Filtered By: Opinion
Opinion

KASAYSAYAN: Ang masalimuot na kuwento ng ating pambansang awit


Kung papansinin, ang mga umaawit ng “Star-Spangled Banner,” ang pambansang awit ng Estados Unidos, sa iba’t ibang mga programa nila, ay nagagawa ito sa iba’t ibang paraan at istilo ng pag-awit.

Upang maitanghal ang kanilang mga talento at ang marubdob na pagmamahal sa bayan, ilang mga mang-aawit ang ginawa ito sa ating pambansang awit na pinamagatang “Lupang Hinirang” lalo na sa mga laban ng Pambansang Kamao, Manny Pacquiao. Iyon nga lang, kahit gaano kaganda ang kanilang naging “interpretasyon” sa himig ay lagi silang napupulaan ng tao at nasasabon ng pamahalaan.

Lingid sa kaalaman ng marami, may batas na nagtatakda ng tamang pag-awit ng “Lupang Hinirang.” Ito ay ang Republic Act 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines na nilagdaan ni Pangulong Fidel V. Ramos noong 1998.  Ayon sa Seksyon 37 nito, “The rendition of the National Anthem, whether played or sung, shall be in accordance with the musical arrangement and composition of Julian Felipe.”

Ang orihinal ni Julian Felipe ay isang martsa

Nakahanap ang historyador na si Ambeth R. Ocampo ng isang maagang kopya ng komposisyon ni Julian Felipe sa aklatang Newberry sa Chicago, Illinois, Estados Unidos. Isa itong orihinal na kopyang lithograph ng pambansang awit na inilathala sa Hongkong noong 1899. Sa ngayon, ito ang pinakamalapit na piyesa sa kung paano ito narinig ni Heneral Emilio Aguinaldo sa kanyang bahay sa Kawit noong June 11, 1898, isang araw bago ang proklamasyon.

Sa lithograph, wala pa itong mga titik. Ang orihinal na bilis ng ating pambansang awit para sa piano at sa brass band ay 2/4.  Ayon kay Ocampo, “Then in the 1920s to make singing easier, the time signature was adjusted from 2/4 to 4/4 and the key was changed from the original C to G.”

Kung gagawin ang utos ng batas na sundin ang orihinal na komposisyon ni Julian Felipe na martsa, malamang sa malamang hihingalin tayo sa pag-awit nito.

Isang mas naunang Pambansang Awit

Ayon muli kay Ambeth Ocampo, ang maaaring ituring na unang pambansang awit ay ang kanta para sa Katipunan (Haring Bayang Katagalugan) na ipinagawa ni Andres Bonifacio kay Julio Nakpil, at nayari sa Balara noong Nobyembre 1896.  Ang mga titik ng Marangal na Dalit ng Katagalugan ay nagpapaalala sa atin na ang Katipunan ay hindi lamang organisasyon ng mga mararahas at sugod nang sugod at bobong masa kundi ito ay isang proyekto ng pagbubuo ng bansa batay sa dangal, puri, kabanalan at kahusayan:

Mabuhay, mabuhay yaong kalayaan, kalayaan
At Pasulungin ang puri’t kabanalan, ang puri’t kabanalan
Kastila’y mailing ng Katagalugan,
at ngayo’y ipagbunyi ang kahusayan.

Kung sakaling iba ang naging takbo ng kasaysayan at si Bonifacio ay nanatiling Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan noong 1897, iba sana ang himig na ating inaawit.  

Pinanghihinayangan naman ni Edru Abraham ng Kontemporaryong Gamelan Pilipino na nabaon na sa limot ng marami ang dalit.  Dapat daw ito ay pinapahalagahan din na tulad ng pambansang awit, at awitin sa angkop na mga okasyon.

Ang pambansang awit natin ay hindi awit ng mga lasenggo

Ang inspirasyon ng mga titik ni Francis Scott Key sa pambansang awit ng Estados Unidos ng Amerika, ang Star-Spangled Banner, ay ang bandilang patuloy na iwinawagayway sa isang labanan sa Fort McHenry noong 1812. Ngunit ang himig nito ay nagmula sa isang sikat na awit ng mga lasenggo noong panahon na iyon, ang “To Anacreon in Heaven.”

Sa kabilang banda, ang ating pambansang awit ay isinilang sa napipintong tagumpay ng ating himagsikan laban sa Espanya at ginawa rin ng isang bayani.

Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, naghahanap si Aguinaldo ng isang piyesang seryoso at “majestic” bilang pambansang martsa.  Inatasan niya ang kompositor na si Julian Felipe na gawan siya ng martsa noong June 5, 1898 nang magtagpo sila sa bahay ni Maximo Inocencio sa Calle Arsenal sa Cavite Puerto (Ngayo’t Lungsod ng Cavite).

Si Felipe ay sumali sa himagsikang Pilipino ngunit nahuli siya ng mga Espanyol at ikinulong sa Fort San Felipe Neri sa Cavite Puerto.  Ayon sa dating mananaliksik ng dating National Historical Institute na si Peter Jaynul V. Uckung, papatayin na sana siya ng mga Espanyol. Iyon nga lang, walang ebidensya na siya ay nakagawa ng krimen. Sa kabila nito, ibinilanggo siya sa Fuerza Santiago at napalaya lamang noong June 2, 1897.  

Matapos ang anim na araw, June 11, 1898, nagdala na ng borador si Felipe sa bahay ni Heneral Aguinaldo. Nagpahinga muna sa pulong noon sina Heneral Mariano Trias, Kalihim Pandigma Heneral Baldomero Aguinaldo at iba pa upang pakinggan ang komposisyon nang tugtugin ito ni Felipe sa piano. Ipinaulit nila ito nang ilang beses hanggang makumbinsing ito na nga ang angkop na martsa para sa Proklamasyon ng Kasarinlan kinabukasan.

Pinangalanan nila itong “Marcha Filipino Magdalo,” na naging “Marcha Nacional Filipina.” Ito ay sa gitna ng mga balita na tuloy ang pakikibaka ng iba’t ibang bayan laban sa mga Espanyol, habang ang mga Amerikano, matapos magtagumpay sa Labanan sa Look ng Maynila, ay nakatanaw lamang mula sa kanilang mga barko.

Itinuro ni Felipe ang piyesa sa Banda San Francisco de Malabon (ngayon ay Banda Matanda sa bayan ng General Mariano Trias, Cavite).

Unang pinatugtog sa publiko ang martsa matapos basahin ang pagpapahayag ng kasarinlan, ang Acta de la Proclamacion de Independencia del Pueblo Filipino. Naganap ito habang iwinawagayway ang watawat noong 4:02 ng hapon noong June 12, 1898. 

Dahil sa popular na imahe sa dating limang piso, sa mga pelikula, patalastas, MTV at dahil sa ating pag-aaral ng kasaysayan sa paaralan, tila mayroon din tayong kolektibong alaala ng pinakaunang flag ceremony sa kasaysayan ng bansa kung saan iwinagayway ang bandila sa saliw ng isang himig.

Pambansang awit kinopya raw sa pambansang awit ng Espanya at Pransya?

May iba namang kwento si Dr. Alejandro Roces: Isang linggo bago raw ang Proklamasyon ng Kasarinlan, ipinatawag ni Heneral Aguinaldo sa Kawit ang organista ng kabilang parokya, si Felipe upang magsulat ng musika para sa isang bagong Marcha Real.

Ngunit hindi sumang-ayon si Julian Felipe, “Ngunit mayroon na tayong Marcha Real.”

Sagot ng heneral, “Hindi, wala tayo noon; ang mayroon tayo ay yaong sa Espanyol. Mula ngayon, nararapat lamang na patugtugin na natin ang sariling atin.”

At ayon sa kuwento ni Dr. Roces, sadya raw na inareglo ni Felipe ang unang bahagi ng martsa na kahalintulad ng beat at tempo ng Marcha Real. Ang gitnang bahagi naman daw ay sumunod sa pattern ng Triumphal March ni Giuseppe Verdi sa Aida (na kilala natin bilang “graduation march”), habang ang huling bahagi naman daw ay batay si “pinakamagandang” pambansang awit sa daigdig, ang Marseillaise ng Pransya (ang panimulang mga himig nito ay mapapakinggan natin sa awit ng Beatles na “All You Need Is Love”).

Ayon nga kay Ambeth Ocampo, maraming nagsasabi na ang ipinasulat ni Bonifacio kay Nakpil ay tila hindi tumutugma ang mga titik sa musika bagama’t superiyor ang musika nito kaysa sa komposisyon ni Julian Felipe na maaring hatiin sa tatlong nag-uulit na bahagi na madaling marinig kung saan hiniram: ang unang bahagi nga ay sa Marcha Real, ang pangalawa ay sa isang labanan sa Moro-Moro, habang ang pangatlo ay halatang-halata, nagmula sa Marseillaise.

