Ang mga unang araw ng himagsikan batay sa mga Katipon at historyador
August 24, 1896 itinatag ang unang pamahalaang pambansa sa pamamagitan ng pagkakabuo ng pamahalaang mapanghimagsik sa Bahay Toro, Balintawak. Si Andres Bonifacio ang naluklok na pangulo nito. Sa mga sumunod na araw ng maulang mga panahong iyon, nagkaroon ng mga unang sagupaan ng mga Pilipino at mga kolonyalistang Espanyol hanggang sa humantong sa Labanan sa Pinaglabanan sa San Juan.
Ang mga panahong ito ang ginugunita sa tuwing ipinagdiriwang natin ang National Heroes Day tuwing huling Lunes ng Agosto. Sinimulan itong ipagdiwang panahon pa ng mga Amerikano sa pamamagitan ng Act No. 3827 na inaprubahan ng Lehislaturang Pilipino noong October 28 1931 at nagtakda noon na gunitain ito sa huling Sunday ng August.
Ano ba ang nangyari sa unang lagablab na iyon ng Himagsikan noong 1896?
- January 1892 – Borador na Saligang Batas ng Katipunan
Ayon sa ating mga aklat pangkasaysayan, July 7, 1892 itinatag ni Andres Bonifacio at mga kasama ang Katipunan at ang laging sinasabing dahilan ng pagkabuo nito ay ang pagkakaaresto kay José Rizal at ang pagkakabuwag ng La Liga Filipina noong July 6. Ngunit bahagi ng mga bagong tuklas na dokumento na nakuha mula sa Archivo General Militar de Madrid at inilagay ng historyador na si Jim Richardson sa kanyang aklat na The Light of Liberty: Documents and Studies on the Katipunan, 1892-1897, ay isang borador ng Saligang Batas para sa isang kilusang tatawaging “Cataas-taasang Catipunan.” Isang kilusan na kikilos bilang isang pamahalaan sa panahong lalaya ang bayan at hihiwalay na sa Espanya. Ang dokumento ay nagpapakita ng tukoy na mga posisyon sa pamahalaan at ang istruktura nito.
Ang petsa ng dokumento: Enero 1892, pitong buwan bago ang kilalang pormal na pagtatatag ng Katipunan, na kalaunan ay makikilala bilang Kataas-taasang Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (K.K.K.A.N.B. o K.K.K.).
- June 5, 1896: Ulat ng Tiktik (Spy)
Nag-ulat sa pamahalaan si Tinyente Manuel Sityar, anak ng isang amang Espanyol at inang india, na mayroon nang lihim na samahan na tahimik na binubuo sa Pasig, Mandaluyong at San Juan na kumukuha ng mga miyembro, lumalagda gamit ang sariling dugo, at nagsisiwalat ng kabuktutan ng Espanya. Nanghihikayat daw silang mag-aklas ang mga tao sa Espanya. Pagdating ng panahon, ang epsiyang ito na si Sityar ay lalahok sa hukbo ni Heneral Emilio Aguinaldo. Matagal na raw niyang pinagsisilbihan ang bansa ng kanyang ama, panahon na raw na pagsilbihan niya ang bansa ng kanyang ina.
- August 19, 1896 - Ang Pagkabunyag ng Katipunan
Nagkaroon ng hidwaan ang dalawang Katipon na mga empleyado ng Diario de Manila na sina Apolonio de la Cruz at Teodoro Patiño. Dahil dito, isiniwalat bigla ni Patiño sa kanyang kapatid na nakatira sa ampunan sa Mandaluyong na si Honoria ang mga lihim ng Katipunan.
Nahintakutan si Honoria at biglang nag-iiyak sa narinig, papatayin raw ang lahat ng mga Espanyol. Isa sa mga madre, si Sor Teresa, ang nakakita sa kanya at nagtanong kung bakit. Nang marinig ang mga kwentong narinig niya mula kay Honoria, agad ipinatawag ng madre si Teodoro at hinikayat bilang isang mabuting Kristiyano na agad aminin ang lahat mismo kay Padre Mariano Gil, ang kura paroko ng Tondo.
At sa oras na 6:15 ng gabi, inamin na rin ni Patiño sa pari na sasalakayin ang San Mateo ng 1,500 na Katipon, na may 18,000 na mga kasapi at kontribyutor ang Katipunan sa loob at palibot ng Maynila. Na sa Diario de Manila nag-iimprenta ng resibo ang Katipunan.
