Filtered By: Opinion
Opinion

Si Rizal sa Panahon ng SMS, Social Network, at MMORPG


Parang napasubo ako sa gawaing ito.
 
Kasi, idolo ko dati si Rizal. Nagsimula siyang maging idolo ko noong nasa high school ako sa Valenzuela Municipal High School Polo Annex, some 7 waistline-inches ago. Noong nasa third year ako. Noon ko kasi nabasa ang librong Buhay at Katha ni Rizal na gamit ng kapatid kong noo’y nasa kolehiyo sa PNU. 
 
Gusto kong maging kamukha ni Rizal. Gusto kong mabasa ang nabasa ni Rizal kaya hinanap ko at binasa ang mga unang librong nabasa ni Rizal, ang Uncle Tom’s Cabin ni Harriet Beecher Stowe at The Count of Monte Cristo ni Alexandre Dumas. Nagustuhan ko ang dalawang libro lalo na ang kay Dumas. Adventure story. Kuwento ng paghihiganti. Malupit na paghihiganti. Nalaman ko na lamang noong hindi na ako nag-aaral na totoo palang adventure story ang nobela na naka-serialize noon sa peryodiko sa Francia, at kinatha para sa kabataan. Samantala, kolehiyo na ako nang makita ko ang Imitacion del Cristo ni Thomas a' Kempis at The Wandering Jew ni Eugene Sue. Hindi ko pa ito nababasa, kasi dahan-dahan nang nawala noon ang pag-idolo ko kay Rizal. 
 
Idolo ko dati si Rizal. Kaya ginawa ko ang mga ginawa niya. Tumula. Magsulat. Magbasa. Manligaw. Umibig. Maglakbay. Hindi na nga lamang sinlayo ng nilakbay ni Rizal. Pero naglalakbay. Pakiramdam ko dati, ako si Rizal. Matimpi. Pero lumalaban. Nag-iisip. Hindi ako nahihiyang sabihin na literal na malaki ang ulo ko kahit pa pagtawanan. Idudugtong ko na lamang na “Malaki ang ulo ko, gaya ni Rizal.” Kaya gusto ko ang bawat detalye sa buhay niya. Kinabisado ko, kulang na lamang ay imbestigahan ko kung sino ang tumuli kay Rizal, kung may tooth decay ba siya at kung aling ngipin ang bulok.

Lumaban ako sa Rizal Quiz Bee ng Knights of Rizal sa Baguio. Sumali ako sa mga essay-writing contest na tungkol kay Rizal, sa mga hilig ni Rizal, sa mga bisyo ni Rizal. Basta, gusto ko dati, noong nag-aaral pa ako noong high school at noong nasa PNU ako, na ako dapat ang awtoridad kay Rizal. Dahil idolo ko siya. Dahil idolo ko siya. Dati.
 
Hindi kami nagkagalit ni nagkatampuhan ni Rizal. Sigurado akong hindi. Kung bakit lumayo ang loob ko sa kaniya ay dahil sa, nitong huli, nitong huling isang dekada mahigit, na-realize ko na hindi kaido-idolo si Rizal. Na ang i-imitate si Rizal dito sa Filipinas ay kakambal na ng imposible. Na parang hindi tao si Rizal. Na ang pagtuturo sa kaniyang buhay, mga isinulat at ginawa ay pagpapamukha lamang na hindi natin mararating ang kalingkingan ng kaniyang narating. Ang kalingkingan ng kalingkingan ng kaniyang nagawa, ng nangyari sa kaniya. Na ang pagtuturo sa buhay, gawa, at isinulat ni Rizal ay lalong pagtatanghal sa kaniya hindi bilang tao kundi bilang icon. Isang abstraktong buhay. Isang abstraktong pangyayari mahigit isang siglo na ang nakalipas. Isang inakdang karakter sa adventure story gaya ni Edmond Dantes o Count of Monte Cristo na sobrang galing, sobrang dakila. Isang buhay na de-kahon sa kagalingan at kadakilaan pero hindi kayang ikahon sa pag-aaral at pag-idolo. Isang buhay na patuloy na pinag-aaralan hanggang ngayon. Hindi maubos-ubos, hindi matapos-tapos.
 