Sa pag-amin mismo ni Felipe, “kusang nagpasok ng mga himig na gumugunita sa Marcha Real ng Espanya upang mapangalagaan ang alaala ng lumang kalunsuran.”

Ngunit para kay Propesor Felipe de Leon, Jr., kasalukuyang tagapangulo ng National Commission for Culture and the Arts, ang himig ng pambansang awit ay salamin din ng Pilipinong mga uri ng musika:

“Filipinos have a curious habit of thinking that anything good and beautiful must be foreign, to the extent that our genuine achievements as a people are overlooked, belittled as copies, imitations or derivations from foreign ideas. This is true of our ancient script, which many of our scholars think was derived from (rather than just influenced by) Sanskrit, no matter how farfetched. Our bahay na bato is thought of as Spanish even if it’s actually a development of the bahay kubo, with a design more suited to a tropical climate than any specimen of Spanish house. We hail National hero Jose Rizal as the Pride of the Malay Race rather than of the Filipino people, even if anthropologically speaking, there is no such thing as a Malay race.

“This is also the case with our National Anthem, which a noted Hispanophile who became a National Artist for Literature by Presidential Decree, seriously believe is derived from the "Le Marsellaise of France," Verdi's "Triumphal March" from the opera Aida, and the "Marcha Real" of Spain. Similarly, many highly-educated Filipinos still believe that "Philippines My Philippines," translated in Filipino as "Pilipinas Kong Mahal" is an imitation of "Maryland My Maryland." Both songs were actually inspired more by local traditions, such as religious processional music and the kundiman, than by any foreign model.”

Anupaman, sinasabing tinanggihan ni Felipe ang alok ng isang Espanyol na bilhin ang eksklusibong karapatan sa paglalathala ng pambansang awit, upang tunay na maging pag-aari ng bayan ang kanyang musika.

Noong December 4, 1924, binigyan ng Philippine Legislature si Felipe ng Php 4,000.00 bilang pabuya sa orihinal na kopya ng kanyang komposisyon.  
 
 

 


Ang mga titik gawa ng isang sakiting sundalong mang-aawit

Isang taon matapos na likhain ni Felipe ang kanyang martsa, mula sa Pangasinan, gumawa si José Velásquez Palma ng sarili niyang bersyon na inilabas sa La Independencia, September 3, 1899.  

Si José Palma ay lumaban noong Digmaang Pilipino-Amerikano sa Angeles, Pampanga at Bamban, Tarlac sa ilalim ni Heneral Servillano Aquino, ang lolo sa tuhod ng ating pangulo. Ngunit nakitaan ng kahinaan ng katawan kaya ang malaking bahagi ng kanyang paglilingkod-militar ay idinaan niya sa pag-awit ng mga kundiman upang maaliw ang mga sundalo sa pagitan ng mga labanan. Mahilig din siya na maglapat ng sarili niyang mga titik sa mga sikat na tugtugin noon.  

Sa loob ng isang railway depot sa Bautista, Bayambang, Pangasinan, napagtripan niyang lagyan ng titik ang martsa ni Felipe.  Ang tulang nasa Wikang Espanyol ay pinamagatang “Filipinas,” na nagsisimula sa mga linyang, “Tierra adorada, hija del sol de oriente.”

Lumaganap ang mga titik kahit magsara ang diyaryo dulot ng pagtatagumpay ng mga Amerikano.

Naging isang bawal na awitin

At dahil ang titik at musika ay naging sagisag ng pakikibaka laban sa mga Amerikano, ano pa ang mamngagari kundi ipagbawal ng kolonyal na pamahalaan ang pagpapatugtog at pag-awit ng Marcha. Bawal ding ipakita ang pambansang bandila sa pamamagitan ng Act 1696 na inaprubahan ng Philippine Commission bilang ang Flag Law.  Marami ang naaresto dahil sa batas na ito na ipinawalang-bisa lamang noong 1919.

Habang nagkaroon ng pagbabawal, nagwagi naman ang martsa ni Felipe sa isang patimpalak sa Boston noong 1918.  

Pagdating ng panahon, mga Amerikano na rin ang nagpasalin sa Ingles ng awit kina Camilo Osias at Mary A. L. Lane noong 1920s. Ginawa itong opisyal ng Kongreso makalipas ang ilang taon noong panahon na ng Philippine Commonwealth noong 1938.