Nagbigay ng mensahe si Padre Gil kay Tinyente Jose Cortes ng Guardia Civil Veterana, ngunit di siya tiwala dito kaya ang pari mismo ang pumunta sa Diario de Manila upang hanapin ang mga ebidensya na natagpuan naman sa isa sa mga locker, mga dokumento ng Katipunan.
Noong gabing iyon, nagsimula na ang mga hulihan, sinalakay ang mga bahay at ipinatupad ni Gobernador Heneral Ramon Blanco ang “Juez de Cuchillo,” o ang “total annihilation” ng mga indio sa isang lugar ng pag-aalsa.
Bagama’t katapusan ng Agosto ang balak ng Katipunan na paglantad sa madla sa pamamagitan ng isang malaking paglusob sa Maynila, kinailangang biglang magpasya na. Wala nang makakapigil pa sa Himagsikan. Kaya ipinatawag ng Pangulo ng Katipunan na si Bonifacio ang mga kasapi na magtipon na sa Balintawak.
- August 22, 1896: Kangkong
Ngunit paano kaya lulusutan ng daang-daang mga Katipon ang mga checkpoint ng mga Espanyol? Ayon sa mga kuwento ng mga kaanak ni Emilio Jacinto, dahil August 24 ay pista ni San Bartolome sa Malabon, nagsuot sila ng pantalon sa kulay ng santo na pula at nagdala ng mga itak, simbolo ng pagkamartir ni San Bartolome. Gagawin nilang dahilan na makikipiyesta lamang sila.
Gayundin, may kuwento ang historyador na si Ambeth Ocampo na mayroon ding mga Katipon na nagbihis pambabae upang hindi makita ng mga Espanyol. Isa na rito si Bonifacio mismo.
Matapos ang himagsikan, inipon naman ni Heneral Santiago Alvarez ng Magdiwang ang mga kuwento ng mga kapwa rebolusyunaryo at isinulat ito sa mga pahayagan sa pitak na pinamagatang Ang Katipunan at ang Paghihimagsik (Inipon at inilimbag bilang aklat na pinamagatang, [ ). Nagkaroon siya ng komprehensibong tala ng mga pangyayari sa unang lagablab ng himagsikan. Ayon sa kanya, “Walang tigil ang ambon, na humina at lumakas, nang tinatahak ng Katipunan ang malalawak at mapuputik na bukiran at parang, basaan ang mga damit, namimitig ang mga katawan sa malamig na simoy ng hangin, pagal at walang imikan sa paglalakad.”
Alas dos ng madaling araw noong August 22 nakarating sina Bonifacio at 300 kasama sa bahay ni Apolonio Samson sa Kangkong, dalay mga itak, suligi at balaraw at 12 rebolber na maliliit.
- August 23, 1896: Bahay ni Tandang Sora sa Bahay Toro
Noong August 23, lumipat sina Bonifacio sa bahay ni Melchora Aquino, a.k.a. “Tandang Sora” sa Bahay Toro.
Binuksan ng mayamang matandang kabesa ang kanyang kamalig ng napakaraming bigas at ipinapatay ang kanyang mga alagang hayup at pinakain ang limang daang katao. Kung tutuusin piyesta pala ang unang sigaw!
Ito rin ang sinasabing araw ng pulong kung kailan pinunit ang mga sedula, sagisag ng pagkaalipin ng mga indio sa mga Espanyol, sa Pugad Lawin ayon sa testimonya ni Dr. Pio Valenzuela ang piskal ng Katipunan at ang pangunahing istatehistang militar ng Katipunan ayon kay Richardson. Ang pangyayari ay tinawag na Unang Sigaw. May duda ang ilang historyador sa lugar na binaggit sapagkat walang pangalan ng lugar na ito sa mga lumang mapa ng lugar bagama’t ang sinasabing lugar ay nasasakupan ng Balintawak. Ayon sa ilang mga kaanak ng mga Katipon, maaaring landmark ito na isang malaking puno na may pugad ng lawin.
Maging ang iba’t ibang mga tala ng mga Katipon ay hindi magkatugma kung kailan ang saan yang Unang Sigaw na iyan. Ayon kay Heneral Guillermo Masangkay, sa Balintawak ito noong August 26. Sabi ni Apolonio Samson, sa Kangkong noong August 22. Sabi ni Valenzuela, sa Pugad Lawin noong August 23. Sabi ng iba sa Bahay Toro noong August 24?
Nakakahelu, nakakaletu! Ito ba ay kaso lang ng mahina nang memorya ng mga beterano nang tanungin? O wala na silang sense of time noon dahil nagkakagulo na at puyat sila?