Bueno, iisa-isahin ko muna ang ilang wala tayo o ako na mayroon si Rizal. Una, mayaman ang pambansang bayani. Kung tatama lamang tayo sa lotto kaya makapaglalakbay o mag-aaral sa ibang bansa. Ang problema, hindi ganoong kadaling tumama sa lotto, lalo na kung hindi naman kayo tumataya.

Siya nga pala, tumama rin Rizal sa “lotto” noong nasa Dapitan siya, napakasuwerteng mama, magaling na, suwerte pa (at marami pa diumanong syota).

Nagtiis daw si Rizal mag-aral sa UST. Natuwa daw siya sa pag-aaral sa Ateneo. Nag-aral siya noong hindi pa popular ang maging edukado sa isang bansang alipin noon (hanggang ngayon?) ng kamangmangan. Ngayon, itanong sa sarili, kaya ba ng magulang ninyong pag-aralin kayo sa UST, lalo pa sa Ateneo, lalo pa sa Madrid? 
 
Ikalawa, ahem, honor student si Rizal. Siyempre, maraming honor students ngayon, baka nga lahat ng tumagal basahin hanggang sa bahaging ito ng aking sanaysay ay may honor. Pero consistent si Rizal, magaling sa pag-aaral ng kahit anong ihain ng pagkakataon na pwedeng pag-aralan: maraming saray ng agham, panitikan, negosyo, pilosopiya, sining, wika.

Pinakamarami na ang tatlong wika ang matututuhan natin: Filipino, Ingles at iyong isa pa, Mandarin marahil o Espanyol o Kapampangan. Si Rizal ilan? Siyam? Sampu? Wala tayo nito, wala sa atin ang faculty ng ibang wika maliban sa Ingles na sinasalita at isinusulat natin nang mali-mali dahil sa text.
 
Ikatlo, dahil sa kayamanan at talino, maraming babasahin si Rizal noong panahong ang pagbasa ay isang luxury. Dahil sa mga nabasa niyang ito marahil, kaya siya naging intelektuwal sa panahong kinokondena ang mga nag-iisip. 
 
Hindi ko na iisa-isahin pa kung ano pa ang nagawa ni Rizal sa loob ng maikli niyang buhay; sasabihin ko na lamang na kahit triplehin siguro ang buhay ko, o kaya’y gawing siyam gaya ng sa pusa, mahihirapan akong tumabi sa kadakilaan ni Rizal. Nasisilaw ako kay Rizal.

Hindi nakatulong, sa halip ay lalong nakalala sa akin, ang pelikula niya na pinagbidahan ni Cesar Montano (dahil crush ko dati ang ex-wife niyang si Sunshine Cruz).

Noong lumalayo ako kay Rizal, naiinis ako kapag nakaririnig ng mga bagong detalye sa kaniyang kasaysayan. Nang makita ko ang kopya ng kaniyang guhit sa kuwentong pambatang Si Pagong at Si Matsing, nainis ako. Ang ganda ng drowing. Naiinis ako sa detalyeng may dalawanlibong libro siya. Dalawanlibong librong nabasa! Na nakatuklas siya ng mga species ng mga hayop at puno. Na imbentor siya. Na makata. Na nobelista. Na doktor na nakapag-oopera. Na nakapag-around-the-world siya noong panahong wala pang eroplano. Na ang dami niyang naging girlfriend sa kabila ng hindi niya pagiging magandang lalaki (hindi siya kamukha ni John Lloyd, kamukha daw ni Ogie Alcasid). Siya nga pala, si Ogie Alcasid ang gumanap sa musicale na “Sino ka nga ba, Rizal?” noong 1990s.
 
Ngayon sa tuwing maririnig ko ito, ang mga detalyeng ito, naiinis ako. At sige, magpapakatotoo ako: naiinis ako habang isinusulat ko itong sanaysay. Naiinis akong humarap sa mga bata na ang tinatalakay ay isang paksang nakakainis. Nakakakainis si Rizal. Ang galing-galing ni Rizal. Parang hindi tao. Parang alam niya na magiging pantas siya kaya sobrang dami ng isinulat, sobrang dami ng inisip. Nagawa niya ito nang sabay-sabay, kasabay ng paglalakbay sa mundo, kasabay ng pagkakapatapon sa Dapitan, kasabay ng pagkakakulong, kasabay ng panliligaw, pag-aaral, pag-opera sa mata, sabay-sabay. Parang hindi tao. God-like si Rizal. Super Saiyan si Rizal.
 