Lupang Hinirang, hindi Bayang Magiliw

Noong September 22, 1943, naglabas si Jorge Vargas, ang Tagapangulo ng Philippine Executive Committee sa ilalim ng mga Hapones, ng EO 211. Inatasan nito ang Batasang Pambansa na ihalal ang magiging pangulo ng Pilipinas at gawing opisyal ang mga sagisag ng bansa. Kasama na rito ang watawat at ang pambansang awit ni Heneral Emilio Aguinaldo. Sa taon ding iyon, inatasan ni Pang. José P. Laurel ang Surian ng Wikang Pambansa upang magkaroon ng salin ng orihinal na Espanyol sa Ingles at Filipino.

Nagkaroon ng salin sa Filipino noong 1948 sa porma ng “Diwang Bayan” na isinulat nina Ildefonso Santos at Julian Cruz Balmaceda.  Ang salin na ito ang ginawang batayan ng opisyal na saling Filipino na sinimulang gawin ng Komite ng mga musikero, manunulat at pangkat tekniko sa direksyon ng Kagawaran ng Edukasyon noong 26 Mayo 1956.

Noong December 19, 1963, ang kasalukuyang salin ng pambansang awit ay naging opisyal.  Ibig sabihin, ang “Lupang Hinirang” na ating inaawit ay bago lamang nating inaawit, mga 52 taon pa lamang.

Mayroon ding salin sa ibang mga wika sa Pilipinas bagama’t hindi kinikilalang opisyal ng pamahalaan, at hindi na ine-encourage ng pamahalaan na gamitin ang mga ito.

Kontrobersya sa Pambansang Awit

Bago ang mga “Manny Pacquiao fight versions” ng pambansang awit, may mga nauna nang kontrobersya rito.

Sa lumipas na tatlong dekada, dahil daw sa “artistic license,” nagkaroon ng iba’t ibang bersyon ang pambansang awit.

Nariyan ang pinagsabay na pambansang awit at ang komposisyon ni Ryan Cayabyab na “O Bayan Ko” na kinatha para sa isang special ng ABS-CBN para sa Sentenaryo ng Kasarinlan noong 1998. Pinamagatan itong “Isandaang Himig, Isandaang Tinig.” Habang inaawit ito ng mga pinakasikat na mang-aawit sa bansa, nakita ng kompositor na nag-iiyakan ang mga manonood.

Ang Kontemporaryong Gamelan Pilipino ng Unibersidad ng Pilipinas ay may sarili ring bersyon na nagpapahalaga sa mga kontribusyon ng mga Moro at katutubo sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang mga instrumento.

Ang UP Concert Chorus, ang opisyal na koro ng Unibersidad ng Pilipinas, na sa matagal na panahon ay nasa pagkumpas ni Prop. Rey Paguio, ay nagkakaroon ng bersyon na mabagal ang simula tapos ay muling uulitin sa orihinal na tempo.

Sa aking pagkakatanda, naging opisyal na bidyo pa ito ng pambansang awit na ipinapalabas noong Dekada 1990 sa telebisyon.  Sa areglong ito ayon kay Prop. Paguio, “dama ang sarap ng anthem at bigkas.” Ito iyong bersyon na inuulit ang linyang “Sa piling mo” ng dalawang beses.

Ang pinuno ng Kadekada Band na si Pol Galang ay pinasikat ang bersyon na kinatha nila ni George Guzman, na tinawag nilang “Lupang Sinira.”  Naging sikat na awit ito ng mga aktibista noong Dekada 1980, panahon ni Marcos at ng People Power.  Lumabas din ito sa isa sa mga album para sa Sentenaryo na may ibang pamagat.  

Kontrobersyal ito dahil pinalitan niya ang areglo upang pagsamahin ang genre na “anthem” at “Pinoy Folk,” at iniba ang lahat ng salita upang ipakita na taliwas sa sinasabi ng kasalukuyang pambansang awit, hindi pa tayo tunay na malaya:

Bayang mahiwaga sa malayong silangan
Alab ng puso, sa dibdib mo’y apoy
Lupang sinira, bayan ng magigiting
Sa manlulupig hindi pagagapi

Sa bayan at lungsod
Nagkaisa makabayang mamamayan
May tilamsik ang tula at awit
Sa paglayang inaasam

Ang kulay ng watawat mo’y
Tagumpay na magniningning
Ang bituin at araw niya’y
Hindi magdidilim

Laya ay langit kaluwalhati’t pagsinta
Buhay ay lupa sa piling mo
Aming ligayang makitang
Ang baya’y ‘di api
Ang mamatay ng dahil sa iyo.