Ayon sa mga historyador na sina Milagros Guerrero, Ramon Villegas at Emmanuel Encarnacion, ang lahat ng lugar na ito ay nasa Balintawak, na bahagi noon ng Kalookan, naman kaya mas mainam pang tawaging itong “Cry of Balintawak” o “Cry of Caloocan.” (Yun nga lang nasa Lungsod Quezon na ngayon ang mga lugar). Gayundin,kung pagsasama-samahin ang mga iba’t ibang salaysay, makikita na maaaring palipat-lipat sina Bonifacio sa mga araw na iyon sa iba’t ibang lugar upang iwasan ang mga Espanyol kaya iba-ibang pulong talaga at hindi iisang “cry” ang naalala nila. Ang mga lugar na ito ay sinubukang sundan noong Dekada 1990s ng mga propesor sa UP Departamento ng Kasaysayan na sina Dante Ambrosio at Enrico Azicate upang idokumento ang mga lugar ng unang lagablab ng himagsikan at napagtanto nila na posible nga na nangyari lahat ang iba’t ibang pagpupulong na ito sa mga araw na nabanggit.
- August 24, 1896: Pagtatatag ng Unang Pamahalaang Mapanghimagsik
Kinabukasan, sa kabila nang wala pa noong cellphone, text messaging, facebook at twitter isanlibong tao na ang nasa bakuran ni Tandang Sora matapos ipatawag ni Bonifacio!
Nagpatawag ng pulong ng Kataas-taasang Kapisanan sa kamalig si Bonifacio kasama sina Emilio Jacinto, Pio Valenzuela, at ang Kataastaasang Sangggunian.
Sa pulong na iyon, sa kabila ng agam-agam ng ilan na simulan ang himagsikan dahil sa kakulangan sa kahandaan, napagpasyahang simulan ang himagsikan sa hatinggabi ng August 29-30 sa Maynila.
Nagpasya rin sila na mula sa pagiging isang lihim na kilusan, dahil sa pagsisimula ng himagsikan, ang pamahalaan ng Katipunan ay magiging isang pamahalaang mapanghimagsik at nagpagkasundunan nila na si Andres Bonifacio ang maging pangulo nito. Ito ang batayan ng maraming historyador para ituring siyang unang pangulo ng Pilipinas. Ang patunay ng pagiging pamahalaan ng Katipunan mula sa petsang ito ay makikita sa borador ng pagkakatalaga ni Mariano Alvarez bilang pinunong hukbo ng lalawigan ng Cavite na isinulat noong August 26, 1896.
Ginawaran din sa pulong na iyon ang ilang mga tao ng mga ranggo kabilang na ang mga generales de brigada na mamumuno sa pagsalakay sa Maynila, at tinalakay rin ang kanilang magiging istratehiya. Ang plano: Palibutan ang sentro ng Kapangyarihang Espanyol sa Asya, ang mga pader ng Intramuros sa Maynila habang marami sa kanilang mga puwersa ay abala sa Mindanao!
Sasalakay ang Katipunan mula sa tatlong direksyon: mula sa Marikina sa silangan, Gitnang Luzon sa hilaga, at Cavite mula sa timog. Sa loob mismo ng Intramuros, 500 puwersang indio ang lalaban sa ilalim ng ilang opisyal na mestizong Espanyol.
Dito makikita na hindi bobo si Bonifacio sa istratehiyang militar, at dito rin makikita kung ikukumpara kay Aguinaldo na mas lokal at rehiyunal ang tanaw, mas pambansa ang tunguhin talag ni Bonifacio. Ang siste niya, sa pagtagpas ng ulo ng dragon, babagsak ang buong imperyo.
Ayon kina Guerrero, ang petsang ito ng pagtatag ng pamahalaan ang mas mahalagang gunitain bilang pagsilang ng bayan bilang isang bansa-estado.
Nang panghinaan ang ilang kasapi, ayon kay Aurelio Tolentino, binigkas raw ni Bonifacio sa kanyang unang sigaw ang mga nasabing kataga, “Kalayaan o kaalipinan? Kabuhayan o kamatayan? Mga kapatid: Halina’t ating kalabanin ang mga baril at kanyon upang kamtin ang sariling kalayaan!”
Nagsigawan din sila ng “Mabuhay ang Katagalugan!”
