng mga Hapones na magdulot ng matinding pinsala sa papalapit na mga pwersang pandagat ng mga Amerikano. Nakatala rin dito ang kumpletong pagtataya ng lakas at disposisyon ng mga barkong pandigma ng mga Hapones.  
 
Dahil sa high strategic value ng mga papeles, hinanap ng mga Hapones ang mga papeles ni Koga sa mga dalampasigan ng Naga hanggang Carcar. Brutal ang naging pamamaraan nina Koronel Takeshi Watanabe upang maisakatuparan ang kanilang misyon na mahanap ang mga Koga Papers at ang mga bihag na mga Hapones, minaltrato at pinatay ang mga sibilyan at sinunog ang mga bahay at tinugis ang mga gerilya hanggang sa kagubatan ng Cebu.  
 
Ngunit hindi isinuko ng mga gerilya ang mga papel. Isinilid ang mga dokumentong ito sa isang sisidlan ng bala ng mortar, waterproof, itinawid ng dagat patungo sa Negros Oriental. Mula dito, isinakay sa isang submarino at dinala sa Australia, kay Heneral Douglas MacArthur mismo sa kanyang himpilan sa Southwest Pacific Command.  
 
Mula sa mga Koga Papers, nalaman nilang ang mga Hapones ay naghahanda sa paglalanding ng mga Amerikano mula sa Mindanao, ngunit mahina ang depensa sa bandang Visayas. Plano sanang bumalik ni MacArthur sa Sarangani Bay sa Mindanao noong December 1944.  
 
Kaya naman, pinaaga ni MacArthur ang nakatakdang pagbabalik at magaganap na ito sa Leyte sa Visayas noong October 20, 1944.
 
Pakikipagtulungan ng mga gerilyerong Pilipino kay Chick Parsons
 
Sa kabila ng masyadong pagbibigay pansin sa mga Amerikano bilang tagapagpalaya ng Pilipinas kahit na ba kasama talaga nila ang mga gerilyang Pilipino, mayroon pa ring mga kamangha-manghang kwento ng mga Amerikano na hindi gaanong naikukuwento sa mga tao.  
 
Sa katunayan ang kwento ng Amerikanong ito ang lalong magpapatibay sa naratibo ng tulungang Pilipino-Amerikano para palayain ang bayan.  
 
Ito ang kwento ni Charles Thomas Parsons, Jr. na mas kilala sa tawag na Chick.  
 
Siya ay isinilang sa Tennessee noong 1902 at naging interesado sa Pilipinas dahil sa kanyang mga tiyong negosyante dito. Natuto Mangastila at nagkaroon ng iba’t ibang klase ng trabaho para makarating sa Maynila. Dahil din sa kanyang kaalaman sa shorthand, naging sekretaryo ni Governor General Leonard Wood at sa kanyang mga paglalakbay natutunan ang kultura at ilang mga wikang Pilipino at naging kaibigan ng marami.  
 
Nag-aral, matapos ay nagtrabaho sa Philippine Telephone and Telegraph Company at naging negosyante ng mga kahoy sa Zamboanga. Sa kabila ng marami pa niyang ibang mga negosyo, sumali siya sa US Naval Reserve bilang tinyente sa mga submarino.  
 
Noong 1941, paretiro na sana si Parsons sa edad na 39, maglalaro na lamang nang kanyang paboritong laro na polo nang bigla na lamang salakayin ng mga Hapones ang Pilipinas. Bilang naging aktibong tinyente si Parsons ng US Navy, siya ang nagbigay ng suplay sa mga submarino patungong Bataan at Corregidor sa pagsisimula ng digmaan.  
 
Pero nanatili siya sa Maynila at nagkaroon ng papeles bilang pansalamantalang consul ng Panama, at nagkaroon ng diplomatic immunity bilang diplomat ng isang neutral country. Kasama sa pagpapanggap ng kanilang pamilya ang pagsasalita ng wikang Espanyol. Dahil dito nakapagbigay sila ng importanteng mga impormasyon sa mga pwersang Amerikano, at dahil medyo naging kayumanggi na siya nagpapanggap na magsasaka para kausapin ang mga gerilya.  
 
Natortyur ngunit dahil diplomat, pinaalis ng bansa. Dala-dala ang kanyang intelligence notes sa isang diaper bag, nang halughugin ang gamit nila pasakay sa barko, binigay niya ito sa limang taong gulang niyang anak na si Peter. Sinwerteng hindi hinalughog ang bag na ito.  
 
Nang makabalik ang pamilya sa Estados Unidos, siya ay nagreport kay Heneral Douglas MacArthur at dahil sa matinding kaalaman sa Pilipinas, siya ang namuno sa pagdadala ng mga suplay, pagkain at nakipagkontak sa mga gerilyang Pilipino, sikretong naglakbay sa mga submarino ng walong beses at ilang beses pa sa himpapawid lalo na sa Mindanao. Ang operasyon niyang ito ay nakilala bilang “Spyron” (Spy Squadron).
 
Nakita rin siya ng ilan na nagpanggap na paring naglalakad sa Maynila, at nagkukumpisal pa si Manuel Roxas sa kanya ng mga impormasyon ukol sa mga posisyon ng mga Hapones.  
 