At habang iniisip ko na hindi tao si Rizal, lalo namang pumapasok sa isip ko na taong-tao ako. Puno ng problema. Pinoproblema ang maliliit na bagay: gatas ng anak, grade ng mga bata na hindi ko magawa-gawa, assignment ko sa klase, pamasahe, masakit ang ulo sa hang-over, sira ang computer, cable, bill sa telepono at kuryenteng babayaran, laruan ng anak, pamalit sa retiradong sapatos, lumang medyas, mantsa sa uniporme, nawawalang libro, maliit na suweldo.

Kaya ako naiinis. Nakatapak kasi ako sa lupa. Pinoproblema ang problema ng sarili. Hindi ko ma-problema nang husto ang problema ng bayan gaya ni Rizal. Hindi ako makasulat ng nobela gaya ni Rizal. Hindi ako makapaglakbay sa mundo gaya ni Rizal. Hindi ako makapagbigay ng inspirasyon sa bayan gaya ni Rizal.
 
Puwede kong ibintang sa katotohanang tapos na ang panahon ni Rizal. Parang hindi na uso ang bayani sa panahong ito. Masyado nang masikip ang mga plaza para sa mga bayani. Kompleto na sa pangalan ng mga bayani (at pulitiko) ang mga kalye. Nakakainis. Hindi ko ito pinoproblema dapat. Kung hindi lang dahil sa araw at oras na ito.
 
Dahil bahagi ng buhay na gawin ang mga bagay na hindi mo gusto. Na naiinis kang gawin. Halimbawa, nakakainis naman talagang pumasok sa paaralan lalo pa’t pag-aaralan ang mga bagay na naiinis kang pag-aralan: Ibong Adarna, Algebra, World History, Economics, Physics, nakaiinis minsan ang P.E., pang-uri, pandiwa, sine at cosine, Values Education, mahirap intindihin ang Noli at Fili lalo pa kung ang mismong guro ay hirap intindihin ang dalawang obrang ito. At napakarami pang iba. At ehem, totoong nakaiinis ang mukha ng masungit na guro na wala na yatang ibang alam kung hindi magpasulat at magbigay ng assignment. Magpaeksam. Magalit kung hindi ninyo magagawa ang mga pinagagawa. Mahabang listahan ng mga ginagawang nakaiinis gawin. Hindi ko na ito iisa-isahin. 
 
Hindi ko na dadagdagan ang sinabi ko na. Isa lamang ang sigurado ako. Simula lamang iyan ng mga gawain ninyo sa buhay, kung estuduyante kayo, na nakatitiyak akong nakakainis gawin. Kung sana, ang buhay lang ay pagte-text, pagcha-chat, pagfe-Facebook, pag-o-online gaming. Ang masakit, hindi ganito ang buhay. Kunsabagay, hindi naman laging ganito. Minsan, makagagawa kayo ng mga bagay at gawain na gusto ninyo. Gaya ng nabanggit ko kanina lamang, gaya ng sinasabi ng pamagat: “Si Rizal sa Panahon ng SMS, Social Network, at MMORPG.”
 
Uulitin ko, naiinis ako. Naiinis akong magsulat tungkol sa paksang nakaiinis. Lalo akong pumapangit. At alam kong nakaiinis ang upo ninyo ngayon diyan, saan man kayo nagbabasa ngayon, kung ang binabasa ay isang manunulat na naiinis sa kaniyang isinusulat, lalo na sa kaniyang paksa, lalo kung pumapangit dahil sa inis ang nagsusulat. Kaya magtitiis tayo pare-pareho. Pagtiisan ninyo ang pangit na manunulat habang nagtitiis ako sa inis sa gawain at paksa.
 
