Filtered By: Opinion
Opinion

KASAYSAYAN: Hindi si Rizal ang sumulat ng 'Sa aking mga Kabata'


“Ang hindi magmahal sa kanyang salitâ / Mahigit sa hayop at malansáng isdâ.” 
 
Taun-taon, ginagamit na slogan sa Buwang ng Wika ang mga linya na ito mula sa tulang “Sa Aking Mga Kabata” na isinulat ng ating National Hero na si Jose Rizal noong 8 years old pa lamang siya.  Ginawa pang awit ni Florante (iyong singer ha, hindi yung partner ni Laura) sa awiting “Ako’y Isang Pinoy.”
 
Pero sabi nga sa Inday Jokes, iyong kasambahay na Inglisera, “Unfortunately, I was really disappointed because majority of your novels were written in Spanish. Therefore, you are the ULTIMATE VIOLATOR of your own aphorism.  So, SHAT-AP!” Oo nga naman. 
 
Ngunit kailangang liwanagin na bagama’t nawala ang tatas niya sa Tagalog, patuloy siyang nagsikap na sumulat at magsalin sa sariling wika ayon kay Dr. Nilo S. Ocampo sa kanyang aklat na May Gawa na Kaming Natapus Dini:  Si Rizal at ang Wikang Tagalog noong 2002.
 
Pero liban sa punto ng pagmamahal sa wika, ang sipi ukol sa malansang isda ay ginagamit ng ating mga guro at mga magulang upang maudyok ang mga bata ngayon na gayahin si Rizal, kasi bata pa lamang siya, “genius” na raw siya.  Ang limang saknong na tulang “Sa Aking Mga Kabata” ang kanilang ebidensya. 
 
Kasi naman noong 8 years old daw tayo, naglalaro lang tayo.  Pero si Rizal, nagtutula na, and mind you, may rhyme and meter
 

  • Isang Kontrobersyal na Tula
 
Ang unang dalawang saknong ng tula ay ito: 
 
Kapagka ang baya'y sadyáng umiibig
Sa kanyáng salitáng kaloob ng langit,
Sanglang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.
 
Pagka't ang salita'y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo't mga kaharián
At ang isáng tao'y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaán. 
 
Pansinin, dalawang beses na ginamit ni Rizal ang salitang “kalayaan” sa tula, at 8 years old  lang daw siya noon. 
 
Ngunit sa isang sulat ni Rizal sa kanyang Kuya Paciano mula sa Leipzig habang isinisalin sa Tagalog ang German play na William Tell ni Schiller, noong October 12, 1886, 25 years old na siya noon, “I lacked many words, for example, for the word Freiheit or liberty. The Tagalog word kaligtasan cannot be used, because this means that formerly he was in some prison, slavery, etc. I found in the translation of Amor Patrio the noun malayá, kalayahan that Marcelo del Pilar uses. In the only Tagalog book I have — Florante — I don't find an equivalent noun.” 
 
Noong 25 siya, hindi niya alam ang salitang kalayaan tapos ginamit niya noong 8 years old siya?  Ang kawalang batayan nito ay nauna nang binaggit ni Dr. Nancy Kimuell Gabriel sa kanyang tesis masterado na “Timawa: Kahulugan, Kasaysayan at Kabuluhan sa Lipunang Pilipino,” sa UP Diliman, 2001 batay sa kanilang pag-uusap ni Dr. Nilo S. Ocampo, at sinegundahan naman ni Dr. Ambeth Ocampo at Virgilio S. Almario sa kanilang mga aklat. 
 
Lumitaw lamang ang tula sa akda ni Herminigildo Cruz noong 1906.  Ayon sa mga historian, hindi sinulat ni Rizal ang “Sa Aking mga Kabata.”  Isa itong malaking fake. 
 
Mukhang hindi lamang Torre de Manila ang kailangang gibain para maparangalan natin ang ating National Hero.  Kailangan din nating gibain ang mga mitong isinilang siyang superman upang lalo nating maintindihan ang kanyang pagkatao.
 
  • Moy ang itawag mo sa akin
 
154 years ago, June 19, 1861, sa pagitan ng alas onse at alas dose ng gabi, isinilang sa Calamba, Laguna si Jose Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda. Pampito siya sa labing-isang magkakapatid mula kina Francisco Rizal Mercado at Teodora Alonso Realonda. 
 
Ang pamilya Rizal Mercado ay isang maykayang pamilyang negosyante at magsasaka.  Ang ama niyang si Francisco Mercado ay ikatlong henerasyon mula sa Tsinong negosyanteng si Domingo Lam-co.  Ngunit kahit ganoon, nangungupahan lamang sila sa Hacienda ng mga prayleng Dominikano. Makikita ang katayuan nila sa buhay sa itsura pa lamang ng kanilang bahay na bato at sa lokasyon na ito na katabi mismo ng plaza at ng simbahan. 
 