Siyam na araw bago lumapag si MacArthur sa Leyte narooon na siya upang ihanda ang mga gerilya.  
 
Sa pagtatapos ng digmaan tumulong siya bilang negosyante sa muling pagtatag ng bansa.  
 
Labanan sa Bessang Pass at ang pagsuko ni Yamashita
 
Ang Bessang Pass sa Cervantes, Ilocos Sur, ang siyang lagusan tungo sa Baguio at mga kabundukan ng Cordillera. Ito ang huling tanggulan ni Heneral Yamashita na ilang buwan nang umuurong sa Ilocandia.  
 
Ang limang buwang labanan sa Ilocos ay nagsimula noong January 8, 1945, nang lusubin ng mga gerilyerong Pilipino ng United States Army Forces in the Philippines, Northern Luzon o USAFIP-NL sa pangunguna ni Colonel Russel Volkmann ang mga linyang Hapones sa Bitalag, Tagudin, Ilocos Sur.  
 
Noong Pebrero 1945, pinapalayas na nila ang mga Hapones sa mga labanan sa paligid ng Cervantes, Tagudin, Ilocos Norte at Abra. Gayundin, sa isang labanan, napatay ng mga gerilya ang ilang pinunong Hapones sa Naguilian, La Union at napasakamay nila mula sa isa sa mga namatay, si Major Tauchi, ang mapa ng mga posisyon ng mga Hapones. Ayon sa isang nahuling sundalong Hapones na si Col. Sotomo Terau, ang pagkakuha ng mapa ang naging susi sa pagkabigo nilang mga Hapones.  
 
Matapos na mapalaya mula sa mga Hapones ang San Fernando, La Union noong March 29, nagsimula nang marahang akyatin at lusubin ng mga gerilya ang Bessang Pass.  
 
Mahirap ang laban dahil sa kagubatan at talampas nagtitiis ng hirap ang mga gerilya.  
 
Ayon sa isang gerilya, si Col. Ricardo Madayag, isa sa pinakamahirap na labanan ay ang Labanan sa Nalidawan Ridge noong April 25. Nakataas ang mga Hapones sa kabundukan na nagpaulan sa kanila ng bala. Hindi makita ang mga Hapones na nagtatago sa mga kakahuyan, tanging ang pag-ulan ng bala ang kanilang nakikita.   
 
Marami ang nasawi at ni hindi sila makapag-break, kumakain sila habang nakikipagpalitan ng putok maghapon at magdamag. Sinuportahan sila ng mga eroplanong Amerikano na nagpaulan ng mga napalm bombs sa mga posisyon ng kalaban.  
 
Noong June 14, 1945, matapos ang isang labanan, naitaas sa ibabaw ng Buccual Ridge ang isang simbolikong bandila, isang dirty green na bimpo. Tanda ng pagtatagumpay ng 20,000 gerilyang Pilipino at limang Amerikanong opiser ng USAFIP-NL sa kabila ng sakripisyo ng dalawang libo sa kanila na nasawi sa labanan.  
 
Ang labanan na ito ang huling pako ng kabiguan na magpapasuko kay Yamashita mula sa kanyang pagtatago sa Kiangan, Ifugao, September 2.  
 
Narinig ko mismo sa mga beterano at kay dating Chief of Staff Fortunato Abat, lumahok sa Battle of Bessang Pass, na pinagbawalan silang panoorin sina Yamashita habang naglalakad sa Kiangan.  
 
Bagama’t ang pormal na pagsuko ni Yamashita ay sa mga Amerikano lamang at inilayo sa mata ng mga gerilya, hindi maikakaila na ang mga Pinoy pa rin ang dahilan at napabagsak ang Tigre ng Malaya.  
 
Lahat ng hamon ay kaya natin!
 
Sa matagal na panahon, ayon sa historyador na si Samuel Tan, “the contribution of the Filipino to the war has not been justly recognized.”  
 
Ngayong araw na ito, sana maalala natin ang tagumpay ng Pilipino noong Digmaang Pasipiko. WE WON THE WAR!  
 
Kung babalikan natin ang kasaysayan, makikita natin na kaya pala nating harapin ang kahit na anong malaking hamon o kalaban basta tayo ay nagkakaisa sa iisang layunin.
 
 
 
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan. Siya rin ay aktibong nagpupugay sa mga beterano sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), Veterans Federation of the Philippines (VFA) at sa Spyron-AV Manila Productions.  
 
Ang mga paksang tinalakay dito ay tatalakayin rin sa symposium on the Images of Valor and Victory ng PVAO at ng Philippine Historical Association, “Hour of Redemption: The End of World War II in the Philipines,” na gaganapin bukas, September 3, 2015, 10:00 ng umaga sa Baguio Convention Center, Lungsod ng Baguio sa mismong anibersaryo ng pagpirma sa pagsuko ni Yamashita sa lungsod. Ang mga dokumentaryong isinulat ni Xiao Chua para sa PVAO at PHA, ang “Tagumpay” at ang “Mapalad ang Inyong Mga Apo: Sulat Para Kay Lolo at Lola Beterano” ay mapapanood sa YouTube.

“The Fighting Filipinos” poster made by Michael Rey Isip used to solicit support for the Filipino soldiers.
Tags: worldwar2