Hindi na mapipihit pabalik ang orasan. Lipas na ang panahon ni Rizal. Bago na ngayon. Parang hindi na uso ang bayani. Nakatatamad na ang magbasa (maliban kung may “love”, “forever”, o “gangster” sa pamagat ng libro). Madali nang makapasok sa paaralan kahit puro bagsak. Madaling magsaliksik basta marunong kang mag-type ng keyword sa Google. Madaling mag-copy-paste. Madali nang makipag-communicate, hindi gaya noong panahon ni Rizal na aabutin ng buwan ang palitan ng sulat. Ngayon, text-text na lang, unli-unli. Chat-chat. High tech na ang libangan ngayon. Bihira na ang tumbang-preso at piko. Ngayon, kapag asintado ka sa Counter Strike, kapag magaling kang sniper, panalo ka. Kapag mataas ang level mo, boss ka. At oo, kahit pangit ka, gaganda ka sa Photoshop na ilalagay mo bilang DP ng iyong Facebook account.
 
Mahihilo si Rizal sa nangyayari sa mundo kung babalik siya sakay ng time machine. Baka hindi siya tumagal ng kahit isang araw, bumalik uli sa panahon niya, at hindi na magpapabaril sa Luneta. “Not worth the risk...” sasabihin ni Rizal. 
 
Kahina-hinala kung nasa konteksto nga ang isinulat ni Rizal na gasgas na linyang, everybody now... “ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Hindi ko alam kung sinabi nga niya ito na iniisip ang kabataan ng magsasali’t saling henerasyon. At kung sinabi man niya ito, magiging recycled na lamang ang lahat dahil hindi mauubusan ng kabataan ang mundo. Vicious cycle. Lilipas ang kabataan at may papalit, mas marami, pero ito man ay lilipas din.
 
 

At lisensiyado nang sabihin ng ilang hindi na kabataan na “hayaan mo na sa tunay na kabataan ang problema ng bayan—sila ang tunay na pag-asa ng bayan, sila na lang. Basta ako, gagawin ko ang gawain ko para kumita, para maging masaya.” Ganito lang. Tuloy-tuloy. Paulit-ulit. Nakahihilo.

Kaya nga sana hindi niya sinabi ito talaga. Dahil para sa akin, walang kuwenta e. “Kabataan? Pag-asa ng bayan?” Mahabang usapin ito sa politika at kasaysayan, pero hanggang ngayon itong nagpapalit-palit na kabataan na ito ang sanhi kung anong sakit mayroon tayo ngayon. At hindi ko ipupuwera ang aking sarili dahil baka naging bahagi din ako ng problema, hindi ng solusyon. Kaya nakakainis ang paksa. Ang layo na ni Rizal sa nangyayari ngayon.
 
Nasa mundo tayo ng instant gratification. Kung hindi sumasagot ang ka-text, tawagan, lalo na kung maraming load. Instant.

Kung may problema sa klase, nariyan ang kampon ni Bill Gates na handang tumulong sa inyo. Kung naiinip, buksan ang TV, kalikutin ang telepono, pindot-pindutin, tingnan ang mga retrato, manood ng video. Kung sawa na sa kanta sa gadget, palitan. Kung masikip na ang memory card, bumili ng bago, kahit ilang gig pwede.

Kung nagugutom, may instant mami o pansit canton. May instant coffee. Just add hot water. May instant teacher sa internet, sa Youtube. Hindi ito nilalagyan ng hot water, bagamat alam kong minsan, gusto ninyong buhusan ng hot water ang teacher ninyo. Huwag ninyong subukan.
 
But here is the crux of the matter. Nagbago na ang pisikal na mundo. Pero hindi kailanman nagbago ang pangangailangan ng mundo sa, sa, sa, bayani. Lalo na sa bansang ito. Lalung-lalo na sa bansang ito na nabubuhay sa pinakamalaking irony sa balat ng lupa. Ano ang irony na ito? Simple lang, taas-noo nating ipinagmamalaki na ang bansang ito ang kaisa-isang Kristiyanong bansa sa Asya. Tayo lamang ang may pinakamaraming nananampalataya kay Kristo, pero itong Kristiyanong bansang ito ang nangunguna rin sa korupsiyon, sa pagnanakaw.