Noong June 12, 1985, sa opisyal na pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan, ilang mang-aawit ang gumawa ng isang pagtatanghal ng pambansang awit na tila ginaya ang “We Are the World.”  

Naglakbay sa buong Pilipinas at nagsulat sa mga pahayagan ang pandaigdigang konduktor na si Redentor Romero upang kondenahin ang bersyon pop ng himno at tinawag itong pang-“night club” at ginawang “bastardized with pop rock.” 

Para sa kanya, pambababoy ito sa buong Pilipinas dahil hindi dapat ginagalaw magpakailanman ang dalawang bagay na ating tulay sa ating mayamang nakaraan—ang watawat at ang pambansang awit.

Ayon kay Propesor De Leon, Jr., ang uso naman ay nawawala.  Ayon kay Edru Abraham, ito ay depende sa layunin. Ayon naman kay Danny Javier ng APO Hiking Society, “Komo ba national anthem iyan di na pwedeng gamitin in whichever way they want?”

Upang maiwasan ang anumang kalituhan na idudulot ng iba-ibang bersyon ng pambansang awit, ang huling salita sa bagay na ito ay ang tagapangalaga ng ating mga pambansang sagisag, ang National Historical Commission of the Philippines, na nagpapatupad ng R.A. 8491.

Sa seksyong 50 ng batas na ito isinasaad na sinumang mag-iba ng areglo ng opisyal na pambansang awit taliwas sa ginawa ni Felipe ay pagbabayarin ng danyos na Php 5,000 hanggang Php 20,000 at makukulong ng isang taon.  Ayon sa Kagawaran ng Edukasyon, ang halimbawa ng tamang pag-awit ng pambansang awit ay ang pag-awit ng Philippine Madrigal Singers.

Ang kahalagahan ng pambansang awit

Tulad nang palagian nang binabanggit ng marami, para kay Benedict Anderson, ang nasyon ay isang hinirayang (imagined) politikal na pamayanan, at sa kaso ng Pilipinas, ay kinatha ng mga Propagandistang nag-aral sa mga Paaralang Espanyol at nagsasalita ng wika nito tulad nina Rizal at mga kasama.

Kung susundin ito, kailangan din ng mga sagisag na may saysay sa lahat ng bahagi ng hinirayang pamayanan upang lalong mapagtibay ang bansa. Ang ideyang ito ay pinapalalim ng teorya ni Krzysztof Gawlikowski. Ayon sa kanya, ang mga nasyon ay umiiral, subalit ang batayan nito ay mitolohiya—ito ay isang “Mitolohikal na Nilalang.”

Si Gawlikowski ay Polish, at isa sa kanyang mga tinalakay ay ang pagkakaisa ng mga mamamayan ng Poland bilang nasyon batay sa mga simbolo at ritwal—ang kanilang mga hari at bayani; mga nasyunal na ilog at lungsod; ang nasyunal na wika, literatura, at mga manunulat bilang mga pinunong espiritwal ng nasyon; at ang nasyonal na Katolisismo na nakasentro sa Birhen ng Jasna Gora bilang “Reyna ng Poland.”

Samakatuwid, isang ritwal na masasabing nagbubuklod sa ating bansa ang flag ceremony, na nagaganap araw-araw sa mga paaralan at bawat Lunes ng umaga sa lahat ng mga tanggapan ng pamahalaan sa buong bansa. 

Isang himig ang inaawit, isang bandila ang itinataas, nadarama natin na bahagi tayo ng isang pamayanan na mayroong pinagbuklod na karanasan sa kabila ng iba’t ibang wika at kultura.  At tulad sa sinasabi ni Gawlikowski na ang batayan ng ritwal ng bansa ay ang sariling kalinangan, tigib sa kasaysayan at simbolismo ng mga Pilipino ang ating pambansang awit.

Ang pambansang awit ay dapat igalang sa pamamagitan ng tamang pagtatanghal nito.  Sa pagkakaroon natin ng isang himig, napapaalalahanan tayo na dapat tayong magkaisa at magtulungan para sa kaginhawahan ng buong bayan sa harap ng mapanaklaw na globalisasyon. Naipagdiriwang natin ang pamanang kabayanihan, kalinangan at kalayaan ng ating mga ama at ina sa pamamagitan ng ritwal na ito.  
 
 



Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time:  Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.