Filtered By: Opinion
Opinion
KOMENTARYO: Sa kalsada, ang ilaw ay buhay
By BENIGNO BOBOY VALLES
Marami tayong nakikitang mga sasakyan na hindi nagbubukas ng ilaw pag gabi. Nagtitipid daw sila sa baterya at gasolina.
Walang natitipid sa ganitong gawain. Lalo ngang nahaharap sa gastos ang mga gumagawa nito.
Alam niyo bang singkwenta porsyento (50%) ng mga aksidente sa gabi ay “rear end collision” o pagbangga sa likod ng sasakyan dulot ng hindi pagbubukas ng ilaw o dahil walang ilaw sa likod?
Ang mga aksidenteng dala ng hindi pagbababa ng ilaw (refusing to dim light), at walang ilaw sa likod (no tail light or no stop light) ay ang mga pangunahing sanhi ng aksidente sa kalsada sa gabi.
Lahat ng mga ito ay ipinagbabawal ng Land Transportation Office (LTO) at maaring mabigyan ng citation ticket ang drayber.
Bakit ba may mga ayaw gumamit ng ilaw kapag gabi?
Katwiran ng iba, maliwanag na kasi may ilaw ang mga poste. Ang iba naman ay nakalimutang buksan ang ilaw.
Ang pinakapangit na sagot na narinig ko ay para daw makatipid sa baterya o gasolina.
Ang haba ng buhay ng baterya ay hindi nakasalalay sa pagbukas ng ilaw o paggamit ng mga accessories na may kuryente sa loob ng sasakyan.
Tumatagal ang baterya kung maayos ang alternator ng sasakyan. Ang alternator ang gumagawa ng koryente na supply ng sasakyan para palitan ang nawalang karga ng baterya at para pailawin at patakbuhin ang mga kagamitang may kuryente sa isang sasakyan.
Ang alternator ay pinapaikot ng makina ng sasakyan. Ang sabi ng iba, maaring tumaas ang konsumo ng gatong ng sasakyan kapag maraming sinusuplayan ng kuryente lalo na ang aircondition nito. May katotohanan ba ang katwirang ito?
Ayon sa pag-aaral, ang lakas ng paggamit ng gatong ng sasakyan ay depende sa drayber. Ang biglang pag-arangkada, sobrang bilis ng takbo at maling paglipat ng kambyo ang pangunahing sanhi ng mabilis na pagkaubos ng gas.
Kung dahan-dahan ang pagpapabilis ng takbo at kung hindi lalagpas sa walumpung kilometro bawat oras (80 kph) ang bilis, maaring makatipid ng dalawampung porsyento (20%) ng gas ang isang sasakyan. Ang tawag sa istilo ng pagmamaneho na ito ay “eco-driving”.
May natitipid bang gas kapag di gumagamit ng ilaw? Kung meron man, isang apak lamang sa silinyador ng isang daskol na drayber, napawi na ito dahil sa dami ng naubos na gas.
Ang mas mabigat na konsiderasyon sa di pagbukas ng ilaw ay ang kaligtasan sa daan. Lahat ng argumento tungkol sa pagtitipid ay walang saysay kung ito ay magdudulot ng aksidente.
Ang ilaw ay nagdudulot ng “increased visibility.” Mas madaling makita ang sasakyan at mas madaling makita ang dinadaanan at mga taong nasa daan kapag bukas ang ilaw.
May mga modelo ng motorsiklo na ang ilaw at headlight ay automatikong nagbubukas kapag pinaandar ang makina.
Sa maraming bansa, kapag umandar ang mga sasakyan ay automatiko na ring bumubukas ang ilaw nito.
Sa Pilipinas may mga kompanya na rin ng bus na bukas ang ilaw ng kanilang mga sasakyan habang bumabagtas sa daan, araw o gabi. Mas ligtas daw kasi ito para sa lahat sa daan.
Ang ilaw ay maaring maglayo sa aksidente. Tinatayang nababawasan ng di bababa sa dalawampung porsyento ang tsansa ng aksidente kung ang sasakyan ay laging nakailaw. Ang isang malaking kumpanya na nabawasan ng 20 porsyento ng aksidente sa isang taon ay malaki ang matitipid at higit sa lahat, marami ang buhay na maliligtas.
Kung ikaw naman ay pribadong motorista, di ba't malaking iwas sa gastos ang bawas na ito sa tsansa ng aksidente?
Magbukas ng ilaw ng sasakyan sa gabi. Walang natitipid kapag buhay ang kapalit.
Si Benigno "Boboy" Valles ay dating pinuno ng Corporate Communications Department ng Tollways Management Corporation, operator ng NLEX and SCTEX. Editor-in-chief din siya ng Nlexpress, ang pahayagan ng kompanya, at tagapamahala ng website at social network sites nito. Nananatili siyang aktibo sa kampanya para sa kaligtasan sa ating mga daan.
Tags: roadsafety, walangilaw
More Videos
Most Popular