Kristiyano? Magnanakaw? Rizal huwag ka nang bumalik. Marahil, talagang nakikita ni Rizal ang mangyayari, kaya may malaking isyu sa kaniyang buhay kung bumalik nga ba siya sa pagiging Kristiyano bago mamatay o hindi.
 
Hindi ko naman sinasabing magpabaril tayo sa Luneta. Hindi na ito uso. At saka hindi naman siguro pinapangarap ni Rizal na lampasan kung hindi man pantayan ang kaniyang nagawa. Sa klase ko, hindi ko maiiwasang tanungin ang mga estudyante kung ano ang kanilang pangarap. Simple, de-kahon, sasabihin sa akin na makatapos ng pag-aaral, makatulong sa pamilya, yumaman.

Alam kong hindi nalalayo ang inyong sagot kung kayo naman ang tatanungin ko. Bakit wala o bibihira ang nagsasabi na makatapos ng pag-aaral para sa bayan?
 
Bilang guro, anumang sayaw, lunok ng espada, pag-tumbling-tumbling ang gawin ko sa harap ng klase, hindi mabubura ang katotohanang lugmok ang bansa natin, lugmok na halos katulad ng bansang minahal at pinag-alayan ni Rizal ng buhay mahigit isandaang taon na ang lumipas.

Kailangan makatapos ng mga estudyante ko para magkatrabaho nang maayos (sa kabila ng katotohanan ding hindi lahat ng may diploma ay may trabaho, maayos na trabaho). Para kumita, para mapag-aral ang nakababatang kapatid, maipasyal sa mall ang pamilya at ang bubuuing pamilya. Maibili ng damit, gamit sa bahay, sariling bahay na may dingding at bubong, supply ng tubig at kuryente. Simpleng pangarap. Pansarili. Saka na ang bayan.

Kaya nakakainis ang paksa at gawaing ito dahil ito naman talaga ang totoong nangyayari bali-balitagtarin man ang ispeling ng Rizal at Filipinas.
 
Mabalik uli ako sa klase ko dati sa Southern Luzon State University o SLSU. Hindi ko maiwasang tanungin sila kung paano matutulungan ang bayang ito? Ang Kristiyanong bansang ito?

Magsumbong ng adik at pusher sabi ng ilan. Isumbong ang kurakot sabi ng iba. Sundin ang batas sabi ng marami. Salamat kung mangyayari, pero ang sinasabi ko na lamang, sige, huwag na ito, huwag nyo nang gawin ang magsumbong ng adik at pusher, huwag ninyo nang ilagay sa panganib ang inyong sarili—ganito na lamang, huwag niyong sayangin ang buwis na ipinampapaaral sa inyo, mag-aral nang responsable, mag-aral nang mabuti. Para kung kayo na ang kakaltasan nang buwis (na alam kong gaya ng karamihan, masama ang loob na makaltasan ng malaking buwis ang maliit na suweldo), bubuti ang kanilang pakiramdam na ginagamit ito ng mga mag-aaral nang tama.
 
Obligasyon ng pamahalaan na makapag-aral lahat, pero dahil kulang ang resources natin, ang obligasyon, ang karapatang makapag-aral ay nagiging privilege na lamang. Maraming nagtangka pero iilan lamang ang nakapasok sa dati kong pinagtuturuang unibersidad, ang SLSU nga. Kaya sinasabi ko sa mga mag-aaral ko, “Puwede ba, huwag ninyong sayangin ang pagkakataon na nasa loob kayo ng paaralan. Dahil maraming hindi nakapasok sa SLSU na maaaring kulang sa talino pero kumpleto sa sigasig, sa pagnanais matuto.”

Nagtatagumpay ba ako? May sumasablay pa rin. May ibinabagsak pa rin ako hindi dahil mahina ang ulo, kundi dahil mahina ang puso: hindi responsable sa privilege niyang makatuntong sa unibersidad. Masakit ito. Masakit sa guro. Masyado ko kasing inidolo noon si Rizal. Sa pag-aaral nang mabuti, nagiging bayani para sa akin ang mag-aaral ko, dahil pinahalagahan niya ang pawis ng kaniyang magulang, ng taumbayang kinaltasan ng buwis. Binigyan niya ng halaga ang buwis na kinaltas sa mga masasama ang loob na manggagawa.
 