- August 25, 1896: Unang Bakbakan sa Banlat
At sa nagsasabing talo lahat ng laban ni Bonifacio, hindi. Noong August 25, nakasagupa ang Katipunan ang mga guardia civil na pinamumunuan ni Tinyente Ros sa Banlat, malapit sa Pasong Tamo, na ngayon ay Tandang Sora Road sa Lungsod Quezon.
Nagwagi ang Katipunan sa bakbakang ito labanang ito, gayundin ang iba pang mga Katipunero sa ilalim ng kapangyarihan ni Bonifacio sa Kalookan at Malabon.
- August 26: Krus na Ligas
Sa panahon na wala pang mga sasakyan ang Katipunan, kailangang maintindihan na ang himagsikan ay isang matinding lakaran.
Sa pook na madalas nilang pagpulungan, sa Gulod sa Krus na Ligas, katanghalian ng August 26, humimpil sina Bonifacio, Emilio Jacinto, Guillermo Masangkay, Pio Valenzuela at iba pang Katipunero, “habang ayaw pa ring huminto ang ulan, nangagsipahinga at pagkatapos ay nagpulong ang gutom na gutom at nanginginig sa kanilang basang damit.”
- August 27: Balara
Matapos nito ay tumungo sa Balara, August 27, at natanggap nila ang padalang pagkain para sa kanila mula sa Mandaluyong. Nilakad muli nina Bonifacio ang kagubatan, malapit sa kung nasaan ngayon ang kalyeng matagal nating tinawag na Katipunan Ave., at nakarating din sa Ugong, Pasig kung saan inutos ni Bonifacio ang konsolidasyon ng mga puwersa.
- August 28: Hagdang Bato, Mandaluyong
Kinaumagahan ng August 28 nakarating sina Bonifacio sa Hagdang Bato, Mandaluyong. Dito muli niyang hinimok ang lahat ng balanghay ng Katipunan na sumama sa sabay-sabay na pagsalakay na gagawin sa Maynila.
- August 29: Pagkabuking ng 500 sa ilalim ng mga Espanyol
Noong August 29, nabuking din ang 500 mga kawal na sasama sana sa himagsikan sa ilalim ng mga mestisong opisyal na Espanyol. Kagyat silang isinakay sa barko at ipinatapon sa Mindanao.
Kinagabihan, nagtungo ang pangkat nina Bonifacio at Jacinto sa El Polvorin, ang powder magazine ng mga Espanyol sa San Juan del Monte, armado ng mga itak, ilang baril, mga suligi o mga pinatulis na mga kawayan, suot-suot ang kanilang mga anting-anting.
Sinamahan sila ng grupo ni Sancho Valenzuela mula sa Sta. Mesa na may 100 Katipon, dalawa sa kanila ang mga babae: sina Luisa Lucas at Segunda Fuentes Santiago.
- August 30: Labanan sa Pinaglabanan at ang Proklamasyon ng Batas Militar
August 30, alas cuatro ng madaling araw, naganap ang sorpresang pag-atake nina Bonifacio at ang grupo ni Sancho Valenzuela sa Polvorin at matapos ang ilang oras, matagumpay na nakuha ang lagakan ng bala at pulbura at nakaagaw ang Katipunan ng mga kinakailangan bala at armas. Nasawi ang kanilang kumander at isa pang sundalo.
Umatras ang mga Espanyol sa El Deposito, ang tanggapan ng deposito ng tubig ng Maynila. Dumating bago magtanghali ang mga sundalong indio fresh from Mindanao, sa ilalim ng Espanyol na si Heneral Bernardo Echaluce.
Muling naggrupo ang mga Katipon sa Santa Mesa upang sagupain ang pwersang Espanyol na kinabibilangan ng mga kapwa indio, ngunit halos maubos ang tauhan ng Bonifacio sa labanang ito, 150 patay, 200 nahuli kabilang na si Sancho Valenzuela na matapos ang ilang araw ay agad na binitay.
Napilitan sina Bonifacio na umatras pa-ilog Pasig patungo sa mga real na hinanda nina Bonifacio upang pag-atrasan sa Caloocan at Balara. Natalo man, naiwasan ang buong pagkalipol ng kanyang pwersa dahil sa mga real o kampo sa kabundukan sa isang istratehiyang gerilya.
Ayon kay Guerrero, hindi naging madali ang unang lagablab ng himagsikan kay Bonifacio sapagkat ang kinaharap niya ay mga sundalong Espanyol na nakahimpil sa Maynila, habang nanalo sa mga unang buwan ng himagsikan ang Cavite sapagkat hindi pa marami ang mga kawal Espanyol sa Cavite noon.