Sa pagsilang kay Rizal, nahirapan ang ina sapagkat bagama’t maliit ang bata, napakalaki raw ng kanyang ulo. Tatlong araw matapos maisilang, sinabi ni Padre Rufino Collantes habang binibinyagan niya si Pepe, “Lolay, tandaan mo ito. Alagaan mong mabuti ang batang ito, at siya’y magiging malaking tao.”  Wow!  Prophetic.  At iyon naman ang ginawa ng ina. 
 
Kilala natin siya bilang si Pepe, ngunit noong bata siya, “Moy” ang tawag sa kanya ng pamilya.
 
  • Ang ina niya ang kanyang pinakaunang guro
 
Si Teodora Alonso ang naging pinakaunang guro ni Pepe. Kilala bilang Doña Lolay, ang ina ni Rizal ay pambihira sa mga babaeng india noon. Siya ay nakapag-aral sa Colegio de Sta. Rosa sa Intramuros at pinag-aral din niya maging ang mga anak niyang babae sa Maynila.  Kaya naman naituro niya kay Moy ang pagmamahal sa karunungan, binabasahan siya sa tuwing gabi ng isa sa koleksyon nila ng mga isanlibong aklat. Naituro na niya sa anak ang alfabeto sa edad na tatlong taong gulang. Ito ang dahilan kung bakit limang taon pa lang, nakakapagbasa na si Moy.
 
Ang ama naman niyang si Francisco Mercado na tinatawag na Don Kikoy ay pinatayuan siya ng mga maliliit na bahay kubo sa kanilang bakuran upang mapaglaruan niya at maging workshop niya sa kanyang paglilok at pagpinta. 
 
  • Walang National Hero na si Rizal kung wala si Kuya
 
Wala ring Rizal na bayani kung wala ang paggabay sa kanya ng kanyang Kuya Paciano, isang makabayang kaibigan ng binitay na si Padre Burgos. Dahil bunsong lalaki si Pepe, medyo naging spoiled ito marahil dahil nasa kanya lahat ng pansin ng pamilya lalo na ng panganay na lalaki na si Paciano.  Siya ang nagturo kay Pepe na mahalin ang bayan, siya rin ang nag-udyok kay Rizal na tumungo sa Espanya at siya ang nangolekta ng pera bilang pantustos ng bayani at maging sa pagpapalimbag ng kanyang nobelang Noli Me Tangere.
 
Tahimik lamang si Paciano, ngunit ipinakita niya ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagsama sa himagsikan ni Andres Bonifacio bilang heneral at sa paglaon, naging ingat-yaman ng himagsikan. 
 
Maging ang mga kapatid niyang babae tulad nina Trinidad at Josefa ay kasapi ng Katipunan, ang huli ay naging unang pangulo ng Sangay Pangkababaihan ng lihim na samahan. Dito makikita na mulat sa diwang makabayan ang pamilya Rizal at pihadong nakuha ni Pepe ito sa kanilang tahanan.
 
  • Impluwensya ni yaya
 
Ngunit sa aking palagay, may isang hindi gaanong nababanggit na dahilan kung bakit kahit na nagmula siya sa isang mayamang angkan, hindi nawala ang kanyang koneksyon sa bayan. 
 
Prominente ang role sa buhay ni Pepe ng kanyang yaya, ang Batangueña na si Aquilina Alquitran.  Ikinuwento niya ito sa mga unang pahina ng mga alaala ng kanyang kabataan, Memorias de un Estudiante de Manila.  Noong bata raw siya, habang siya ay nasa azotea at naghahapunan sila sa ilalim ng buwan, habang nakikita ang Bundok Makiling, kukuwentuhan siya nito tungkol sa aswang, o  tungkol sa nuno. 
 
Iba rin itong trip ni yaya. Ilalabas si Pepe sa gabi malapit sa ilog sa ilalim ng mga punungkahoy at doon itutuloy ang pagkukuwento.  Ang pagkahumaling ni Rizal sa mga kuwentong bayan na ito ay makikita sa mga kuwento na nasa loob ng kanyang mga nobela.
 
  • Malaking ulo, maliit na kumpiyansa sa sarili
 
Noong bata pa si Pepe, nakakantyawan daw siya dahil daw malaki ang kanyang ulo.  Siya rin daw ay maliit.

Ayon kay Ante Radaic, nagkaroon ng inferiority complex si Rizal tulad ng marami sa atin. Ngunit ayon sa Croat na iskolar, nilampasan niya ito at nagkaroon ng “career of resurrection.” Tinugunan niya ang kanyang kakulangan sa hitsura sa pamamagitan ng pag-aaral nang mabuti at pagiging malusog at aktibo. 
 
Dito makikita na upang maging isang huwaran para sa ating lahat, hindi kailangang gawing Superman si Pepe. Makikita sa kanyang buhay na ang kadakilaan ng isang tao ay maaaring mahubog sa ating tahanan.  Na sa pagkabata maaari nang magsimula ang kabayanihan. 
 
Nagbigay si Pepe ng pagmamahal sa bayan dahil tumanggap siya ng sapat din na pagmamahal sa kanyang tahanan.
 

 
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila.  Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado.  Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time:  Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.
 
Tags: joserizal