Ngayon, may isa akong tanong, bukod sa instant gratification, sa kasiyahan, bakit masarap maglaro ng online games? Bakit maraming nahuhumaling sa online games?
 
Anuman ang sagot, iisa lamang ang masasabi ko: no amount of powerpoint presentation can defeat the competition right now. Mapapagod kakakanta at kasasayaw at kata-tumbling ang mga guro, magkakakanser sa pagmo-modulate ng boses, mababali ang likod katatayo at kata-tumbling pero mahihirapan talunin ang kompetisyon. Anumang nasa labas ng bakod ng paaralan ay kompetisyon sa atensiyon ng mga bata.

Luma na ang guro: ang gurong gaya ko ay nag-e-exist na noon pang panahon ng lumang Gresya at Roma. Masyonda na. Thunders na kahit pa bagong graduate at kapapasa lang sa LET. At anumang inobasyon ay nalilimitahan na lamang sa kayang gawin ng aking munting katawan, at kayang buuin ng ating munting isipan sa harap ng klase. At ang klase, ilang oras? Siyam? Sampung oras sa loob ng paaralan kaharap ang sinaunang makinang kung tawagin ay, ay, ay gurong may ulo, kamay at paa. Lumang makina. Masyonda. Thunders. Pero hinding-hindi pang-museo o musoleo. At ang mga bata, lahat ng oras sa labas ng paaralan (minsan ay mismong sa loob pa nga) ay nakanganga sa telebisyon, sa Internet, malikot ang daliri, diwa at mata sa computer o gadget, bingi sa tugtog. 
 
Ganito hanggang sa umuwi sila sa bahay. Kinabukasan papasok, pagod, bingi, nakatanga. Rizal huwag ka nang bumalik.
 
Gayon naman palang mabigat ang kompetisyon ng mga guro, bakit pa lalaban? Bakit hindi na lang palitan ng makina (think again, unti-unti na itong ginagawa sa ibang bansa, imagine: “I am model X202i with an upgraded memory of 128 terrabytes and a built-in hologram capable of projecting 8 million lumens of protoreal and touchable images, I am the beta version of model X202—which have been recalled and phased out by Samsung last 6-19-22, I am your new instructor in Values Education, magandang umaga mga bata!)?

Kung bakit hindi ma-phase out ang guro ay dahil sa nag-iisa nating kalamangan sa makina: puso. Hindi programmable ang puso. Walang killer application ang puso. Hindi na kailangan ng software at driver para sa puso ng guro. Sabi nga, makakalimutan ng mag-aaral natin ang lesson matapos ang dalawampung taon, o matapos ang high school, o matapos ang school year, o matapos ang periodical exams, heck, matapos ang mismong araw na itinuro natin ang ruta ng paglalakbay ni Magellan patungo sa Arkipelago ni San Lazaro sakay ng Victoria! Makakalimutan ito ng mga bata sa dami ng umaagaw ng kanilang atensiyon, pero hindi nila makakalimutan ang sigasig na dulot ng puso sa pagharap sa kanila.

Hindi nangangahulugang mag-tumbling sa bawat oras ng turo. Tama lang sigurong maiparating ko ang marubdob kong pagnanais na sila ay matuto, tama lamang malaman nila that yes, we practice what we preach, if we preach reading and good writing, if we preach honesty and goodness, let us prove to them that we are the first learners and doers of our everyday lesson. 
 
And there lies the difference, what sets me apart from machines. Alam kong mahirap ito, mahirap maging marubdob, ang i-involve ang damdamin sa araw-araw na pagharap sa makukulit na estudyante lalo na kung pang-London lang ang suweldo (loan dito, loan doon), pero kung hindi ito gagawin, baka bahagi ako ng problema, hindi ng solusyon sa suliranin ng bayan nating kahapis-hapis.

Guro, bayani dahil karamihan ay overworked at underpaid. At dati na ninyong alam ito. Kaya, Rizal, tulungan mo kami.
 