Ang pagkasawi na ito ng hukbo Bonifacio ang sinasabing dahilan kung bakit nag-focus na lamang sa mga mananalong Kabitenyo ang mga Espanyol at hindi na hinabol sina Bonifacio.
Ngunit para sa akin, maaaring hindi kabisado ng mga Espanyol ang mga kabundukan na pinagkutaan nina Bonifacio kaya naman hindi na nila ito hinabol at ang pinuntirya ng mga reinforcement ng mga Espanyol mula sa Mindanao ay ang Cavite dahil kabisado nila ang pakikidigma ng mga ito na ginaya lang din ng mga Kabitenyo sa Europeong pakikidigma sa mga trintsera.
Matapos ang ilang buwan, mababawi ng mga Espanyol ang Cavite sa kabila ng mga unang mga lokal na pananagumpay nito.
- Hindi Pagkakaunawaan sa mga Katipon
Sa madaling-araw rin na iyon, nagkaroon ng pag-atake sa paligid ng Intramuros lalo na sa Sampaloc, Sta. Ana, Pandacan, Makati, Pasig at Laguna. Pero hindi umatake ang Cavite!
Sa kuwento ni Heneral Aguinaldo, namuti raw ang kanilang mga mata sa kakahintay ng napagkasunduang hudyat. Iba-iba ang mga bersyon na makikita sa mga tala ukol sa napagkasunduan daw na hudyat: pagpatay ng ilaw sa Bagumbayan, pagpapalipad ng lobo, at pagpapasabog ng kanyon o pagpapaputok ng kuwitis.
Kumalat ang balita, na isinulat rin ni Alvarez sa kanyang mga tala, na kaya hindi nailunsad ang hudyat ay dahil nakatulog daw si Bonifacio! O di kaya’y nakipagkwentuhan at hindi namalayan na alas-cuatro na!
Sa aking palagay paninira ito kay Bonifacio sapagkat paanong sasabihing tulog si Bonifacio kung naroon siya at gising na gising sa paghahanda para sa pag-atake sa Pinaglabanan sa San Juan?
Gayundin, bakit mayroon daw na hudyat kung napag-usapan na sa oras ng hatinggabi at madaling-araw gagawin ang mga pagsalakay?
Kung tunay man na may hudyat na pinagkasunduan, ang pagpatay ng ilaw sa Bagumbayan, pagpapalipad ng lobo, at pagpapasabog ng kanyon o pagpapaputok ng kuwitis, ay makikita kaya mula sa malayong pampang ng Cavite?
Ok, granting makita nga ang mga ito, doon pa lang ba susugod pa-Maynila ang mga pinuno ng Cavite? Edi pagdating nila doon tapos na ang labanan?
Hindi kaya nahirapan sila sa coordination dahil wala pang cell phone noon?
Tanong ng historyador na si Zeus A. Salazar sa kanyang pananaliksik ukol sa insidente: umuwi na lamang ba sila dahil ayon sa mga French Consular Reports ay umuulan sa Maynila noong gabing iyon? O hindi kaya ayaw lamang sumama o kumilala sa awtoridad ni Bonifacio ang mga pinuno ng Cavite sa kabila ng pagiging pangulo nito ng pambansang pamahalaang mapanghimagsik? Ang mga kasagutan ay ay tila mahihinuha sa madugong pagwawakas ni Bonifacio sa kanilang kamay noong 1897.
Anuman, nasindak ang mga Espanyol sa mga pangyayari.
Kinagabihan, ipinroklama ni Gobernador Heneral Ramon Blanco ang Batas Militar sa walong lalawigan sa Luzon—Manila, Bulacan, Cavite, Pampanga, Tarlac, Laguna, Batangas, at Nueva Ecija.
Madugo man tulad ng inaasahan ang simula ng himagsikan, matapos ang dalawang taon, palalayasin ng mga Anak ng Bayan sa iba’t ibang mga lugar sa bansa ang mga Espanyol sa Pilipinas.
Bilang pahimakas, nais ko kayong imbitahin sa isang gawaing marami tayong matututunan: Ang Philippine Historical Association ay magkakaroon po ng International Conference na may paksang “Historical Education in Asia: Issues and Challenges” mula August 27 hanggang 29, 2015 sa Unibersidad ng Sto. Tomas sa Maynila. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.pha1955.blogspot.com.
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.
The views expressed in this article are those of the author and do not necessarily reflect the position of this website.