Heto pa. Ayon sa isang kaibigang guro din at sa isang magazine na panggurong nabili ko sa Booksale sa SM Lucena sa halagang beinte pesos, ang paglalaro ng bata ng computer ay paglikha ng isang parallel universe.

Sa online games lalo na iyong Massively multiplayer online role-playing game (MMORPG), magagaling sila, sila ang hero, sila ang sagot sa suliranin ng kanilang cyber universe. Namumuno sila. Makapangyarihan sila. Asintado. Madiskarte. May personalidad sila sa likhang daigdig.

Anumang wala sila sa tunay na mundong may mahirap na exam, may unipormeng hindi nila ginusto, may maliit na baon, may pagkaing hindi masarap sa canteen, ay nagagawa nila sa mundong nirerentahan ng kinse pesos sa isang oras na paglalaro, sa paghubad ng kanilang tunay na pagkatao kapalit ang identidad na pang-computer kasama ang iba pang may sari-sariling identidad. Pinag-aaralan ko ang likhang daigdig na ito, isinasangkot sa pag-aaral nila, dahil baka sakaling magkaroon ng harmonious at makabuluhang ugnayan ang guro, mag-aaral, at cyber universe.
 
Bakit ako naiinis kay Rizal? Dahil hindi natin siya maaabot. Dahil hindi na hinihingi ng sitwasyon ngayon na magkaroon ng nag-iisang Rizal na babarilin sa kung saang plasa. Subject si Rizal, isang kalye, bayan at lalawigan, posporo, punerarya, tatak ng semento, iskuwelahan. Inidolo ko siya bilang tao. At nagkamali ako. Hindi ko dapat siya inidolo. Hindi ko siya dapat binasa nang marubdob na pinagbabayaran ko ngayon. Dahil kailangan kong balikan ang kaniyang isinulat at ginawa. Dito, dito sa mga isinulat na ito madudukal ko ang dapat sabihin sa mga bata sa panahong ito. At hinihikayat ko kayo na balikan si Rizal hindi bilang tao kundi bilang isa sa naunang nag-isip para sa bayan. Dahil isang kaisipan si Rizal.
 
Espesyal sa akin—sa kabila ng pagkainis—ang pagkakataong ito. Uulitin ko ang sinabi ni Padre Florentino sa huling kabanata ng El Fili, sa bahaging itatapon niya ang kayamanan ni Simoun sa dagat Pasipiko, sa nagngangalit na alon na humahampas sa batuhan, heto ang sinabi niya batay sa salin ni Prof. Virgilio S. Almario: 
 
“Nasaan ang kabataang dapat mag-alay ng kaniyang kasariwaan, ng kaniyang mga panaginip at sigasig ukol sa kabutihan ng kaniyang Inang Bayan?”
 
Ito marahil ang uugod-ugod na kaisipang nakasanayan nating bigkasin sa lahat ng pagkakataong masasabi at maisusulat natin: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Hindi pala declarative. Nagtatanong, naghahanap si Padre Florentino, isang paring Filipino na tiyuhin ni Isagani. Nasaan ang kabataan? May pagdududa sa himig. Hamon pala ang sinabi ni Rizal. Challenge. Hinahamon ang mga kabataan, hinahamon ako bilang guro na gabayan ang kabataan upang mag-alay ng kaniyang panaginip at sigasig para sa kabutihan ng bayan. Ito, para sa akin, ang pinakamahalagang leksiyon na matututuhan ng mga bata. Higit sa teorya, gagawin ko mismo ang itinuturo ko. Pero parang alam na ninyo ito. Kailangan lamang ay muli’t muling ipaalala.

 

 
 

Bukod sa titser ng Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Kulturang Popular sa UST, Writing Fellow rin si JOSELITO D. DELOS REYES sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies. Siya rin ang awtor ng mga aklat na PAUBAYA, iSTATUS NATION, at TITSER PANGKALAWAKAN. Kasapi siya ng Museo Valenzuela Foundation at Lucban Historical Society.  Siya ang 2013 Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino.
 
Ang unang bersyon ng sanaysay na ito ay binasa ng may-akda bilang panayam sa Mauban, Quezon noong nagtuturo pa siya ng Agham Panlipunan at Panitikan sa Southern Luzon State University.
Tags: joserizal